9 Marso 2025
Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)
Deuteronomio 26, 4-10/Salmo 90/Roma 10, 8-13/Lucas 4, 1-13
Larawan: Sebastiano Ricci (1659–1734), The Temptation of Christ in the Wilderness. Christies Auctioning. Public Domain.
Tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma taun-taon, laging itinatampok ang salaysay ng pagtukso sa Poong Jesus Nazareno sa ilang sa Ebanghelyo. Sa kabila ng matinding pagkagutom at kahinaan ng Kaniyang Katawan dulot ng matinding pag-aayuno sa ilang sa loob ng 40 araw, ang Poong Jesus Nazareno ay hindi nagpatalo sa demonyo. Hindi Siya bumigay sa mga tukso ng demonyo. Bagkus, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na manatiling tapat sa kalooban ng Amang nasa langit. Pinili ng Poong Jesus Nazareno na maging masunurin sa Amang nasa langit, gaano mang kahirap gawin ito.
Layunin ng Inang Simbahan sa pamamagitan ng palagiang pagtatampok sa salaysay ng pagtukso sa Poong Jesus Nazareno sa ilang tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma taun-taon ay isalungguhit kung kanino tayo dapat umasa. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos ay dapat nating asahan sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang huwag magpadaig at magpatalo sa demonyong tumutukso sa Kaniya, tayong lahat ay tinuturuan at pinaalalahanan ng Poong Jesus Nazareno na huwag isuko ang ating pananalig at pag-asa sa Diyos. Huwag na huwag nating ipagpalit ang Diyos. Sa Diyos lamang tayo dapat manalig at umasa bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno.
Nakasentro sa pagiging maaasahan ng Diyos ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, isinentro ni Moises sa pagiging maaasahan ng Panginoong Diyos sa bawat sandali at oras ang kaniyang pahayag sa mga Israelita. Inutusan ni Moises ang mga Israelita na banggitin ang pagligtas ng Panginoong Diyos sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto sa kanilang saysay habang inilalagay ng mga saserdote ang kanilang mga handog sa dambana. Buong linaw ring isinalungguhit ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang pagiging maaasahan ng Panginoong Diyos. Hindi Siya nagpapabaya. Sa bawat sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa mundo, palagi Niya silang ipinagsasanggalang, tinutulungan, ginagabayan, at sinasamahan. Patunay lamang ito na lagi Siyang maaasahan ng lahat. Tinalakay rin ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa ang pagiging maaasahan ng Diyos. Walang binibigo ang Panginoong Diyos. Lagi Siyang maaasahan.
Ang Diyos ay ang bukal ng tunay na pag-asa. Siya lamang ang makapagdudulot ng tunay na pag-asa dahil ang biyayang ito ay nagmumula lamang sa Kaniya. Dahil dito, lagi natin Siyang maaasahan. Hindi Niya tayo bibiguin kailanman.
Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan, sa Diyos tayo dapat manalig at umasa sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa. Ipagkatiwala natin sa Kaniya ang lahat ng nauukol sa atin. Ang araw-araw nating pamumuhay ay dapat maging patunay na sa Diyos lamang tayo nananalig at umaaasa nang buong puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento