Sabado, Nobyembre 24, 2012

KRISTONG HARI: HARI NG SANSINUKOB; HARI NG LANGIT; HARI NG LAHAT NG TAO

Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan
(Daniel 7:13-14/Salmo 93:1a, 1b-2, 5/Pahayag 1:5-8/Juan 18:33b-37)

Ipinagdiriwang natin ngayong Linggong ito ang Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari. Ang solemnidad na ito ay wala pang 100 taon samantala namang mahigit na 2,000 taon na po ang ating Simbahang Katolika. Ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari na ito ay itinatag noong 1925 ni Santo Papa Pio XI at ngayong taong ito ay 2012. Kung isusubtract natin ang 2012 at 1925 sa ating mga calculator or kung susulatan natin, ang magiging exactong sagot ay 87. Kaya, ang ating Maringal na Kapistahan ng Kristong Hari ngayon ay mga 87 years old siguro. Ang Kapistahan ng Kristong Hari ngayon ay ang Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon na ang ibig sabihin sa Linggong ito, nagtatapos ang ating Kalendaryong Panliturhiya ng ating Santa Iglesya. Sa darating na Linggo (Disyembre 2), magsisimula tayo uli sa pamamagitan ng Panahon ng Adbiyento. Ngayong taong ito ay Taon B at sa susunod na Linggo Taon K na po tayo. Ngayon, ang tanong, bakit merong Solemnidad ng Kristong Hari sa ating Simbahan?

Noong ika-11 ng Disyembre taong 1925, itinatag ni Santo Papa Pio XI ang Kapistahan ng Kristong Hari sa kanyang insiklikal na, “Quas Primas,” na ang sabihin, “Sa Simula Pa Lamang.” Sa pamamagitan ng insiklikal na ito, ipinakilala at itinatag ni Santo Papa Pio XI ang Kapistahan natin ngayon, ang Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari. Tinuturo ng insiklikal na ito ang mga turo sa Matandang Tipan at Bagong Tipan tungkol sa pagkahari ni Kristo. Puwede rin po nating basahin ang Quas Primas sa internet ngayon. Pumunta po kayo sa www.google.com or www.bing.com at i-type po ninyo sa search box ang Quas Primas. Doon rin po mababasa ang Quas Primas sa wikang Ingles sapagkat walang Quas Primas sa wikang Tagalog. Pero, bakit ba itinalaga ni Papa Pio XI ang Kapistahang ito?

Noong 1925, kakatapos pa lamang po ng Unang Digmaang Pandaigdig (or World War I).  Pansamantalang tumigil noon ang modernismo at progreso ng Europa. Nagkaroon rin po ng rebolusyon sa Russia na ang tinatawag ay, “Bolshevik Revolution,” na naganap noong 1917 at walong taon lang ang nakalipas noon. Nagkaroon ng gobyernong Totalitarianismo, na ang ibig sabihin, gustong kontrolin ng isang estado ang buhay pampubliko at pambahay sa Bolshevik Revolution noon. Ito rin ay masasabi nating mga atheist o ateista, ang mga hindi naniniwala o sumasampalataya sa Diyos. Ano ang naging resulta nito? Ang bunga nito ay ang tinatawag na Soviet Communism. So, in short, masasabi natin, noong 1925, kakatapos lamang ng WWI, ang daming kaguluhan, at ang daming mga pagbagsak ng gobyerno.

Ayon sa Santo Papa, dahil sa mga pangyayaring ito, nakakalimutan na ng mga tao kung sino nga ba ang tunay na hari at kung sino nga ba ang dapat maging hari ng buhay nila. Sino nga ba ang hari ng buhay natin? Sino dapat ang maging hari ng buhay natin? Sa panahon ngayon, napakarami nating iniidolo, ginagawang hari, dahil isa tayong tagahanga ng taong iyon. Pero, palagay ko, hindi natin napapansin, na dahil sa mga ginagawa natin, halos natin ginagawa nating diyos ang hinahangaan natin. Ang daming mga hari, gustong maging hari, o kaya ginagawa nating hari. Hindi ko naman sinasabing mali ang magkaroon ng idol o humanga sa mga tao. Ang sinasabi ko lamang, huwag naman gawing diyos ang taong iyon. Hindi ba, sinasabi ng Diyos sa Pangalawang Utos sa Sampung Utos ng Diyos: “Huwag kayong magkaroon ng ibang diyos maliban sa Akin.” Ako, personally, may iniidolo ako. Total dalawa pa nga ang iniidolo ko. Halata, kilala nating lahat, Jackie Chan at Jet Li. Pero, alam niyo, hindi ko naman silang ginagawang mga diyos ko. Bakit? Sapagkat tao rin sila. At isa pa, kung ginawa ko silang diyos, naku, nakalimutan ko na tuloy ang Pangalawang Utos sa Sampung Utos ng Diyos: “Huwag kang magkaroon ng ibang diyos maliban sa Akin.” Kaya, iisa lamang ang aking Diyos na sinasamba, ang nag-iisang Diyos sa kalangitan.

Ano ba ang gustong ipaliwanag ni Papa Pio XI sa kanyang insiklikal Quas Primas? Ang nais lamang ipaliwanag ng Santo Papa ay dapat, magkaroon lamang ng iisang Hari ang buhay natin. Ang daming hari ngayon pero kailangang iisa lamang ang maging Hari. At sino ang dapat maging Hari ng buhay natin? Si Hesus, ang ating Panginoon. Ayon sa papal motto ni Pope Pius XI, “Christ's peace in Christ's kingdom.” Ang ibig sabhin noon, “Ang kapayapaan ni Kristo ay nasa kaharian ni Kristo. Pinapaliwanag ni Pope Pius XI sa Quas Primas na si Hesus lamang ang dapat maging Hari ng ating buhay. Ayon nga po sa ating Santo Papa ngayon, si Benito XVI, ang paghahari ni Kristo ay hindi tungkol sa laman o kapangyarihan. Ito ay tungkol sa pagpapakumbaba at paglilingkod sa kapwa-tao. Isa pong halimbawa o huwaran natin ang ating Mahal na Inang si Maria, ang Ina ni Hesus, ang atin ding Ina. Kaya, dinakila rin si Maria at ginawa siyang Reyna ng Langit at Lupa. Ganyan rin kay Hesus. Ayon nga kay Apostol San Pablo, nagpakababa si Hesus nang maging tao siya at naging masunurin hanggang kamatayan sa Krus. (Filipos 2:8)  Kaya nga, dinakila at itinampok siya ng Diyos dahil naging masunurin sa kalooban ng Diyos Ama si Hesus.

Bakit si Hesus ang dapat maging Hari ng buhay natin? Iyan ang tanong sa atin ngayon.  Napakamarami tayong mga dahilan (hindi ko na po sasabihin kung anu-ano ang mga iyon) kung bakit dapat si Kristo ang dapat maging Hari ng buhay natin. Si Kristo, talaga, ang Tunay na Hari.  Ibalik nawa natin si Kristo sa ating buhay para nawa, si Kristo ay maging Hari muli ng ating buhay. Kahit anuman ang lahi natin, kahit iba ang lahi ng napakaraming tao, iisa lamang ang dapat maging hari ng buhay nating lahat. Si Kristo. Si Kristo, ang ating Hari. Si Kristo Hesus ang Simula at ang Katapusan, ang Alpha at Omega. Si Hesus ang ating Hari, ngayon, bukas at magpakailanman. Amen. Pagpalain tayong lahat ni Kristong Hari: Hari ng Sansinukob, Hari ng Langit, Hari ng Lahat ng Tao.

VIVA CRISTO REY!! MABUHAY ANG KRISTONG HARI!!




Photo sources: Google Images

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento