Linggo, Enero 20, 2013

ANG BATANG HESUS: HUWARAN NG MGA MANANAMPALATAYANG KATOLIKONG KABATAAN

Kapistahan ng Banal na Santo Niño (K) - Puti
(Is 9:1-6/Slm 98/Ef 1:3-6, 15-18/Lk 2:41-53)

Isa pong Maligayang Kapistahan ng Mahal na Poong Santo Niño sa ating lahat! Binabati ko po ang mga nagdiriwang ngayong ng Kapistahan ng Señor Santo Niño. Maligayang Pagbati po sa mga deboto ng Santo Niño, lalung-lalo na sa Cebu, Tondo, Pandacan at sa buong Pilipinas. Maligayang Kapistahan po ng Santo Niño sa ating lahat!

Ang imahen ng Santo Niño de Cebu ay dinala ni Ferdinand Magellan. Hindi lamang isa ang imahen dinala ni Magellan kundi tatlo. Isa doon ang imahen ng Santo Niño de Cebu. Ang pangalawang imahen dinala ni Magellan ay ang imahen ng Nuestra Señora de Guia. Ayon sa mga ilang Pilipino, ang Nuestra Señora de Guia ay ang pinakamatandang imahen ng Mahal na Birheng Maria dito sa Pilipinas. Ang pangatlong imahen dinala ni Ferdinand Magellan dito sa Pilipinas ay ang imahen ng Ecce Homo o ang imahen ng Panginoong Hesukristong hinampas, pinatong ng koronang-tinik at nakasuot ng balabal na purpura. Ang tatlong imaheng ito ay isang regalo ni Magellan kay Haring Humabon pagkatapos binyagan siya.

Sa Cebu at Maasin sa Southern Leyte, isang pinakamasikat na tradisyon tuwing Kapistahan ng Santo Niño ay ang Sinulog Festival. Samantala naman, ang isang magkahawig na tradisyon nito ay ang Ati-Atihan sa Kalibo, Aklan. Sa Maynila, lalung-lalo na sa Tondo, kapag Kapistahan ng Santo Niño, sumasayaw at pumaparada ang mga deboto ng Señor Santo Niño. Ito ay halos magkaiba kapag Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno doon sa Quiapo. Doon sa Quiapo, kapag araw ng Kapistahan ng Señor Nazareno, nagkakagulo ang lahat ng mga tao mula Luneta hanggang Quiapo para lamang mahawakan ang imahen. Hindi ito katulad ng Kapistahan ng Santo Niño. Dito, sumasayaw ang mga tao sa mga kalsada bilang pagpaparangal sa Santo Niño.

Dahil sa matinding debosyon ng mga Pilipino kay Señor Santo Niño, pinayagan ni Santo Papa Innocent XIII na magkaroon ng Kapistahan ng Santo Niño. Ito'y ginaganap tuwing ikatlong Linggo ng buwan ng Enero. Tayong mga Pilipinong Katoliko ay may matinding debosyon at tayo ang halos ang pinakamadasalin. Halimbawa, matindi ang ating debosyon sa Señor Santo Niño. Mayroon naman po sa inyo (katulad ko), may debosyon sa Mahal na Poong Nazareno. Ang iba naman, may debosyon sa Birhen ng Antipolo. Napakaraming mga debosyon ang mga Pilipino.

Ngayong Taon ng Pananampalataya, ipailalim natin ang ating pananalig at pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga debosyon. Isang napakagandang paraan ang ating mga debosyon sa Santo Niño, Poong Nazareno, Birhen ng Antpolo, etc. Sa tulong ng mga debosyon natin sa mga ito, harinawa, lumalim pa ang ating pananamapalataya sa Diyos. Nawa mas maging madasalin tayo kung dati'y hindi tayo nagdarasal. Maganda ang paraan ng pagdasal upang mas lalu pa tayong lumago sa pananampalataya at maging mga Katolikong Pilipino na sumasaksi kay Kristo. Ipagmalaki natin na tayo ay mga Katolikong Pinoy, may debosyon sa Santo Niño, Poong Nazareno, Birhen ng Antpolo, etc. At nawa, ang Señor Santo Niño ay maging isang halimbawa ng Walang Hanggang Kabataan: Pagkilala, Pagtitiwala at Pagtalima. PIT SEÑOR!! VIVA!! SANTO NIÑO!!








Walang komento:

Mag-post ng isang Komento