Hatinggabi sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
(Is 9, 1-6/Slm 95/Tito 2, 11-14/Lu 2, 1-14)
Unang una po sa lahat, nais ko pong batiin kayong lahat ng isang mapagpala at maligayang Pasko sa inyong lahat. Tapos na po ang panahon ng Adbiyento. Natapos na rin po natin ang siyam na araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo. Tapos na ang paghihintay. Sumapit na ang araw na pinakahihintay nating lahat. Ang Kapaskuhan. December 25. Alam ko pong excited na excited na po kayong makapag-Noche Buena kasalo ang pamilya niyo. Tutal, isa pong tradisyon sa Paskong Pinoy ang Noche Buena kasama ang pamilya. Meron rin pong mga Christmas party, etc. Lahat po iyan ay ginagawa dahil masaya ang mga tao. Kaya, isa pong maligayang pasko muli.
Ngayon, kung inyong mapapansin, ang pamagat po ng homiliya ay "Noong Paskong Una." Alam po nating lahat na isang kanta ng Bukas Palad Music Ministry itong awiting ito. Ganito po yung lyrics:
Noong Paskong Una,
si Mariang Ina
sanggol niyang kay ganda
'pinaghele sa kanta
awit niya kay rikit.
Anghel doon sa langit
sa tamis naakit
sumamang umawit
Pasko na! Pasko na! Pasko na!
Sumabay, sumabay sa kanta,
ni Mariang sa NiƱong kay ganda.
Sa kantang ito, isinalaysay ang Kuwento ng Kapanganakan ng Panginoon. Ang Diyos Anak ay nagkatawang-tao sa Unang Pasko. Isinugo ng Diyos ang kanyang Bugtong na Anak, ang Pangalawang Persona sa Banal na Trinidad, upang iligtas tayong lahat mula sa kasalanan at kamatayan. Isinilang ang Anak ng Diyos sa sinapupunan ng isang Birhen, at siya'y tatawaging Emmanuel (Ang Diyos ay kasama natin). Pero, kung atin pong mapapansin, dumanas ng matinding hirap ang Banal na Pamilya. Dumanas nga sila ng matinding hirap noong pumunta sila sa Betlehem, kagaya nga ng sinasabi sa ating Ebanghelyo.
Noong pumunta sina Jose at Maria sa Betlehem, wala silang mapupuntahan. Hindi sila tinanggap sa bahay-panuluyan sapagkat punong-puno ang mga bahay-panuluyan. Wala na silang espasyo doon sa loob ng mga bahay-panuluyan. Nanganganak na nga noon si Maria. Talagang napakahirap ang dinaranas nina Maria at Jose noong gabing iyon sa Betlehem.
Kaya, pumunta silang dalawa sa isang sabsaban. Sa sabsaban, doon nakatira ang mga hayop. Doon sila kumakain, etc. Talaga naman hindi maganda ang lugar na iyon para sa Anak ng Diyos. Pero, wala silang magawa. Iyon ay bahagi ng plano ng Diyos. Ipanganak ang Diyos Anak sa isang sabsaban sa Betlehem. Sa sabsaban na iyon, ipinanganak ng Mahal na Ina ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng lahat ng tao. Ipinanganak si Kristo sa sabsaban pagdating ng Mahal na Birhen at Senor San Jose sa sabsaban.
Noong Paskong Una, talagang mahirap yung buhay nina Mahal na Birheng Maria at ni San Jose. Nahirapan sila sa paghahanap ng lugar kung saan mapanganak si Kristo. Ang mahanap nila ay isang sabsaban kung saan kumakain ang mga hayop. Pero, ito ay isang halimbawa ng pagpapakumbaba ng Diyos. Ayon nga kay Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos: hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at namuhay na isang alipin. (Taga-Filipos 2, 6-11)
Sa gabing ring iyon, umawit ng mga anghel sa kalangitan ng, "Gloria in Excelsis Deo," na ang ibig sabihi'y, "Papuri sa Diyos sa kaitaasan!" Nagpuri ang kalangitan sapagkat ipinanganak na ang pinangakong Mesiyas. Narito na ang Mesiyas. Sumilang na siya. Sumilang na siya sa isang sabsaban sa Betlehem. Dinalaw ng mga pastol ang Kristong isinilang ng Mahal na Birhen. Dinalaw si Kristo ng mga pastol na nag-aalaga sa kanilang mga tupa. At nagpuri ang mga pastol pagkatapos nilang makita ang Kristong Anak ng Diyos. Hinahanap rin si Kristo ng Tatlong Pantas mula sa silangan (Tatlong Hari), at nang mahanap siya ng Tatlong Hari, sila'y nagbigay-galang sa kanya at nag-alay ng ginto, mira, at kamanyang.
Talagang mahirap iyong buhay nina Jose at Maria. Noong ipinagpatay ni Haring Herodes yung mga bata sa Betlehem, nagtago sina Jose, Maria, at ang sanggol na Jesus. Nasa panganib na si Jesus noon dahil gusto siyang ipagpatay ni Herodes. Bakit? Sapagkat hindi bumalik sa kanya ang Tatlong Haring Mago. Hindi niya tuloy nakita ang sanggol na Jesus. Kaya, pinagpatay niya ang lahat ng mga sanggol sa Betlehem para sakali, makita niya si Jesus. Mabuti na lang, inutusan si Jose ng mga anghel na idala sina Maria at Jesus sa ibang bayan. Nagtago sila sa Egipto. Pagkatapos mamatay si Herodes, umuwi sila sa Nazaret.
Alam po ninyo, ang mga balita ngayon tungkol sa mga biktima na nasalanta ng bagyong Pablo, wala silang tahanan upang makapagdiwang sila ng Pasko. Wala silang lugar upang makasalo ang kanilang pamilya ngayong araw ng Pasko. Kaya, isama nawa natin ang mga biktima ng bagyong Pablo sa ating mga panalangin sa Diyos sa araw na ito. Tandaan, isang mabuting gawa ang pag-dasal para sa kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga mahihirap.
At yung latest, naisabatas na po ang RH Bill. Nanalo ang mga pro-RH. Pero, hindi pa tapos ang labanang ito. Patuloy na gagawa ang paraan ang ating Simbahan upang ipaliwanag na mapanganib ang batas na ito. Bago naisabatas ang RH Bill, patuloy na pinagpapaliwanag ng Santa Iglesya na ang batas na ito ay mapanganib sapagkat hindi ito ang gusto ng Diyos. Pero, naisabatas na ang RH Bill. Kahit na isinabatas na ang RH Bill, patuloy na ipapaliwanag ng Simbahan na ito'y mapanganib, ito'y tutol sa nais ng Diyos, at tutol ang ating Santa Iglesya sa batas na ito.
Balikan po natin yung mga biktima ng bagyong Pablo. Kapag nakikita ko ang mga litrato nila sa internet o napapanood sa TV, radyo, o nababasa sa mga dyaryo, naaalala ko po ang mga hirap na dinanas ng Banal na Mag-Anak na si Jesus, Maria at Jose noong Paskong una. Talagang napakaraming hirap na dinanas nila. Ngunit, sa gitna ng mga hirap na dinanas nila, patuloy silang nagmahalan. Patuloy ang pagmamahal sa isa't isa. Tinulungan nila ang isa't isa. Nanatili silang magkasama hanggang sa araw lumaki si Jesus (mga 30 taong gulang). Bago pa man naging 30 taong gulang si Jesus, pumanaw si Jose. Kaya, ang Panginoong Jesus ay nagtrabaho at ang bumuhay sa kanyang pamilya. Si Jesus ay tumulong sa kanyang inang si Maria. Sana, ganyan rin po tayo, magtulungan tayo sa isa't isa, katulad ng pagtutulungan nina Jose, Maria, at ang Panginoong Jesukristo.
Muli, maligayang Pasko sa inyong lahat!!
NOONG PASKONG UNA (By: Intsik-Baguio)
(Photos courtesy of owners)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento