Linggo, Enero 27, 2013

HESUS: KATUPARAN NG MGA PROPESIYA NG MGA PROPETA

Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon at Pambansang Linggo ng Banal na Bibliya (K) - Berde
(Neh 8:2-4a, 5-6, 8-10/Salmo 119/1 Kor 12:12-30 (o 12:12-14, 27)/Lk 1:1-4; 4:14-21)

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na bumabalik-loob ang mga Hudyo pagkatapos basahin at paliwanagin ang Batas ni Moises. Iyan ay sa tulong nina Nehemias, Ezra at ilang mga Levita. Nagsisi sila dahil nakalimutan nila ang nagpalaya sa kanila noong tinapon sila sa Babiloniya. Noong umalis mula sa kaalipinan sa Babilonia ang mga Hudyo, napansin ni Ezra na nagpatayo ng templo sa Herusalem si Nehemias. Hindi lamang napansin ni Ezra ang bagong templo na itinayo ni Nehemias, kundi napansin rin niya na nagbago ang ugali ng mga Hudyo. Nagpapakasal ang mga Hudyo sa mga babaeng dayuhan. Ang bunga noon ay ang pagtaliwas sa kanilang pananampalataya at paglimot sa Diyos. Kaya, pagkatapos basahin at paliwanagin nina Ezra at Nehemias kasama ang mga Levita, naaalala nila ang kanilang kasalanan laban sa Diyos. Nakalimutan nila ang Diyos at tumalikod sila sa pananampalataya. Ang bunga noon, umiyak sila nang alam na nila ang kahulugan ng Kautusan. Pinauwi sila nina Nehemias, Ezra at ang mga Levita at binilin sa kanila na magdiwang at magbahagi sa mga may wala.

Sa Ikalawang Pagbasa naman, matutunghayan natin na gumagamit ng isang talinghaga si Apostol San Pablo. Ang talinghagang ginamit niya ay ang talinghaga ng katawan. Ang katawan ay may maraming bahagi ngunit iisa lamang ang tungkulin nito. Katulad ng katawan ng isang tao, may katawan rin ang ating Simbahan. Maraming bahagi ang katawan ng ating Santa Iglesya. Tayong lahat, mga mananampalatayang Katoliko, ay dapat magkaisa muli sa pananampalataya. Sa pamamagitan ng pagkakaisa, maipahayag natin lahat ng mas malakas ang Salita at ang Kabutihan ng ating mapagmahal na Diyos.

Ngayon, dumako po tayo sa ating Mabuting Balita. Umuwi ang Panginoong Hesukristo sa Nazaret kung saan Siya lumaki. Kagaya ng Kanyang kinaugalian, pumunta Siya sa isang sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. Tandaan po natin, ang Araw ng Pamamahinga ng mga Hudyo ay katulad ng Araw ng Linggo para sa ating mga Katoliko. Ang Araw ng Pamamahinga ay ang Araw ng Pagsamba para sa mga Hudyo. Bawal magtrabaho ang mga Hudyo sa Araw ng Pamamahinga.

Si Hesus ay tinawag upang basahin ang isang nasasaad sa aklat ng Propeta Isaias. Ang binasa po ni Kristo sa harapan ng mga Hudyong nakatipon sa sinagoga ay ang ika-61 na kabanata sa aklat ni Propeta Isaias. Ang Espiritu ng Diyos ay nasa lingkod ng Diyos upang ipahayag ang Mabuting Balita at ang Kaligtasan ng Diyos sa lahat ng mga tao.

Sino ang tinutukoy ni Isaias? Sino ang lingkod ng Diyos na ito? Si Hesus mismo. Binasa at ipinahayag ng Panginoon sa harapan ng mga tao sa sinagoga ang Kanyang misyon dito sa lupa. Sinugo si Hesus upang ipahayag ang Mabuting Balita at ang Kaligtasan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkamatay Niya sa krus, nailigtas ng Diyos ang lahat ng mga tao. Iyan ang misyon ni Hesus. Natupad na ang sinabi ni Propeta Isaias sa pagkatao ni Hesus.

Ngayong Linggong ito ay ang Pambansang Linggo ng Banal na Bibliya. Ang tema ng Linggong ito ay, "Proclaim the Word... Profess the Faith." Iyan po ay isang hamon para sa atin ngayong Taon ng Pananampalataya. Kailangang ipahayag natin ang Salita ng Diyos at ang ating Pananampalataya. Bahagi ng pagpapahayag ng pananampalataya ay ang pagtanggol nito mula sa mga kumukontra dito. Dapat magkaisa tayong lahat, mga mananampalatayang Katolikong Kristiyano, na ipahayag ang Salita ng Diyos at ang ating pananampalataya sa buong mundo. Sa pamamagitan nito, tayo na rin ay nagiging misyonero sa mga hindi pa nakakikilala sa ating pananampalataya at mga lingkod sa ating kapwa-tao.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento