Sabado, Marso 1, 2025

BUMALIK SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

5 Marso 2025 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6.16-18 


Ang Miyerkules ng Abo ay ang unang araw ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na mas kilala ng nakararami sa tawag na Kuwaresma. Sa pagsapit ng banal na panahong ito taun-taon, itinutuon ang ating pansin sa halaga ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Inilaan ang panahong ito sa pakikipagkasundo sa Diyos na lubusan tayong minamahal sa kabila ng paulit-ulit nating pagsuway sa Kaniya. Dahil tayong lahat ay tunay nga Niyang iniibig at kinahahabagan nang lubusan, hindi tayo sinusukuan ng Diyos. Habang nagpapatuloy ang ating pansamantalang paglalakbay dito sa lupa, lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong magbalik-loob sa Kaniya. Mayroong pag-asa para sa atin dahil ang Diyos ay ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Nakasentro sa halaga ng pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos ang mga Pagbasa. Sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa Diyos, binubuksan natin ang ating mga puso at sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ito ang dahilan kung bakit nakasentro sa pagbabalik-loob sa Panginoon ang Kuwaresma. Katunayan, ito ang panawagan ng Inang Simbahan para sa atin sa panahong ito. Ang Kuwaresma o ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay ay inilaan upang imulat muli ang ating mga sarili sa katotohanang nagmumula lamang sa Panginoong Diyos ang biyaya ng tunay na pag-asa.  

Inilahad ni Propeta Joel ang panawagan ng Panginoong Diyos sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Ang panawagan ng Panginoong Diyos sa Kaniyang bayan ay magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya. Matapos ilahad ang nasabing panawagan, ipinaliwanag ni Propeta Joel sa bayan ng Diyos kung bakit ipinasiya itong gawin ng Diyos. Dahil sa Kaniyang habag at awa, nanawagan ang Diyos sa Kaniyang bayang hinirang na magsisi sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. Katunayan, isinalungguhit ng Unang Pagbasa ang ugnayan ng habag at awa ng Diyos sa tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya. Ang biyaya ng tunay na pag-asang kaloob ng Diyos ay bunga ng dakila Niyang habag at awa. Dahil dito, ang Diyos ay ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Pinatotohanan ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kadakilaan ng habag at awa ng Diyos. Dahil sa habag at awa ng Panginoong Diyos, tayong lahat ay mayroong pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kaniya. Kahit na hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito dahil sa dami ng ating mga kasalanang nagawa laban sa Kaniya, ang Panginoong Diyos ay hindi tumitigil sa pagkakaloob ng biyayang ito sa atin habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa daigdig na ito. 

Hindi dapat ipagpaliban ang pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ito ang paalala ni Apostol San Pablo sa lahat ng mga Kristiyano sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Pansamantala lamang tayo mamumuhay at maglalakbay dito sa lupa. Mayroong hangganan ang ating buhay sa lupa. Dahil dito, ang pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ay kailangan nating gawin agad. Buksan natin agad ang ating mga puso at sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang sa Diyos lamang nagmumula. Ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos na kusang-loob Niyang ipinagkakaloob sa atin ay hindi dapat balewalain kailanman. 

Buong linaw na inihayag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ang halaga ng pagiging taos-puso. Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nalulugod sa mga taos-puso. Hindi mga alagad ng sining o mga payaso ang hanap Niya. Mga pusong tapat at dalisay ang Kaniyang hinahanap. Katunayan, ito ang pakiusap Niya para sa ating lahat. Pinakikiusapan tayong maging taos-puso tayo sa pagtanggap sa biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya na kusang-loob naman Niyang ipinagkakaloob sa atin. 

Layunin ng Simbahan sa tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma na tayong lahat ay tulungang maging mulat muli sa katotohanang nagmumula lamang sa Diyos ang tunay na pag-asa. Dahil sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos, namumuhay sa mundong ito ang bawat isa sa atin. Kaya naman, ang Diyos ay dapat handugan ng isang pusong tapat at busilak. Buksan natin ang ating mga puso at sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang Kaniyang kaloob. Gawin natin ito nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento