Linggo, Disyembre 9, 2012

SAN JUAN BAUTISTA: TAGAPAGHANDA NG DAAN NG PANGINOON

Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
(Baruc 5, 1-9/Salmo 125/Filipos 1, 4-6. 8-11/Lucas 3, 1-9)

Ngayong Ika-2 Linggo sa Panahon ng Adbiyento ay ang Linggo ng Paghahanda. Ang Linggong ito ay ang Linggo ng Paghahanda sapagkat makikita natin na naisindi na ang pangalawang kandila sa ating koronang pang-Adbiyento. Katulad ng sinabi ko noong nakaraang Linggo, kailangan natin ipaghanda ang ating mga sarili para sa dakilang pangako ng Diyos. At iyon nga po ang matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Pinaghahanda ni San Juan Bautista ang lahat ng mga tao para sa pagdating ng Manunubos.

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan po natin ang pangangaral ni Juan Bautista. Kilala po natin si Juan Bautista bilang anak nina Zacarias at Elisabet at ang kamag-anak o pinsan ng Panginoong Jesukristo. Noong dumating kay Juan ang Salita ng Diyos, ipinangangaral niya ito sa ilang. Ito ay bilang pagtupad sa sinasabi ni propeta Isaias na mayroong tinig na sumisigaw sa ilang. Ang tinig na iyon ay galing kay Juan Bautista. Sapagkat pinagngangaral ni Juan ang pagsisisi upang ipaghanda nila ang daraanan at pagdating ng Panginoon sa kanyang bayan. Kaya nga, si Juan Bautista ay isang importanteng karakter sa panahon ng Adbiyento. Ipinaghahanda niya ang bayang Israel para sa pagdating ng Mesiyas, ang Kristo, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.

Ngayon, magtataka tayo, bakit ang daming tao pumupunta kay Juan? Pumupunta ang mga tao kay Juan upang magpabinyag para sa ikapagpapatawad ng kanilang kasalanan. Bahagi ng paghahanda para sa pagdating ng Mesiyas ay ang pagsisisi at pagtatalikod mula sa kasalanan. Hindi po ba, kapag may darating o pupunta sa ating bahay, dapat nating ipaghanda ang ating bahay upang magmukhang maganda at magustuhan ito ng bisita. Well, ganoon rin sa sitwasyon ng mga tao. Dahil sa alam nilang may ipinagakong Mesiyas na darating, kinailangan nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan upang masalubong nila ang mga Mesiyas. Nakinig sila kay Juan sapagkat si Juan ang huling propeta. Kaya, ang lahat ng mga tao ay natakot at nagbagong-buhay. Bakit? Sapagkat nakakatakot ang mga sinasabi rin ni Juan Bautista. Kaya, biglang napakaraming sumusunod kay Juan.

Pero, ito ang sitwasyon, hindi si Juan ang Mesiyas, si Elias, o ang propeta. Kumakalat ang mga tsismis na si Juan na nga ang ipinagako ng Panginoong Diyos. Kung kaya lang sabihin ni Juan, maari niyang sabihin na siya nga ang Mesiyas. Pero, hindi iyon ginawa ni Juan. Bakit? Sapagkat alam ni Juan na isang napakalaking sinungaling iyon. Magagalit sa kanya ang Diyos dahil hindi niya ginawa ang kanyang misyon. At ano ang misyon ni Juan? Ipaghanda ang lahat ng mga tao para sa pagdating ng Tagapagligtas - si Jesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos. Magiging masikat sana si Juan kung sinabi niyang siya nga ang Mesiyas. Pero, hindi niya iyon ginawa, eh. Nagpakumbaba siya at buong tapang na inamin na hindi siya ang Mesiyas. Alam niya na ang Mesiyas ay ang kanyang kamag-anak, ang Panginoong Jesus.

Ngayon, kung makikita natin, noong pumunta si Jesus kay Juan upang magpabinyag, pinakita at pinakilala ni Juan si Jesus bilang Kordero ng Diyos. Sapagkat siya ang tinutukoy niya sa kanyang pangangaral. Alam ni Juan na noong nabinyagan niya si Jesus, siya yung magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Alam din ni Juan na si Jesus ang pinagakong Mesiyas na isususugo ng Diyos sa kanyang bayang Israel. Kaya, bigla na rin sumusunod kay Jesus ang mga alagad ni Juan. Sapagkat sinabi ni Juan, "Kinakailangang siya ay maging dakila, at ako nama'y mababa." (Juan 3:31) Ito po yung sa Ingles, "He must increase, I must decrease." 

Hindi lamang po nagkaroon ng napakaraming tagahanga at tagasunod si Juan. Ang daming nagagalit rin sa kanya. Nagagalit sila dahil sa mga sinasabi niya laban sa mga may autoridad. Ang isang halimbawa ay si Herodias, ang asawa ni Felipe. Sumama si Herodias kay Herodes at nang makita ito ni Juan, pinagsabihan niya si Herodes na ibalik na niya si Herodias kay Felipe. Naku, ang nangyari at ang bunga noon, nagalit sa kanya sina Herodes at Herodias, at pinakulong. Habang nakakulong, nakikinig si Herodes kay Juan. Pero, pinagpatay niya si Juan noong araw ng kanyang kaarawan. Sumayaw si Salome, ang anak ni Herodias, at nagustuhan ni Herodes ang sayaw ni Salome. Noong may ipinaghingi si Herodes kay Salome, hiningi ni Salome ang ulo ni Juan Bautista, katulad ng sinabi ng kanyang ina. Talagang hindi kaya ni Herodes na ipagpatay si Juan dahil alam niyang isang banal na tao si Juan. Ngunit dahil ipinagko ni Herodes na ibibigay niya ang hiling ni Salome, pinagpugutan ng ulo si Juan at ibinigay sa kanya.

Buong buhay ni Juan, ipinaghanda niya ang lahat ng tao para sa Pagdating ng Poong Jesus. Sumunod siya sa kalooban at plano ng Diyos, at ginantimpalaan siya ng Diyos pagdating niya sa langit. Tunay ngang si San Juan Bautista ang Tagapaghanda ng Daan ng Panginoong Jesukristo. Sundan nawa natin ang mensahe ni Juan tungkol sa pagsisisi at pagtatalikod ng ating mga kasalanan upang masalubong natin ang Mesiyas sa Katapusan ng Panahon. Amen.


Photo source: (http://mccabq.com)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento