(Jer 33, 14-16/ Slm 24, 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14/
1 Tes 3,12-4:2/Lu 21,25-28, 34-36)
Ngayong Linggong ito ay ang Unang Linggo ng Adbiyento, ang Panahon ng Paghihintay at Paghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang. Sa Linggong ring ito, pumapasok tayo ng Bagong Taon sa Kalendaryo ng ating Simbahan. Sinisimulan ngayong Linggo ng ating Simbahan ang Taon K. Ngayong Linggong rin ito ay ang Linggo ng mga Katolikong may Kapansanan. Ipagdasal po natin ang ating mga kapatid na may kapansanan, huwag lamang pag ngayong Linggong ito, kundi araw-araw natin isama sa ating mga panalagin ang ating mga kapatid na may kapansanan.
Ano ba ang Adbiyento? Una, galing sa salitang Latin Adventus ang salitang Adbiyento. Ang ibig sabihin ng salitang Adventus ay "pagdating." Ang panahon ng Adbiyento ay tungkol sa paghihintay at paghahanda para sa Pasko. Puwede nating sabihin na ang panahon ng Adbiyento ang tinatawag nating Christmas countdown ng ating Inang Simbahan. Sapagkat, sa panahon ng Adbiyento, dito natin hinahanda ang ating sarili para sa Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan ng Panginoon. Paano nating hinahanda ang ating sarili para sa Kapaskuhan? Kinukumpisal ang ating mga kasalanan sa pari sa Sakramento ng Kumpisal, sumasama sa Advent Recollection, gumawa ng mabuti sa kapwa lalung-lalo na ang mga mahihirap, etc. Ang mga bagay na ito ay makakatulong sa atin na maging handa para sa Araw ng Pasko. Sapagkat iyon talaga ang Diwa ng Kapaskuhan, gumawa ng mabuti sa kapwa-tao. Kaya, sana, gawin natin araw-araw ang paggawa ng mabuti sa kapwa-tao.
Isa sa mga bagay na itinatampok ng ating Simbahan ang tinatawag nating Korona ng Adbiyento o kaya ang Advent Wreath. Kung ating mapapansin, ang Korona na ito ay may apat na kandila. Tatlong kandila ay kulay biyoleta, habang ay isa ay kulay rosas. Ang tatlong biyoletang kandila ay isinisindi sa Una, Ikalawa at Ika-Apat na Linggo samatala naman ang kandilang kulay rosas ay isinisindi sa Ikatlong Linggo ng Abiyento. Ano sinasagisag ng apat na kandila na ito? Ang apat na kandila sa korona na sumisimbolo sa apat na Linggo sa panahon ng Adbiyento ay sumasagisag din kay Kristo, ang liwanag ng sanlibutan. Sinisimbolo ng bilog o korona kung saan nakapatong ang apat na kandila na ito ang Diyos na walang simula at walang katapusan. Ang mga sangay naman ay sumasagisag sa buhay na walang hanggan. Sa ilang simbahan, pagsapit ng Pasko, mayroon silang puting kandila na isinasama sa koronang pang-Adbiyento. Sumisimbolo ito sa Kapanganakan ng Panginoon.
Ngayon, ipapaliwanag ko na po sa inyo ang kahulugan ng apat na kandila sa koronang pang-Adbiyento. Tandaan po natin na ang biyoleta ay sumasagisag sa pagsisisi habang ang rosas naman ay sumasagisag sa kagalakan. Ang Unang Kandila ay ang Kandila ng Pag-Asa. Bakit? Sapagkat maaasahan natin na palaging tutuparin ng Diyos ang Kanyang pinagako. Pinagako ng Diyos na isusugo Niya ang isang dakilang Sugo na tinatawag na Mesiyas, ang Kristo, ang Tagapagligtas ng sansinukob. Sino ang Mesiyas? Si Jesus, ang ating Panginoon, ang Bugtong na Anak ng Diyos. Ang Pangalawang Kandila naman ay ang Kandila ng Paghahanda. Katulad ng sinabi ko, palagi natin maaasahan ang Diyos na tutuparin Niya ang Kanyang pangako sa sangkatauhan. Pero, kailangan natin maging handa para sa pangako ng Diyos. Kailangang maghanda ang sangkatauhan para sa dakilang pangako ng Diyos. Ang Pangatlong Kandila naman ay ang Kandila ng Kagalakan. Kagalakan dahil malapit na ang Pasko. Malapit na ang araw kung saan tinupad ng Panginoong Diyos ang Kanyang pangako sa sangkatauhan. Umawit ng isang awit ng galak ang mga anghel sa langit noong ipinanganak si Jesus sa Betlehem. At panghuli, ang Pang-Apat na Kandila ay ang Kandila ng Pag-Ibig. Magtataka siguro tayo, bakit pag-ibig? Ang sagot ay matatagpuan sa pinakamasikat na bersikulo sa Banal na Bibliya. "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak upang hindi hatulan ang sanlibutan, kundi iligtas ito sa pamamagitan Niya." (Juan 3:16-17)
Kaya, ang Unang Linggo ng Adbiyento ay Linggo ng Pag-Asa. Linggo ng Pag-Asa dahil maaasahan natin na tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang Bayang Hinirang. Ang mga pagbasa natin sa Linggong ito ay makakapagbigay ng pag-asa sa ating lahat. Bakit? Dahil ang mga pagbasa natin ngayong Linggo ay tungkol sa pag-asa. Kahit nakakatakot pakinggan, makakapagbigay ng pag-asa ang mga pagbasa natin.
Ang Unang Pagbasa ayon kay Propeta Jeremias ay tungkol sa pangako ng Diyos na may isusugo Siya sa Bayang Israel. Ito ay tungkol sa propesiya ni Propeta Jeremias tungkol sa kapanganakan ng Mesiyas. Ayon kay Propeta Jeremias, ang Mesiyas ay magmumula sa lipi ni Haring David. Ang Mesiyas ay ipanganganak sa bayan ng Betlehem kung saan nagmula si Haring David. Dagdag pa ng Panginoong Diyos ay ang Mesiyas ay magiging isang makatarungan, makatwirang hari. Ililigtas ng Mesiyas ang sangkatauhan. Ngayon kilala natin kung sino ang tinutukoy ni Propeta Jeremias - si Jesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ang ating Panginoon.
Sa Ikalawang Pagbasa, ipinapayo ni Apostol San Pablo hindi lamang sa mga taga-Tesalonika kundi sa ating lahat na maging banal. Maging mapagmahal sa ating kapwa-tao. Sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa at pagiging banal, mananatili tayong walang kapintasan at makakaharap natin ang Panginoong Jesus sa Kanyang muling paririto. Palalakasin tayo ni Kristo kapag umibig tayo sa ating kapwa. Sapagkat ang pag-ibig ay nakakalugod sa Diyos. Tandaan po natin, ang Diyos ay Pag-Ibig. Sabi nga ni San Juan, "Ang taong hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay Pag-Ibig." (1 Juan 4:8)
Ngayon, sa ating Ebanghelyo ayon kay San Lucas, mapapakinggan natin ang mga nakakatakot na pangyayari kapag gugunawin na ang mundo. Magkakaroon ng tanda mula sa araw, sa buwan at sa bituin. Talagang nakakatakot na iyon. Mayayanig ang mundo, mawawala ang mga planeta, ang dagat ay uugong at magkakaroon ng daluyog, etc. Nakakatakot po talagang pakinggan ang mga salitang iyon. Halata naman, hindi po ba? Pero, hindi sinasadya ni Jesus na takutin tayo. Bakit? Sapagkat, baka naman pagbalik ni Kristo, naku, walang sasalubong kay Kristo sapagkat takot na takot na ang mga tao kay Kristo dahil sa mga sinabi Niya tungkol sa katapusan. Sa unang tingin at dinig ay nakakatakot ang mga sinasabi ng Panginoong Jesus. Pero, iba ang nais ipaliwanag ng Panginoon. Ipinapaliwanag Niya na magkakaroon ng pagbabago ang mundo, babaguhin ni Jesus ang mundo sa Kanyang muling paririto. Ang dahilan kung bakit ginamit ni Jesus ang mga salitang, "Mayayanig ang mundo, mawawala ang mga planeta, etc," ay para ipaalam sa atin na malapit nang maglaho ang luma o matandang mundo. Ang mundong puno ng kawalan ng katarungan, kasalanan, diskriminisasyon, mga pagitan at marami pang ibang kasamaan sa mundo ngayon ay mawawala. Paano? Babaguhin lahat ito ni Jesus pagbalik Niya rito muli. Nagbibigay pag-asa dito si Jesus sa pamamagitan ng mga sinabi Niya.
Kapag dumating na ang oras na iyon, ano ang nais ni Jesus? Salubungin natin Siya sapagkat darating na ang oras ng kaligtasan. Ayaw ni Kristo na may tumakbo mula sa Kanya sapagkat sayang na. Kawawa na ang taong tatakbo mula kay Kristo sapagkat hindi na siya magkakaroon ng kaligtasan. Ang gusto ng Panginoon, magalak tayo, salubungin natin Siya, sapagkat sa araw na iyon, sa araw ng Kanyang pagbabalik dito sa lupa, babaguhin na ng Panginoong Jesus ang mundo at isasama Niya tayo sa bagong sanlibutang inayos na. Paalam sa dating sandaigdigan. Paalam sa dating sandaigdigan puno ng kasamaan. Sapagkat sa pagparito muli ni Jesus, maglalaho na ang dating sanlibutan puno ng kasamaan. Magkakaroon tayo ng bagong sansinukob at bagong buhay na ipinangako sa atin ng Panginoon. Manalig lamang tayo sa Panginoong Jesus. Talagang araw ng pag-asa ang pagparito muli ng Panginoong Jesus.
Ngunit, sa Ebanghelyo, hindi lamang isa lang ang bilin ni Jesus. Yung isang bilin ni Jesus ay magkaroon tayo ng pag-asa, manalig tayo sa Kanya, huwag tayong matakot sapagkat sa araw ng paririto Niya muli, magkakaroon tayo ng bagong buhay at bagong mundo. May isa pang bilin si Jesus para sa atin. Maging handa lagi. Maging handa tayo palagi, magtanod tayo palagi, sapagkat hindi natin alam kung kailan babalik sa daigdig si Jesus. Sabi nga rin ni Jesus hindi rin Niya alam kung kailan Siya babalik. Sino ang nakakaalam? Ang Diyos Ama. Pero, ito ang bilin sa atin: maging handa tayo lagi. Paano tayo makapaghanda para sa pagbalik muli ni Jesus? Una, magdasal palagi tayo araw-araw. Ang panalangin ay makakatulong sa atin at makakapagbigay-lakas at pag-asa sa atin. Sa pamamagitan ng pagdasal sa Diyos araw-araw, lumalakas ang ating pananampalataya sa Kanya. Pangalawa, gumawa ng mabuti sa kapwa-tao. Sapagkat sinabi ng Panginoong Jesus: "Anuman ang gawin ninyo sa pinahamak sa mga kapatid kong ito, ginawa ninyo ito sa Akin." (Mateo 25:40) Pangatlo, makipag-ayos kayo sa inyong kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga kaaway ninyo. Sinabi rin ng Panginoong Jesus: "Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipagdasal ninyo ang mga umuusig sa inyo." (Mateo 5:44) Ang dami tayong mga bagay puwede natin gawin bilang paghahanda para sa muling pagparito ni Kristo. Sana, makasalubong natin si Jesus kapag pumarito na Siya muli.
Nga pala, bago kong kalimutan, tatlong taon na nating pinapakinggan na gugunawin ang mundo sa 21 Disyembre 2012. Ang bunga noon ay katakutan sa lahat ng mga tao at mga nagdarasal na sana'y hindi totoo ang sinasabi nila. May iba nga, pinagdarasal nila na hindi sumapit ang ika-21 ng Disyembre 2012. Nagsimula ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pelikulang 2012. Ang daming tao ang nanood sa pelikulang ito at halos natakot na sila. Halos, ito na yata ang pinakamainit na usapin at debate sa panahon ngayon. Hindi totoo na gugunawin ang mundo ngayong taon na ito. Sapagkat sinabi ni Jesus sa Ebanghelyo ni San Marcos: "Walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak - ang Ama lamang ang nakaalam nito." (Markos 13:32) Pero, ang bilin sa atin ni Jesus, magkaroon tayo ng pag-asa at maging handa palagi.
Sources: (https://www.americancatholic.org/messenger/dec2003/Family.asp)
(http://livinghopeomaha.wordpress.com/about-living-hope/bible-stud/the-meaning-of-the-advent-wreath/)
The Word Exposed with Luis Antonio Cardinal Tagle
Photo sources:
thank you for this...i may use some of your ideas to the kids in my Sunday outreach..thank you
TumugonBurahin