(Sir 3, 3-7, 14-17a/Col 3, 12-21/Lu 2, 41-52)
Ang Kapistahan po natin ngayon ay ang Kapistahan ng Banal na Pamilya: si Jesus, Maria at Jose. Nakakatakot po halos ang ating Ebanghelyo. Nawala si Jesus sa ating Ebanghelyo. Kaya, ang pamagat ng homiliya ko ngayon ay, "Nasaan si Jesus?" Nasaan si Jesus? Nawawala na siya kasi sa ating Ebanghelyo. Talagang hanap-hanap si Jesus nina Maria at Jose. Hirap na hirap na sila kasi tatlong araw ang kailangan upang hanapin si Jesus.
Alam po ninyo, ito po ang pangatlong Hapis ni Maria sa Pitong Hapis ni Maria. Di po ba pito yung hapis ni Maria? Ito po ang pitong hapis ni Maria:
1) Ang Propesiya ni Simeon.
2) Ang Pagtakas Patungo sa Egipto.
3) Ang Paghahanap kay Jesus sa Templo.
4) Sinalubong ni Maria si Jesus sa daang papuntang Kalbaryo.
5) Ipinako si Jesus sa Krus.
6) Ibinaba si Jesus mula sa Krus.
7) Si Jesus ay inilibing.
Kung atin pong mapapansin, talagang nalungkot si Maria noong mawala si Jesus. Siyempre, sinong ina ang hindi tatangis kapag nawala ang kanyang minamahal na anak. Kahit gaanong pasaway o masama ang anak niya, malapit talaga sa ina ang anak. Gagawin ng ina ang lahat ng bagay para lamang sa kabutihan ng anak. Ganyan rin si Maria kay Jesus. Responsibilidad o pananagutan ni Maria si Jesus.
Hindi maintindihan ni Maria kung ano ba talaga ang misyon ni Jesus dito sa lupa. Pero, nananalig pa rin siya sa Diyos. Sumusunod siya sa kalooban ng Diyos. Hindi siya haharang sa plano ng Diyos kahit ang ibig sabihin nito'y masasaktan lamang siya nang lubusan. Mary kept all these things in her heart. She remained faithful to God's will. She followed God's will.
Noong si Jesus ay nawala, nag-aalala sina Jose at Maria. Kung inyong mapapansin, ang Anak ng Diyos, nawawala. Lagot sila sa Diyos dahil nawawala na ang kanyang anak. Hindi sila responsable sapagkat nawala ang anak nila, mas matindi pa, Anak ng Diyos ang nawala. Pagkatapos ng tatlong araw, saan natagpuan nila ang Panginoon? Sa templo. Tatlong araw silang naghahanap; sa templo pa naman siya natagpuan. Tinanong ni Maria si Jesus, "Anak bakit mo ginawa ito sa amin?" Ang sagot pa naman ng Panginoon, "Hindi mo ba alam na dapat nasa bahay ako ng aking Ama?" Sa Ingles, iba ang pagkasabi ng Panginoon, "Did you not know that I must do my Father's business?" "Ano na namang itong Father's business na kung saan maghahanap pa kami?" Iyon yata po ang iniisip ni Maria pagkatapos matagpuan nila si Jesus sa Templo ng Jerusalem. But Mary kept all of this inside her heart.
Mga kapatid, ipanalangin nawa natin ang ating mga pamilya. Tularan nawa nila ang pagmamahalan nina Jesus, Maria at Jose - ang Banal na Pamilya. Nawa, maging huwaran, isang halimbawa, ang Sagrada Familia, sa lahat ng mga pamilya sa buong mundo, lalung-lalo na ang pamilyang Pilipino. Tandaan po natin charity starts at home. Charity starts with the family; but it never stays there. Ang pagkakawanggawa ay nagsisimula sa bahay, sa pamilya, pero hindi doon nagwawakas. Kung saan ang pagkakawanggawa ay nagsisimula, doon nagsisimula ang pagmamahalan. Hindi nagwawakas ang pagmamahalan at pagkakawanggawa sa bahay lamang. Sa halip, ito'y pinapalago sa labas ng bahay. Pinapalago ito sa buhay sa labas ng tahanan. Ganyan rin sina Jesus, Maria at Jose. Nagmamahalan sila sa loob at labas ng kanilang tahanan. Naging masunurin nga si Jesus kina Jose at Maria kahit saanman sila. Nawa, ang pagmamahalan nina Jesus, Maria at Jose ay magsilbing halimbawa sa lahat ng mga pamilya sa mundo, lalung-lalo na ang pamilyang Pilipino.
(Photo courtesy of owners.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento