Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon - (K) - Puti
(Is 42:1-4, 6-7/Slm 29/Gw 10:34-38/Lk 3:15-16, 21-22)
Ngayong Linggong ito ay ang wakas ng kapanahunan ng Kapaskuhan. Bumabalik po tayo ngayon sa Karaniwang Panahon. At sa unang Linggo sa Karaniwang Panahon, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon. Ang pangyayaring ito sa Banal na Bibliya ay ang simula ng pampublikong ministeryo ni Hesus. Ang ating Banal na Ebanghelyo ay hango sa ikatlong kabanata sa Ebanghelyo ni San Lukas.
Sa Mabuting Balita, mapapakinggan natin na tinatanong si San Juan Bautista kung siya nga ang Kristo. Dahil sa kanyang kasikatan, ang akala ng maraming tao na si Juan Bautista nga ang Mesiyas. Kayang aminin sana ni Juan Bautista na siya nga ang pinangakong Mesiyas, ngunit, dahil isa siyang mapagpakum-babang tao, inamin niya na hindi siya ang Kristo. Alam ni Juan na may isang magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Si Juan Bautista ay nagibibinyag sa pamamagitan ng tubig sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
Ngayon, mapapansin natin sa Ebanghelyo na nakipila si Hesus sa napakaraming taong pumunta kay Juan upang magpabinyag. Sa salaysay ni San Mateo tungkol sa pagbibinyag kay Kristo, nagulat nga si Juan nang lumapit si Kristo sa kanya upang magpabinyag. Nasa harapan na nga ni Juan Bautista ang Kordero ng Diyos. Nasa harapan na niya ang Mesiyas. Hindi siya karapat-dapat magbinyag sa kanya. Mas makapangyarihan kaysa sa kanya ang bibinyagan niya. Dapat si Hesus mismo ang magbinyag kay Juan Bautista. Ngunit kinumbinsihan ni Hesus si Juan na binyagan siya upang matupad ang kasulatan.
Ngayon, sa salaysay ni San Lukas, matutunghayan natin na walang usapan na naganap sa pagitan ng Panginoong Hesukristo at ni San Juan Bautista, katulad ng naganap sa Ebanghelyo ni San Mateo. Maitatanong natin, bakit pumipila si Hesus sa mga taong makasalanan, tulad natin, upang magpabinyag kay Juan Bautista? Alam naman nating lahat na walang ginawang kasalanan si Hesus, kaya, bakit kailangan pang magpabinyag siya? Balikan po natin ang ikalawang kabanata ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos. Ito po yung ikalawang pagbasa sa Banal na Misa para sa Kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno noong nakaraang Miyerkoles. Ayon kay San Pablo, si Hesus, sa halip na ipagyabang na siya ay Diyos, ay nagpakumbaba, at naging taong katulad natin. Siya'y naging masunurin sa kalooban ng Diyos hanggang sa kanyang kamatayan sa krus.
Noong bininyagan si Hesus, nanalangin siya. Sa Ebanghelyo ni San Lukas, kadalasan nating makikita ang Panginoon na nanalangin. Hindi ko na po sasabihin kung kailan, basahin na lamang po ninyo ang Ebanghelyo ni San Lukas. Habang nagdarasal si Hesus, nabuksan ang langit, at bumaba sa kanya ang Pangatlong Persona sa Banal na Santatlo: ang Diyos Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo'y nakikitang bumababa sa kanya sa anyo ng isang kalapati. Isang tinig mula sa langit ang nagsabi: "Ikaw ang aking Anak, lubos kitang kinalulugdan." Iyan ay ang tinig ng Diyos Ama.
Nalugod ang Diyos Ama sa kanyang Anak na si Hesus.
Nalugod ang Amang Diyos sa pagpapakumbaba ni Hesus. Naging kaisa natin ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak. Salamat sa Diyos, dahil sa pagbibinyag kay Hesus, naging kaisa natin at tayo'y nagkaroon ng kaligtasan mula sa Diyos. Ito ay isa sa mga proseso ng plano ng pagliligtas ng Diyos. Kinailangang ang Diyos na magliligtas sa atin, pero, kinailangan ring, tao rin ang magtububos sa kasalanan. Kailangang perpekto ang isang tao katulad ng Diyos upang magtubos sa ating mga kasalanan. Samantala naman, hindi naman kayang magpatawad ang tao. Ang Diyos lamang ang maaaring magpatawad ng mga kasalanan. Kaya, kinailangang si Hesus ang gamitin. Si Hesus, kasi, Diyos siya, pero nagkatawang-tao upang iligtas tayo. Ang gulo-gulo ng mga sinasabi ko kaya halos hindi ko maiintindihan ang sinasabi ko, kaya pasensya na po sa mga hindi nakakaintindi nito. Pero, tandaan po natin, si Hesus ay Diyos na nagkatawang-tao upang maipatawad ang ating mga pagkakasala laban sa Diyos.
Ang binyag ay isang sakramento sa ating Santa Iglesya Katolika. Pinakikilala dito sa Sakramento ng Binyag ang mga anak ng Diyos. Tayo rin ay mga anak ng Diyos, pero si Hesus ang bugtong na Anak ng Diyos. Si Hesus ang ating Kuya, ang ating Kapatid, sapagkat, kahit mga anak tayo ng Diyos, si Hesus ang bugtong na Anak ng Diyos. Nawa, sa Taon ng Pananampalataya, huwag nating gawin isang okasyon lamang ang Sakramento ng Binyag. Sa halip, gawin natin itong pagdiriwang na ang mga bagong binyag ay nagiging Anak ng Diyos. Pinapakita natin na ang mga bagong binyag ay nagiging mga anak ng Diyos. Tayo, sa pamamagitan ng binyag, ay nagiging anak ng Diyos. Huwag nating ikahiya, ipagmalaki natin na tayo'y mga anak ng Diyos. Tayong lahat ay magkakapatid sa pamilya ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinagmamalaki natin ang ating Pananamapalatayang Katolika. Ipinagmamalaki natin ang ating Pananampalataya sa Diyos. Iyan ay isang hamon para sa ating lahat ngayong Taon ng Pananampalataya.
(Photos courtesy of owners)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento