Sabado, Disyembre 22, 2012

BIRHENG MARIA: PINAGPALA SA LAHAT NG MGA BABAE

Ika-4 na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
at Ika-8 Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo
(Mik 5, 1-4a/Slm 79/Heb 10, 5-10/Lu 1, 39-45)

Ang Ebanghelyo natin ngayong Ika-4 na Linggo ay hango mula sa unang kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Lucas. Ito po ay tungkol sa pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak o pinsan na si Elisabet. Ito rin po ang pangalawang Misteryo ng Tuwa sa ating Santo Rosaryo. Kung inyo pong mapapansin, ang pagninilayan natin ay tungkol kay Maria, ang pinagpalang babae sa lahat. Kagaya ng sinabi ni Elisabet, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasasabi sa iyo ng Diyos!"

Balikan po natin ang pagdalaw ng Anghel Gabriel kay Zacarias, ang ama ni San Juan Bautista.
Maitatanong natin kung bakit bang naging pipi si Zacarias habang wala namang nangyari sa Mahal na Ina. Ganito po ang nangyari kay Zacarias. Si Zacarias ay matagal nang nagdasal para magkaanak sila ng kanyang asawang si Santa Isabel. Noong pumasok siya sa templo, nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon. At iyon nga, si Anghel Gabriel ay nagpakita sa kanya.  Nagbalita ang Anghel Gabriel sa kanya na magkakaanak na si Elisabet sa kabila ng kanyang katandaan (baog na po si Elisabet) at ang ipapangalan nila sa anak nila ay Juan.

Pero, bakit naging pipi si Zacarias? Nagtatanong lang naman si Zacarias kung paanong mabubuntis si Elisabet, ba't naging pipi siya? Ganito po iyon, eh. Matagal nang ninanais ni Zacarias na magkaanak sila ni Santa Isabel. Eh, noong ibinalita sa kanya ng Anghel na magkaka-anak na si Elisabet, naku, biglang inisip ni Zacarias, "Naku, Diyos ko po! Imposible yata ito! Matanda na nga kami ng asawa ko, doon na kami magkakaanak!" Nawalan siya ng pananalig sa Diyos na lahat ay posible sa kanya. Kaya, isinumpa siya ng anghel Gabriel na magiging pipi siya hanggang sa araw na ipanganak ni Elisabet si Juan Bautista. Negatibo dito ang tono ng tanong ni Zacarias. Hindi siya nagtanong nang may pananalig. Hindi siya nanalig. Kaya naging pipi siya.

Ngayon, dumako po tayo sa sitwasyon ni Maria. Ganito rin ang nangyari sa kanya. Nagpakita sa kanya ang anghel Gabriel. Pero, ang pagkakaiba nina Maria at Zacarias ay hindi naging pipi si Maria. Bakit? Ganito po ang nangyari. Habang nagdarasal si Maria sa kanyang kuwarto, bigla na lang nagpakita sa kanya ang anghel Gabriel. Noong sinabi ng anghel sa kanya, "Makinig ka!" nakinig si Maria sa mga sasabihin sa kanya ng anghel.

Sinabi ng anghel kay Maria, "Ikaw ay maglilihi, manganganak ng isang lalaki, at siya ang Anak ng Diyos." Ang tanong ni Maria, "Paano mangyayari ito?" May tanong po siya sapagkat nakikinig siya sa mga sinasabi ng anghel sa kanya. At ang dahilan ay hindi niya maunawaan nang mabuti ang mga sinasabi sa kanya ng anghel. Dagdag pa niya, dalaga pa siya, wala siyang asawa. Iyon halos ang problema, walang ama yung bata. "Paano mangyayari ito, dalaga pa ako at tutal, wala akong boyfriend?"

Ito rin ay halos tinatanong ni Maria, "Paano kong magagampanan itong napakalaking pananagutan na maging Ina ng Anak ng Diyos? Ito'y isang napakalaking pananagutan. Ang Anak ng Diyos, magiging anak ko rin? Palagay ko hindi ko makakayanan itong napakalaking pananagutan na ibinibigay sa akin ng Diyos. Ako ang mag-aalaga at magiging ina ng Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Paano?" Hindi niya maintindihan ang mga sinasabi sa kanya ng anghel, ngunit gusto niyang malaman kung ano ang ibig sabihin noon.

Sumagot ang anghel sa kanya at nakinig na naman si Maria sa sagot ng anghel sa kanya,
"Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at nililiman ka ng kataastaasang Diyos.... sapagkat walang mapangyayari ang Diyos." Hinirang ng Diyos si Maria na maging Ina ng Anak ng Diyos. Halos imposibleng mangyayari na ang isang dalaga ay maglilihi at manganganak. Pero, sinabi ng anghel kay Maria, "Walang imposible sa Diyos." (Nothing is impossible with God)

Ang tugon naman ni Maria, "Ako'y alipin, ako'y alipin ng Panginoong Diyos, maganap nawa sa akin ayon sa wika mo." Pagkatapos noon, hindi siya naging pipi. Bakit? Nanalig siya na mapangyayari ng Diyos ang ipinasasabi sa kanya ng anghel. Kaya, si Maria ay isang napakagandang halimbawa o huwaran nating lahat (lalung-lalo na ng mga ina). Si Maria'y nakinig, nanalig, at buong pusong iniligay sa kanyang puso ang mga Salita ng Diyos.

Mga kapatid, malapit na po ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Dalawang araw na lamang po at makukumpleto na po ang ating paglalakbay at paghihintay sa panahon ng Adbiyento. Ilang araw na po, ipagdiriwang ng ating Simbahan ang kapanganakan ng Panginoon. Nawa, sa tulong ng Adbiyento at Simbang Gabi (o Misa de Gallo), naihanda na ang ating mga sarili para sa Kapaskuhan.

(Photos courtesy of owners)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento