Martes, Enero 1, 2013

SIMULAN NATIN ANG BAGONG TAON KASAMA SI MARIA

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos (K) - Puti
(Mga Bilang 6:22-27/Salmo 67:2-3, 5, 6, 8/Galasya 4:4-7/Lukas 2:16-21)

Unang una po sa lahat, isa pong mapagpala at manigong taon sa ating lahat! 2013 na po, tapos na po ang taong 2012. Ngayong araw pong ito ay ang unang araw ng bagong taon. Unang araw ng taong 2013. Ito po ay isang bagong simula para sa ating lahat. Ang dami ng ating pinagdaanan noong nakaraang taong 2012. Pero, sa awa ng Diyos, naging isang mapagpalang taon ang taong 2012. Ngayon, magkaroon nawa tayo ng bagong simula sa unang araw ng taong 2013.

Bilang pagsisimula sa bagong taon, ipinagdiriwang po ng ating Santa Iglesya ang isang napakagandang solemnidad. Ang Dakilang Kapistahan ni Maria, ang Ina ng Diyos. Sa pamamagitan ng solemnidad na ito, nagbibigay-galang tayo sa ating Mahal na Ina para sa kanyang, "oo." Dahil sa Mahal na Ina, natupad ang plano ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Bilang mga Katolikong nananampalataya kay Kristo, dapat magbigay-galang at mahalin natin ang Mahal na Birheng Maria sapagkat siya ang Ina ni Kristo. Kung hindi dahil kay Maria, hindi maipanganganak si Kristo at mananatili pa ring nakalugmok sa kasalanan ang tao.

Ang kapistahan na ito ay isang paraan ng pagalang ng ating Simbahan sa Mahal na Ina. Mahal na mahal ng Simbahan ang Mahal na Birhen at lubusang ginagalang ang Mahal na Birhen. Nagpapasalamat nga sa Diyos ang ating Simbahan para sa ating Mahal na Ina. Sapagkat siya ang Ina ng Panginoon. Hindi maipanganganak ang Panginoon kung hindi dahil kay Maria. Si Maria ang bagong kaban ng tipan dahil dinala niya sa sinapupunan ang Panginoong Hesukristo, ang pinangakong Mesiyas na magliligtas sa sangkatauhan mula sa kani-kanilang mga kasalanan.

Kung atin pong mapapansin, buong buhay ni Hesus, minahal niya talaga ang kanyang minamahal na Ina. Mahal na mahal ni Hesus si Maria, at ganyan din si Maria kay Hesus. Kapag nakikita ko po ang mga larawan kung saan nagsasama ang batang Hesus o ang Hesus na tumanda na at ang Mahal na Birheng Maria, talagang nararamdaman ko ang lalim na pagmamahal ng ina't anak. Isa pong halimbawa na dapat tularan ng mga ina't anak sina Maria at Hesus. Noong sanggol o bata pa si Hesus, minahal niya ang kanyang inang si Maria. At hindi natapos ang kanyang pagmamahal sa kanyang ina. Kahit malaki na siya, talagang mahal na mahal pa rin niya ang kanyang ina. Siguro kapag nagpapahinga si Hesus mula sa kanyang pangangaral, palagay ko iisipin niya ang minamahal niyang inang si Maria. Nararamdaman ko po ang tunay pagmamahalan sa pagitan ng ina't anak sa pamamagitan nina Hesus at Maria.

Ganyan din po ang ating Simbahan. Mahal na mahal ng Panginoon ang kanyang Ina, kaya minamahal rin ng Simbahan ang Mahal na Ina kung paanong minamahal ng Panginoon ang Mahal na Birhen. Dahil mahal na mahal ng Simbahan si Kristo, minamahal at ginagalang din ng Simbahan ang mga malalapit na tao sa buhay ni Kristo. Katulad ng Ina ni Kristo, lubusang minamahal at ginagalang ng Simbahan. Iyan ay dahil mahal na mahal ni Kristo ang kanyang Ina.

Pero, ang problema ngayon, dahil sa pagmamahal ng Simbahan kay Maria, ang akala nila ay ginagawa nating Diyosa si Maria. Bakit? Ang akala po nila ay sinasamba natin ang Mahal na Ina. Mga dahilan po ng pagsasabi nila ng gayon ay dahil ang daming mga Katolikong nagdarasal kay Maria. Kaya, ang akala halos ng napakaraming mga hindi Katoliko, sinasamba na natin si Maria. Si Maria ay Diyosa raw natin. Hindi po totoo iyon. Mali na iyon kapag may mga Katolikong sumasamba kay Maria. Hindi natin sinasamba si Maria at dapat walang sumamba kay Maria. Dahil, ang dapat nating sambahin ay ang tunay na Diyos na nasa langit. Ang dapat nating gawin kay Maria ay mahalin at igalang, hindi sambahin. Mali ang pagsamba kay Maria. Ang paggalang at pagmahal kay Maria ay tama. Ngayong Taon ng Pananampalataya, ipagtanggol natin ang ating pananampalataya. Iyan ay hamon ko po para sa atin ngayong Taon ng Pananampalataya: ipagtanggol ang pananampalatayang Katoliko.

Bilang ina ni Hesus, si Maria ay nag-aalala para kay Hesus. Siyempre, sino namang ina ang hindi mag-aalala para sa kanyang anak? Talagang malapit sa puso ng isang ina ang anak niyang minamahal. Kahit si Hesus ang Anak ng Diyos, siya rin ay anak ni Maria. Nag-aalala si Maria para kay Hesus dahil mahal na mahal niya talaga ang kanyang anak. Siya ang nag-alaga at nagpalaki kay Hesus. Katulad nga ng Ebanghelyo noong Linggo (Disyembre 30), noong naghiwalay si Hesus kina Maria at Jose, tatlong araw naghanap sina Jose at Maria hanggang sa matagpuan nila ang batang Hesus sa Templo. Tinanong ni Maria si Hesus kung bakit naman ginawa iyon sa kanila ni Jose. Nag-aalala sila para sa kanila nang tatlong araw. Tinugon siya ng ganito ng batang Hesus: "Hindi po ba ninyo alam na dapat kong gawin ang mga gawain ng aking Ama?" Hindi po maintindihan ni Maria ang sinabi sa kanya ni Hesus. Pero, pinagbulay-bulay ni Maria ang mga ito sa kanyang puso. Ganyan rin yung ginawa ni Maria sa ating Ebanghelyo. Dinalaw ng mga pastol sina Jose, Maria at ang sanggol na si Hesus sa sabsaban. Hindi maintindihan kung bakit dinalaw sila ng mga pastol pero pinagbulay-bulay niya ito sa kanyang puso.

Mga kapatid, habang lumalaki si Hesus, pumanaw si Jose. Nakakalungkot po dahil si Jose ang nagturo kay Hesus kung paanong maging karpintero. Ang buhay-karpintero ay mahirap talaga. Kaya, kinailangang turuan si Hesus ni San Jose. At noong namatay si Jose, si Hesus ang nagtrabaho para sa kanilang dalawa ni Maria. Si Hesus na po ang naging karpintero. Gumawa siya ng mga hapag-kainan, mga upuan, etc. para lang mapakain niya ang kanyang sarili at si Maria. Tawag po doon sa Ingles ay hidden life of Jesus. Hindi natin alam kung ano ba ang nangyari pagkatapos maiwan si Hesus sa Templo. Wala na tayong napakinggan tungkol sa Banal na Pamilya. Gumagawa tayo ng mga pagkukunwari kung ano ba talaga ang nangyari kina Hesus, Maria at Jose - ang Banal na Pamilya, pagkatapos mawala si Hesus sa Herusalem. Ang alam po natin ay talagang malalim ang pagmamahal ng Banal na Mag-Anak sa isa't isa. Minahal nina Jose, Maria, at Hesus ang isa't isa.

Mga kapatid, mahalin natin si Maria katulad kung paanong minahal siya ng kanyang Anak na si Hesus. Tandaan, minahal ni Hesus ang kanyang ina buong buhay niya dito sa lupa. At kung mahal na mahal natin si Hesus, patunayan natin sa kanya ang pagmamahal natin sa kanya sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanyang Mahal na Ina. Tunay ngang si Maria ay isang modelo para sa lahat ng mga ina. Si Maria ay isang huwaran, hindi lamang para sa mga ina, kundi para sa ating lahat. Dahil sa kanyang simpleng buhay at sa kanyang pagtalima sa Diyos, isa po itong hamon na dapat nating gawin. Sumunod at tumalima sa Salita ng Diyos at ingatan ito, kahit hindi natin maintindihan. Iyan ay isang halimbawa na dapat tularan sa Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Panginoong Hesukristo. Nakakalugod sa Panginoong Hesu-Kristo ang mga nagmamahal sa kanyang Mahal na Ina. Sapagkat kung tunay ngang mahal natin ang Panginoong Hesukristo, dapat nating mahalin ang kanyang Mahal na Inang Maria. Muli, isa pong mapagpala at manigong bagong taon sa ating lahat!!







(Photos and videos courtesy of owners)



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento