(Isaias 60:1-6/Salmo 72:1-2, 7-8, 10-11, 12-13/Efeso 3:2-3a, 5-6/Mateo 2:1-11)
Nang marinig ito ni Herodes, nagulat siya. Nagulat rin ang bayang Herusalem dahil ipinanganak na ang Mesiyas. Isinalaysay ng mga Pantas kung bakit hinahanap nila ang Hari ng mga Hudyo. Nakita nila ang bituin ng Mesiyas sa Silangan. Ang ibig sabihin noon, ipinanganak na ang Hari ng mga Hudyo. Kaya, laki ang gulat nina Herodes at ang mga Hudyo.
Palagay ko, takot na takot si Herodes nang marinig niya iyon. Ang aga-aga pa, may papalit na sa kanya. Ayaw niyang ibigay ang kanyang paghahari sa ibang kandidato. Gusto niyang, siya lang ang hari at wala nang iba. Ang papalit lang sa kanya ay ang anak niya. Parang baga'y nais ni Herodes na maging isang diktador. Ayaw niyang ibigay kay Hesus ang kanyang paghahari.
Hindi alam ni Herodes ni ang mga Hudyo kung saan ipinanganak ang Anak ng Diyos. Kaya, nagtanong sila ang mga punong saserdote at ang mga eskriba. Ang mga punong saserdote at ang mga eskriba lamang ang nakakaalam tungkol sa kapanganakan ng Mesiyas. Sila ang mga nag-aral ng mga Salita ng Diyos noong mga panahong iyon. Kaya, kung may tanong ang mga Hudyo tungkol sa Banal na Kasulatan, tatanungin nila ang mga punong saserdote at mga eskriba.
Ayon sa mga saserdote at mga eskriba, ang Mesiyas ay ipanganganak sa Betlehem. Sa Betlehem ng Juda kung saan ipinanganak si Haring David. Ang ibig sabihin noon, ang Mesiyas ay nagmumula sa lahi ni David. Kaya, ang tawag kay Kristo noong lumaki na siya ay, "Anak ni David." Ang dahilan kung bakit tinatawagang "Anak ni David" ang Panginoon ay dahil sa Betlehem siya ipinanganak. Siya ang pinakamasikat na taong ipinanganak sa Betlehem, mula sa lahi ni David.
Dahil doon, pinahanap ni Herodes ang sanggol na ito mula sa mga Pantas na ito. Ang dahilan kung bakit pinapahanap ni Herodes ang sanggol ay dahil gusto raw niyang sambahin ang sanggol na ito. Pero ang totoo, nais patayin ni Herodes ang bata. Gustong patayin ni Herodes ang sanggol na ito para wala nang haharang sa kanyang paghahari. Makamundo si Herodes, gusto niya siya ang hari, siya ang mamumuno sa bayan. Kaya, pinapahanap niya ang sanggol hindi upang sambahin, kundi patayin ang sanggol.
Pagkatapos noon, lumitaw muli ang tala na nakita ng mga Pantas bago pa sila pumunta kay Herodes. Lumitaw ito uli at sumunod ang mga Pantas sa tala na ito. Alam nila na ang tala na ito ay gagabay sa kanila upang matagpuan nila ang Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas, na matagal nilang hinahanap upang sambahin. Noong dumating sila sa sabsaban kung saan ipinanganak ang Panginoon, natagpuan nila ang sanggol na nasa piling ng kanyang inang Maria. Sinamba nila ang sanggol na Hesus, at naghandog ng ginto, kamanyag, at mira. Ito nga ay mga regalong handog ng Tatlong Haring Mago sa Tunay na Hari ng mga Hari.
Pagkatapos ng araw na iyon, hindi bumalik ang Tatlong Pantas na ito kay Herodes. Bakit? Nagpakita sa kanila ang Diyos sa isang panaginip. Ano ang sinabi sa kanila ng Diyos? Umuwi sila at huwag nang bumalik kay Herodes. Alam ng Diyos kasi na kapag sinabi ng Tatlong Pantas kung saan ang kinaroroonan ng sanggol na ito, imbes na sambahin ang sanggol, papatayin niya ang sanggol. Kapag pinatay ang sanggol, hindi magaganap ang plano ng kaligtasan ng Diyos.
Mga kapatid, tularan natin ang Tatlong Pantas na ito. Tunay ngang ginawa nilang hari at sinamba ang batang Hesus sa sabsaban. Isang mapagpakumbabang hari si Hesus, pero, pinararangalan siya ng lahat ng mga hari sa sansinukob. Sinasamba, pinaparangalan, ang tunay na hari na si Hesus. Sapagkat si Hesus, ang tunay na hari, ang hari ng mga hari, ang hari ng sangkatauhan. Katulad ng Tatlong Haring Mago, maghandog tayo ng mga alay kay Hesus. Napakarami tayong puwedeng ihandog kay Hesus. Pero, higit sa lahat, ialay rin natin ang ating sarili, ang ating katauhan, ang ating puso at kaluluwa kay Hesus. Ialay natin ang lahat para kay Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento