Sabado, Abril 26, 2025

IPAGMALAKI ANG ATING PINANANALIGAN AT INAAASAHAN

1 Mayo 2025 
Paggunita kay San Jose, manggagawa 
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58 


Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang muling parangalan si San Jose. Ang araw na ito ay ang ikalawang araw o petsang inilaan ng Simbahan upang parangalan si San Jose (ang unang araw o petsang inilaan ng Simbahan upang magbigay ng parangal sa dakilang Santo at Patriyarkang si San Jose ay ang ika-19 ng Marso). Subalit, iba ang pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito. Kung sa Dakilang Kapistahang buong ringal na ipinagdiriwang tuwing ika-19 ng Marso ay pinagtutuunan ng pansin ang kaniyang pagiging kabiyak ng puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ang kaniyang pagiging ama-amahan ng Poong Jesus Nazareno, sa kaniyang papel bilang manggagawa nakatuon ang pansin ng Simbahan sa araw na ito. 

Matapos mangaral sa sinagoga sa Nazaret ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas, pinagdudahan Siya ng Kaniyang mga kababayan. Sa halip na tanggapin Siya nang buong puso, ipinasiya ng Kaniyang mga kababayan na hindi Siya kilalanin. Itinakwil Siya ng Kaniyang mga kababayan. Ang dahilan ay walang iba kundi ang Kaniyang pagiging anak ng karpinterong si San Jose (Mateo 13, 55). Kilala Siya sa Nazaret bilang anak ng karpinterong si San Jose, gaya ng buong linaw na inilarawan sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. 

Lingid sa kaalaman ng mga kababayan ng Poong Jesus Nazareno sa Nazaret na ang dakilang Gurong hindi nila tinanggap dahil sa Kaniyang pagiging anak ng karpinterong si San Jose ay ang kauna-unahang manggagawa sa kasaysayan. Dahil sa Kaniya, ang bukal ng tunay na pag-asa, mayroon silang buhay. Ang Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na Diyos. Kaisa Niya ang Ama at Espiritu Santo na lumikha sa lahat ng bagay, gaya ng buong linaw na inilarawan sa salaysay sa Unang Pagbasa. Nang ang takdang panahon ay sumapit, ipinasiya Niya tayong iligtas upang sa pamamagitan ng gawang ito ay maidulot Niya ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. 

Ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay isang taimtim na dalangin ng lahat, lalung-lalo na ng mga manggagawa. Taos-puso silang nananalig at umaaasa sa Panginoong Diyos na laging kumakalinga, gumagabay, at umaakay sa kanila. Hindi Niya sila pababayaan kahit kailan dahil Siya mismo ay ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Pinaalalahanan tayong lahat ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa alternatibong Unang Pagbasa na huwag kalimutan ang Diyos. Tayong lahat ay hindi nililimot ng Diyos kailanman. Kaya naman, huwag nating lilimutin ang Diyos. Lagi Niya tayong sinasamahan at ginagabayan. Hindi Niya tayo bibiguin kahit kailan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit kailangan nating ipahayag nananalig at umaaasa tayo sa Kaniya nang buong puso sa pamamagitan ng mga salitang ating binibigkas at ang ating mga ginagawa araw-araw. 

Katulad ni San Jose, ipagmalaki nating taos-puso tayong nananalig at umaaasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoon. Hindi tayo bibiguin ng Diyos kailanman. Bagkus, palagi Niya tayong kinakalinga, sinasamahan, tinutulungan, at ginagabayan sa bawat sandali ng ating buhay. Sa mga oras ng paghahanap-buhay (trabaho) at mga oras ng pahinga, lagi natin Siyang kasama. 

Biyernes, Abril 25, 2025

ANG PAG-ASANG TUNAY AY BUNGA NG MABATHALANG AWA

27 Abril 2025 
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Kapistahan ng Mabathalang Awa 
Mga Gawa 5, 12-16/Salmo 117/Pahayag 1, 9-11a. 12-13. 17-19/Juan 20, 19-31 

Inilaan ng Simbahan ang Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Mabathalang Awa. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala sa atin ng Simbahan na ang tunay na pag-asa ay bunga ng Mabathalang Awa. Hindi magkahiwalay at magkaiba ang habag at awa ng Diyos. at ang tunay na pag-asa. Ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos at ang Kaniyang habag at awa na kahanga-hangang totoo ay magkarugtong, magkaakibat, at magkaugnay. Dahil sa dakilang habag at awa ng Diyos, ipinasiya Niyang idulot sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Nazarenong Muling Nabuhay. 

Buong lakas at linaw na inihayag sa Salmong Tugunan: "Butihing Poo'y purihin, pag-ibig N'ya'y walang maliw" (Salmo 117, 1). Ipinaliwanag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gawin ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na Kaniyang ginawa sa pamamagitan ng mga salitang ito na binigkas niya nang buong linaw. Maikli ngunit malaman, malinaw, at diretsyo sa punto. Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay sa kabila ng pagiging makasalanan ng sangkatauhan ay walang iba kundi ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang dalawang pagpapakita ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol. Dalawang ulit Siyang nagpakita sa kanila, kahit na iniwan at pinabayaan nila Siya sa mga sandali ng Kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus sa bundok ng Kalbaryo. Wala si Apostol Santo Tomas noong unang nagpakita sa mga apostol ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa silid na kanilang pinagtitipunan ngunit nandoon siya noong magpakita uli ang Poon. Hindi nagpakita ng galit at poot ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol. Bagkus, ang ipinakita ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay walang iba kundi ang Kaniyang walang hanggan at dakilang pag-ibig, habag, at awa. Dinulutan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ng tunay na kapayapaan at tunay na pag-asa ang mga apostol sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang ipakita sa kanila ang Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa. 

Ang biyaya ng tunay na kapayapaan at ang biyaya ng tunay na pag-asang kusang-loob na idinulot ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay ibinahagi naman ng mga apostol sa kanilang pagmimisyon at pagmiministeryo bilang Kaniyang mga saksi sa bawat sulok ng daigdig. Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay patuloy na kumilos mula sa Kaniyang dakilang kaharian sa langit sa pamamagitan ng mga apostol. Gumawa Siya ng mga himala sa pamamagitan ng mga apostol na Kaniyang hinirang at itinalaga bilang Kaniyang mga instrumento. Hindi nagmula sa kanilang mga sarili ang kapangyarihang gumawa ng himala. Bagkus, nagmula ito sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ito rin ang ginawa ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa noong kaniyang ibinahagi ang mga nakita niya sa isang pangitain habang nasa isla ng Patmos kung saan siya itinapon dahil hindi siya mapatay ng mga Romano. Sa nasabing pangitain, nagpakita muli ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa kaniya upang idulot muli ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Dahil dito, lalo pang lumakas ang loob ni Apostol San Juan na manalig at umasa sa Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa kabila ng pagkakatapon sa kaniya sa isla ng Patmos. 

Maraming ulit na nagpakita ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa isang madreng taga-Polonya na si Santa Faustina na Kanyang hinirang at itinalaga upang maging Apostol ng Mabathalang Awa. Sa Kanyang mga pagpapakita kay Santa Faustina, ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay laging nagsalita tungkol sa Kaniyang habag at awa. Isa lamang ang hangarin ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Panginoon at Hari ng Mabathalang Awa - buong pusong manalig at umasa sa Kaniya ang lahat ng tao. Nais Niyang makilala Siya ng lahat ng tao bilang maawain at mahabaging Panginoon at Manunubos at ihandog sa Kaniya ang kanilang taos-pusong pananalig at pag-asa. Gaya ng sabi sa mga larawan ng Mabathalang Awa: "Hesus, ako ay nananalig sa Iyo." 

Dahil sa Kaniyang Banal na Awa, idinulot ng Muling Nabuhay na Jesus Nazareno ang biyaya ng tunay na kapayapaan at ang biyaya ng tunay na pag-asa sa lahat ng tao. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Muling Nabuhay na Jesus Nazareno, ang maawain at mahabaging Panginoon, na sa Kaniya dapat manalig at umasa nang taos-puso ang lahat ng tao sa daigdig. 



Sabado, Abril 12, 2025

HINDI TITIGIL SA PAGDULOT NG TUNAY NA PAG-ASA

26 Abril 2025 
Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15 

Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay hindi nagsasawa sa pagdudulot ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa lahat. Sa kabila ng mga salang nagawa ng sangkatauhan laban sa Kaniya, hindi tumitigil sa pagdudulot ng biyayang ito na nagdudulot ng pagbabago ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Isa lamang ang dahilan kung bakit patuloy Niya itong ginagawa, kahit na sa paningin at pananaw ng tao ay mukhang malabong tanggapin ng ilan ang biyayang ito kung ang biyayang ito ay una nilang tinanggihan. Tunay Niyang iniibig ang lahat. Mahal tayo ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa. 

"Hindi maaaring di naman ipahayag ang aming nakita't narinig" (Mga Gawa 4, 20). Ito ang mga salitang buong lakas na binigkas ng dalawang apostol na sina Apostol San Pedro at San Juan bilang tugon sa babala sa kanila ng Sanedrin, gaya ng nasasaad sa salaysay na itinampok sa Unang Pagbasa. Matapos tanggapin ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo noong Pentekostes, buong kagitingan silang nagpatotoo sa lahat ng tao tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Kahit na nangangahulugang malalagay sa panganib ang kanilang mga buhay, hindi sila tumigil sa pagpapatotoo sa lahat ng mga tao tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ang halimbawang ipinakita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay buong buhay na tinularan ng mga apostol. Inihayag ng mga apostol sa pamamagitan ng taos-pusong pagpapatotoo sa lahat ng mga tao sa lupa tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang kanilang tapat at taos-pusong pag-ibig para sa kanila. 

Inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo ang ilan sa mga pagpapakita ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga pagpapakita sa Kaniyang mga apostol at iba pang mga tagasunod, ang biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula ay Kaniyang idinulot sa kanila. Bagamat ang mga apostol ay hindi naniwala sa balita tungkol sa Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno noong una, kusang-loob pa rin Niyang ibinahagi sa kanila ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Pati na rin sa kasalukuyang panahon, lagi Niya itong ginagawa para sa atin. 

Bilang bukal ng tunay na pag-asa, hindi nawawalan ng pag-asa para sa atin ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya ay kusang-loob pa rin Niyang ipinagkakaloob sa ating lahat. Patunay lamang ito ng Kaniyang tapat at wagas na pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila para sa ating lahat. 

KUSANG-LOOB NIYANG IBINABAHAGI ANG TUNAY NA PAG-ASA

25 Abril 2025 
Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 1-12/Salmo 117/Juan 21, 1-14 


"Ang Panginoon iyon!" (Juan 21, 7). Sa mga salitang ito na buong galak na binigkas ng minamahal na alagad ng Poong Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo nakatuon ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Habang patuloy na ipinagdiriwang ng Simbahan ang maluwalhating tagumpay na kinamtan ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay, muli tayong pinaalalahanan sa araw na ito na tanging sa Kaniya lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. Bilang mga bumubuo sa Simbahan, napupuno ng tunay na pag-asa ang ating mga puso at loobin dahil sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Siya lamang at wala nang iba. 

Buong linaw na ipinakilala ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na ipagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan nang kusang-loob sa panahong itinakda Niya bilang batong saligan sa kabila ng pagtanggi sa Kaniya. Kahit na tunay na pag-asa ang Kaniyang dulot, buong lakas Siyang tinanggihan at itinakwil ng nakararami. Subalit, sa kabila nito, dinakila pa rin Siya ng Diyos. Natupad ito sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Dahil dito, hindi natakot ang Kaniyang dalawang apostol na sina Apostol San Pedro at San Juan na magpatotoo tungkol sa Kaniya, kahit sa harap ng Sanedrin, gaya ng nasasaad sa Unang Pagbasa. Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na pinatotohanan ng dalawang apostol na ito sa harap ng Sanedrin nang buong kagitingan ay nagpakita sa mga apostol sa laot ng Lawa ng Tiberias upang muling idulot sa kanila ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya.

Laging idinudulot sa atin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Buong puso nating tanggapin ang dakilang biyayang ito. Sa pamamagitan nito, ating pinagmamalaki na Siya lamang ang ating maawain, mahabagin, at mapagmahal na Panginoon at Manunubos na kusang-loob na nagdudulot ng tunay na pag-asang galing lamang sa Kaniya.

Biyernes, Abril 11, 2025

PAG-ASANG PUMAPAWI SA LAHAT NG TAKOT AT SINDAK

24 Abril 2025 
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48 


Itinampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagpapakita ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol sa Herusalem. Ang dalawang alagad na tumungo sa Emaus kasama ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay naglakbay pabalik sa banal na lungsod ng Herusalem upang ibalita sa kanilang mga kasama roon kung ano ang nangyari habang naglalakbay sila patungo sa bayan ng Emaus. Buong galak nilang ibinalita sa mga kasama nila sa Herusalem na tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno. Habang isinasaysay ng nasabing dalawang alagad sa kanilang mga kasama sa Herusalem ang tagpong ito, nagpakita sa kanilang lahat sa mismong silid na kung saan sila nagkakatipon ang Muling Nabuhay na Poon. 

Nang magpakita sa mga apostol ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa silid na kanilang pinagtitipunan, hindi Siya nagpakita ng matinding poot at galit bilang ganti sa kanila. Hindi Niya sila tinakot o sinindak upang makaganti sa kanila. Bagkus, pinawi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang kanilang mga takot, sindak, at pangamba. Ibinahagi Niya sa kanila nang kusang-loob ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang dulot ng biyayang ito na mula lamang sa Kaniya ay tunay na galak at tunay na kapayapaan. Ito ang bukod tanging dahilan kung bakit ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro at si Apostol San Juan ay hindi natakot, nasindak, o natinag sa presensya ng Sanedrin sa Unang Pagbasa. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay ang dahilan ng galak, kapayapaan, lakas, kagitingan, at pag-asa ng lahat ng mga tagasunod Niya. 

Gaya ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan, walang takot na nagpatotoo tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa at ng dalawang alagad na Kaniyang sinamahan sa kanilang paglalakbay patungong Emaus sa Ebanghelyo. Dahil sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ating mga puso at isipan ay puspos ng tunay na galak, kapayapaan, at kagitingan. 

Sa pamamagitan ng pagdulot ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, ang lahat ng takot at sindak sa ating mga puso ay pinapawi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang ating mga puso at loobin ay mapupuno ng tunay na galak, tunay na kapayapaan, at tunay na kagitingan.

TUNAY NA PAG-ASANG NAGDUDULOT NG TUNAY NA GALAK

23 Abril 2025 
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-35 


Buong galak na ipinagpapatuloy ng Simbahan ang maringal na pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ito ay dahil sa halaga ng kaganapang ito sa kasaysayan ng Simbahan. Ang Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kusang-loob na ibinigay ng Amang nasa langit sa lahat ng tao, ay ang pinakamahalagang kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan. Dahil sa Kaniyang Muling Pagkabuhay, may kabuluhan ang ating pananampalataya bilang Simbahan. 

Habang patuloy nating ipinagdiriwang ang Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang ating mga pansin ay nakatuon sa tunay na pag-asang dulot ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, nagtagumpay ang tunay na pag-asa. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang tunay na pag-asa ay nagtagumpay nang mabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno. Ang bukal ng tunay na pag-asa ay walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Kaya, ang tagumpay ng Poong Jesus Nazareno ay tagumpay rin ng tunay na pag-asa. 

Iminulat ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang mga puso at isipan ng dalawa sa Kaniyang mga alagad na Kaniyang sinamahan sa kanilang paglalakbay patungong Emaus. Nang mamulat ang dalawang alagad na ito sa dakilang biyaya ng tunay na pag-asang dulot ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, buong galak nila itong tinanggap agad. Hindi na sila puno ng hapis, dalamhati, at kabiguan. Bagkus, ang kanilang mga puso at isipan ay napuno ng tunay na galak at pag-asa. Sa salaysay na tampok sa Unang Pagbasa, ibinahagi nina Apostol San Pedro at San Juan ang dakilang biyayang ito sa isang lalaking ipinanganak na lumpo sa pamamagitan ng pagiging mga instrumento ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay kumilos sa pamamagitan nila. Dahil dito, ang lalaking ipinanganak na lumpo ay gumaling at nakakalakad. 

Tayong lahat ay pinaalalahanan ngmang-aawit sa Salmong Tugunan tungkol sa kung ano ang dapat nating gawin bilang Simbahan. Ang Diyos ay purihin nang buong galak. Sa Diyos lamang nagmumula ang ating galak at pag-asa. Ipagmalaki natin ito. 

Dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ating mga puso at isipan ay puspos ng tunay na galak at tunay na pag-asa. Idinulot Niya ang mga ito sa atin nang kusang-loob. 

Huwebes, Abril 10, 2025

HINDI HAPIS AT LUHA KUNDI GALAK AT PAG-ASA

22 Abril 2025 
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18 


Habang ang maringal na pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay buong galak nating ipinagpapatuloy bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan itinatag Niya, ipinapaalala sa atin kung ano ang Kaniyang dulot sa atin. Sa pamamagitan ng Kaniyang maluwalhating Muling Pagkabuhay, idinulot ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa atin. Ito ang dahilan kung bakit lagi tayong puspos ng galak at pag-asa. Ang nagdulot ng galak at pag-asang tunay sa atin ay walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na Muling Nabuhay. 

Buong linaw na inihayag ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa kaniyang pangaral sa mga tao na inilahad sa salaysay sa Unang Pagbasa na hindi isang karaniwang tao lamang ang Poong Jesus Nazareno. Hindi lamang isang guro na puno ng karunungan ang Poong Jesus Nazareno. Ang Poong Jesus Nazareno ay ang Mesiyas at Manunubos na ipinangako. Dumating Siya sa lupa sa panahong itinakda dahil Siya mismo ay ang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos. Ipinaliwanag nang buong linaw ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit kusang-loob na ipinagkaloob ng Amang nasa langit ang Kaniyang Bugtong na Anak upang maging ating Mesiyas at Manunubos na ipinangako. Pag-ibig, habag, at awa ang bukod-tanging dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan pagsapit ng takdang panahon sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak at ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo - si Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay dinulutan Niya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kanya. 

Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa pagpapakita ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kay Santa Maria Magdalena sa labas ng libingan. Dahil sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, napawi nang tuluyan ang mga luha, sakit, lungkot, dalamhati, at hapis ni Santa Maria Magdalena. Pinawi ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang mga dalamhati, hapis, at luha ni Santa Maria Magdalena. Mula sa pagiging puspos ng mga sakit, luha, hapis, at dalamhati, si Santa Maria Magdalena ay napuspos ng tunay na galak at tunay na pag-asa. 

Kusang-loob na idinudulot sa atin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang tunay na galak at ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Tanggapin nawa natin nang mataimtim at nang taos-puso ang tunay na galak at ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Pahintulutan nating baguhin tayo ng mga biyayang ito na dulot sa atin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. 

GALAK NG MGA UMAAASA SA KANIYA

21 Abril 2025 
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 28, 8-15 


"D'yos ko, ang aking dalangi'y ako'y Iyong tangkilikin" (Salmo 15, 1). Nakatuon sa mga salitang ito na binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan sa araw na ito. Buong galak na ipinagpapatuloy ng Inang Simbahan sa araw na ito ang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, buong linaw na isinasalungguhit ng Inang Simbahan kung gaano kahalaga ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, sa ating pananampalataya. Dahil napakahalaga para sa ating lahat na bumubuo sa Simbahan ang Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, hindi lamang isang araw ang inilaan upang pagnilayan at ipagdiwang ito nang buong galak. Bagkus, isang panahon ang inilaan para sa nasabing pagdiriwang. Ang Oktaba o ang Walong Araw na Pagdiriwang ay bahagi lamang ng panahong ito.

Kung ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw, hindi tayo magkakatipon-tipon bilang Simbahan. Ito ang dahilan kung bakit ang pinakamahalagang kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan ay walang iba kundi ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Mayroong saysay at kabuluhan ang ating pananampalataya bilang Simbahan dahil nabuhay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nabuhay Siyang mag-uli sa ikatlong araw, gaya ng Kaniyang sinabi. 

Ang mga salita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay mga salita ng isang taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos. Pinatunayan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang maluwalhating Muling Pagkabuhay na tunay nga natin Siya maaasahan. Siya mismo ay ang bukal ng tunay na pag-asa. Lagi natin Siyang maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay. Hindi Niya tayo bibiguin o sisiphayuin kailanman. Bilang tunay na Diyos, ipinagkakaloob Niya sa ating lahat ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. 

Nangaral ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa mga tao sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa tungkol sa kusang-loob na pagkakaloob ng Diyos ng biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang biyayang ito ay kusang-loob Niyang ipinagkaloob sa lahat sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, nagpakita sa mga babaeng nagtungo sa Kaniyang libingan ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula ay idinulot Niya sa kanila nang magpakita Siya sa kanila. Dahil dito, puspos sila ng galak at pag-asa. 

Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay puspos ng tunay na galak at tunay na pag-asa dahil sa Kaniyang Muling Pagkabuhay. Lagi tayong nananalig at umaaasa sa Kaniya nang may galak dahil hindi Niya tayo bibiguin kailanman. 

Miyerkules, Abril 9, 2025

TAGUMPAY NG TUNAY NA PAG-ASA

20 Abril 2025 
Araw ng Pasko ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 


Ang pinakamahalagang araw sa Kalendaryo ng Simbahan ay sumapit. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang pinakamahalagang araw sa buong taon para sa Simbahan ay walang iba kundi ang Pasko ng Muling Pagkabuhay. Dahil sa Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroong saysay ang pananampalatayang labis na pinahahalagahan ng Simbahan. Sumasamapalataya, nananalig, at umaaasa na may galak sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang Simbahan. 

Isa lamang ang isinasalungguhit ng mga Pagbasa. Ang Simbahan ay laging puspos ng galak at pag-asa dahil sa Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Nangaral si Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Inang Simbahan, sa bahay ng isang kapitang Romanong nagngangalang Cornelio sa salaysay na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Ang paksa ng pangaral ni Apostol San Pablo sa bahay ni Cornelio na tampok sa Unang Pagbasa para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ay walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Nakasentro naman sa bagong buhay na kaloob ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang pangaral ng dakilang apostol at misyonero sa mga Hentil na si Apostol San Pablo sa lahat ng mga taga-Colosas sa Ikalawang Pagbasa. Katunayan, nakasentro rin sa paksang ito ang pangaral ni Apostol San Pablo sa lahat ng mga taga-Corinto na itinampok at inilahad sa alternatibong Ikalawang Pagbasa. Tampok sa Ebanghelyo para sa pinakadakilang araw na ito ng bawat taon para sa Simbahan sa buong daigdig ang salaysay ni San Juan tungkol sa pagkatuklas sa libingang walang laman. Walang laman ang libingan dahil ang inilibing roon - ang Panginoong Jesus Nazareno - ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Hindi Siya nanatiling patay. Bagkus, muli Siyang nabuhay. 

Gaya ng buong linaw na inihayag sa Salmong Tugunan: "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang!" (Salmo 117, 24). Tayong lahat na bumubuo sa tunay na Simbahan ay puspos ng galak at pag-asa dahil ang Poong Jesus Nazareno ay muling nabuhay. Hindi patay ang nagtatag sa Simbahang ating kinabibilangan na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, muli nga Siyang nabuhay, gaya ng paulit-ulit Niyang ipinangako. Sa halip na manatiling isang bangkay na nabubulok sa loob ng libingan matapos mamatay sa Krus na Banal, nabuhay Siyang mag-uli. 

Sa pamamagitan ng Kaniyang Muling Pagkabuhay, idinulot ng Poong Jesus Nazareno ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa atin. Kusang-loob Niyang idinudulot sa atin ang dakilang biyayang ito. Ito ang dahilan kung bakit tayong lahat na bumubuo sa Kaniyang Simbahan ay laging puspos ng pag-asa. Laging puspos ng pag-asa ang Simbahan dahil sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. 

Pinatunayan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na ang pag-asa ay hindi nagdudulot ng kabiguan. Bilang bukal ng tunay na pag-asa, nagtagumpay at nagwagi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno laban sa kasamaan at kasalanan. Ang tunay na pag-asa ay nagtagumpay at nagwagi nang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit. Dahil dito, ang tagumpay na kinamit ng Poong Jesus Nazareno ay tagumpay rin ng tunay na pag-asa. 

Dahil sa dakilang tagumpay ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay puspos ng galak at pag-asa. Buong galak natin Siyang ipagmalaki at ipagbunyi. Kaisa natin sa taos-pusong pagmamalaki at pagbubunyi sa Kaniya na nagkamit ng dakilang tagumpay ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. "Aleluya" ang ating awitin bilang isang Simbahang buong galak na sumasampalataya, nananalig, at umaaasa sa Panginoong Muling Nabuhay.

Martes, Abril 8, 2025

DAHIL SA MULING NABUHAY NA POONG JESUS NAZARENO, LAGING MAY PAG-ASA

19 Abril 2025 
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 104 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Lucas 24, 1-12 

Larawan: Janez Wolf (1825–1884), The Resurrection (c. 1878). St. Stephen's Parish Church, Ribnica. Public Domain


Hindi nagwakas sa kamatayan ang lahat para sa Poong Jesus Nazareno. Nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno matapos ang Kaniyang pagpapakasakit. Matapos batain ang lahat ng mga hirap, sakit, at pagdurusa hanggang sa sandaling malagutan Siya ng hininga sa Krus na Banal, ang Poong Jesus Nazareno ay muling nabuhay. Sa pamamagitan ng Kaniyang maluwalhating Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw, ang lahat ng mga nasabi ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol tungkol sa Kaniyang tungkulin at misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay natupad. Ito ang dahilan kung bakit buong galak na nagdiriwang ang Simbahan sa gabi ng Sabado de Gloria. Tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno. 

Ang liturhikal na pagdiriwang sa gabi ng Sabado de Gloria o Sabado Santo ay ang pinakamahabang pagdiriwang ng Simbahan. Katunayan, ang pagdiriwang na ito na ginaganap ng Simbahan sa gabi ng Sabado de Gloria taun-taon ay ang ikatlo at huling bahagi o yugto ng mahabang pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay sa Krus na Banal, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa tatlong bahagi o yugto ng nasabing pagdiriwang, ang bahagi o yugtong ito ay ang pinakamahaba. Isa lamang ang dahilan - ito ang simula ng panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. 

Gaya ng mahabang pagdiriwang ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno na nahahati sa tatlong yugto (ang bawat yugto ng nasabing pagdiriwang ay nahahati sa tatlong araw), ang Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay na isinasagawa sa gabi ng Sabado de Gloria taun-taon ay mayroong apat na yugto. Sa unang bahagi ng nasabing liturhikal na pagdiriwang, ang Bagong Ilaw ng Kandilang Pampaskuwa na sumasagisag ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ay binigyan ng parangal. Ang ikalawang yugto ay ang Pagpapahayag sa Salita ng Diyos kung saan pitong Pagbasa mula sa Lumang Tipan, pitong Salmo, at isang Pagbasa mula sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma na sinundan ng pagbabalik ng "Aleluya" sa huling Salmo bago ipahayag ang salaysay ng pagtuklas ng mga babae sa libingang walang laman sa Mabuting Balita o Ebanghelyo. Tampok sa Ebanghelyo sa taong ito, taon K, ang salaysay ni San Lucas tungkol sa pagtuklas ng tatlong babaeng dumalaw sa libingan ng Poong Jesus Nazareno, ang tatlong Maria, na walang laman ang nasabing libingan. Ipinaliwanag ng mga anghel kung bakit - muling nabuhay ang Poong Jesus Nazareno. Kaya nga, ang tanong ng mga anghel sa kanila: "Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?" (Lucas 24, 5). Isasagawa sa kasunod na yugto, ang ikatlong yugto ng maringal na pagdiriwang na ito, ang Pagdiriwang ng Pagbibinyag kung saan ang mga bagong kaanib ng Inang Simbahan ay bibinyagan at kukumpilan (kung mayroon man) bago muling sariwain ng buong sambayanan ang mga pangako sa Binyag. Bilang pagwawakas sa nasabing maringal na pagdiriwang, sa ikaapat at huling bahagi o yugto nito ay ipagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya kung saan darating ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa anyo ng tinapay at alak sa piling natin upang idulot muli ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Sa ilang mga Simbahan, kasunod ng Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay isasagawa agad ang tradisyunal na Salubong (bagamat mayroon pa ring ilang mga Simbahang kung saan ang tradisyunal na Salubong ay nagaganap sa bukang-liwayway o madaling-araw ng Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay). 

Sabi nga sa Maringal na Pagpapahayag na Ngayo'y Pasko ng Muling Pagkabuhay na tiyak na kilala rin nating mga bumubuo sa Simbahan bilang Exultet: "Magalak nang lubos ang buong sambayanan. Sa kaluwalhatian lahat tayo'y magdiwang. Sa ningning ni Hesukristo . . . Siya'y muling nabuhay, tunay na Manunubos!" Ito ang dahilan kung bakit buong galak tayong nagdiriwang sa gabi ng Sabado de Gloria. Hindi nanatiling isang bangkay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, nabuhay Siyang mag-uli. Nagtagumpay ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tayo ay Kaniyang dinulutan ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Buong linaw na isinasalungguhit ng Simbahan na sa Muling Nabuhay na Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. Siya mismo ay ang tunay at tanging dahilan kung bakit laging mayroong pag-asa. Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang Kaniyang itinatag ay puspos ng tunay na galak at pag-asa dahil lamang sa Kaniya. 

Kasama ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay buong galak na nagdiriwang at nagbubunyi dahil sa dakila Niyang tagumpay. Dahil sa tagumpay ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay puspos ng tunay na galak at tunay na pag-asa. Ito ang Kaniyang dulot sa ating lahat. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY!

Lunes, Abril 7, 2025

UPANG MAIDULOT ANG TUNAY NA PAG-ASA

18 Abril 2025 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 


"Sa kahoy ng Krus na Banal ni Hesus na Poong Mahal, nalupig ang kamatayan; at sa Muling Pagkabuhay, ang pag-asa ay sumilay." Ito ang mga salitang binibigkas ng pari o diyakono sa simula ng Rito ng Pagpaparangal sa Krus na Banal. Habang tinatanggal ang lambong mula sa Krus nang paunti-unti, inaanyayahan ng pari o diyakono ang kongregasyon na parangalan ang Krus na Banal ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga salitang ito. Buong linaw na isinasalungguhit ng mga salitang ito ang dahilan kung bakit ang Krus na Banal ay ating pinahahalagahan nang lubusan bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo. Katunayan, binanggit rin sa mga salitang ito ang Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Hindi nanatiling patay ang Nazarenong naghain ng buong sarili sa Krus sa bundok ng Golgota na mas kilala ng nakararami sa tawag na Kalbaryo. Bagkus, ang Nazarenong walang awang ipinako sa Krus noong unang Biyernes Santo ay mabubuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Maaaring ituring na isang buod ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno ang mga salitang ito na binibigkas ng pari o ng diyakono habang ang lambong ay kaniyang tinatanggal mula sa Krus na Banal nang paunti-unti. 

Ang liturhikal na pagdiriwang ng Biyernes Santo ay ang ikalawang bahagi o yugto ng pagdiriwang ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang liturhiya ng Biyernes Santo ay nagsimula sa tahimik na pamamaraan. Walang Pambungad na Awit at wala ring Pag-Aantanda ng Krus at Pagbati sa simula ng liturhiya ng Biyernes Santo. Hindi ito isang hiwalay na pagdiriwang. Bagkus, ang sinimulan ng Inang Simbahan noong dapit-hapon o takipsilim ng Huwebes Santo ay ipinagpapatuloy ng Inang Simbahan sa hapon ng Biyernes Santo. Sa bahaging ito ng mahabang pagdiriwang ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno, ang Krus na Banal ay ang sentro ng taimtim na pagninilay. 

Tampok sa Ebanghelyo ang napakahabang salaysay ng pagpapakasakit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na matatagpuan sa Ebanghelyo ni San Juan. Naglaan si San Juan ng dalawang buong kabanata mula sa kaniyang salaysay ng Ebanghelyo upang ilahad ang mga huling sandali ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa kamay ng mga kaaway Niyang labis-labis ang inggit at poot laban sa Kaniya. Labis ang pagkapoot at ang pagkamuhi ng mga kaaway ng Mahal na Poong Jesus Nazareno laban sa Kaniya. 

Kaya naman, ang tanong ng gobernador na si Poncio Pilato kay Jesus Nazareno: "Ano ba ang ginawa Mo?" (Juan 19, 35). Habang iniimbestigahan ang kaso laban kay Jesus Nazareno, ito ang unang napansin ni Pilato. Labis na kinapootan si Jesus Nazareno ng lahat ng mga nagdala sa Kaniya kay Pilato. Parang sabik na sabik silang ipapapatay si Jesus Nazareno. Umagang-umaga, dinala sa kaniya si Jesus Nazareno ng mga taong iyon at kung anu-ano pa ang kanilang ipinaratang laban sa Kaniya. Sa halip na ihip ng mga ibon at simoy ng hangin, mga paratang laban sa isang Nazarenong nakagapos ang bumungad sa kaniyang umaga. Tila mayroong nais iparating si Poncio Pilato, ang gobernador, sa nakagapos na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng nasabing tanong: "Panira Ka ng araw."

Bakit nga ba labis na kinapootan at kinamuhian ang Panginoong Jesus Nazareno? Isa lamang ang dahilan. Ang mga pintuan ng kanilang mga puso ay isinara at ipininid nila sa Kaniya. Pinatigas nila ang kanilang mga puso. Dahil dito, nagpabulag sila sa inggit, galit, at poot laban sa Kaniya. Hinayaan nilang udyukan sila ng inggit, galit, at poot na napakatindi laban sa Panginoong Jesus Nazareno na ipapatay Siya. 

Dumating ang Poong Jesus Nazareno sa lupa upang idulot ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kusang-loob na pagligtas sa kanila. Iyon nga lamang, hindi ito naging madali para sa Kaniya. Ang mga inilarawan sa pahayag tungkol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos na inilahad sa aklat ni Propeta Isaias ay Kaniyang tiniis at binata. Katunayan, bago pa man dumating sa lupa ang Poong Jesus Nazareno, alam na Niyang mangyayari sa Kaniya ang mga iyon kapag ipinagpatuloy Niya ang Kaniyang planong iligtas ang sangkatauhan. Hindi Siya obligadong gawin iyon. Maaari Niya itong tanggihan. Subalit, ipinasiya pa rin Niyang gawin iyon bilang pagsunod sa kalooban ng Amang nasa langit, gaya na lamang ng buong linaw na inilarawan sa Ikalawang Pagbasa. Patunay lamang ito na tunay nga tayong pinahahalagahan ng Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Ipinakilala ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang Panginoong Diyos bilang Tagapagligtas na maaasahan. Pinatunayan ito ng Diyos sa panahong itinakda Niya sa pamamagitan ni Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, pinatunayan Niyang tunay nga Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, awa, kagandahang-loob, at habag, ipinasiya Niya tayong iligtas sa pamamagitan ni Jesus Nazareno upang idulot sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya lamang. Kahit na alam Niyang itatakwil at kamumuhian Siya ng marami, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito. 

Lubos tayong pinahahalagahan ng Diyos. Ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin ay tunay ngang dakila. Ito ang dahilan kung bakit Niya tayo iniligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng pagligtas sa atin, kusang-loob Niyang idinulot sa atin ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. 

Linggo, Abril 6, 2025

PINAHAHALAGAHAN TAYO NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

17 Abril 2025 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 


Sabi sa Pambungad na Antipona o Awitin para sa maringal na pagdiriwang sa dapit-hapon ng Huwebes Santo: "Krus ng ating kaligtasan, dapat nating ikarangal. Sagisag ng kalayaan at ng Muling Pagkabuhay ni Hesus na ating Mahal." Maaaring ituring na isang maikling buod ng mga magaganap sa loob ng tatlong pinakamahalagang araw ang mga salitang ito mula sa Pambungad na Antipona o Awitin para sa liturhikal na pagdiriwang sa dapit-hapon o takipsilim ng Huwebes Santo. Inilarawan nang buong linaw sa mga salitang ito kung gaano kahalaga para sa Inang Simbahan kung gaano kahalaga ang huling tatlong araw ng mga Mahal na Araw. Naiiba o natatangi ngang tunay ang tatlong araw na ito sa Kalendaryo ng Simbahan. 

Nagsisimula ang pinakamahalagang pagdiriwang ng Simbahan sa buong liturhikal na taon sa pamamagitan ng liturhikal na pagdiriwang sa takipsilim ng Huwebes Santo. Sa lahat ng mga pagdiriwang ng Inang Simbahan sa buong taon, naiiba ngang tunay ang tatlong araw na ito dahil ipinagdiriwang niya sa loob ng tatlong araw na ito ang pinakamahalagang Kapistahan sa buong taong lituhikal. Katunayan, tatlong araw ang inilaan ng Simbahan upang ang Kapistahang ito ay ipagdiwang dahil sa kadakilaan at halaga nito. Ang Kapistahang ito ay ang pinakadakila at pinakamahalaga. 

Ang ating mga pansin ay itinutuon ng Simbahan sa Huling Hapunan sa unang araw ng tatlong araw ng pinakamahalagang pagdiriwang sa buong taon. Sa gabi bago Siya tuluyang magpakasakit at mamatay sa Krus na Banal, ang Poong Jesus Nazareno ay dumulog sa hapag kasama ang Kaniyang mga alagad upang ipagdiwang nang buong ringal ang Hapunang Pampaskuwa. Itinampok sa Unang Pagbasa ang kasaysayan ng Hapunang Pampaskuwa. Bilang mga Hudyo, ipinagdiriwang ni Hesus at ng Kaniyang mga alagad ang pagdiriwang ng Paskuwa. 

Habang ipinagdiriwang ang Hapunang Pampaskuwa kasama ang mga apostol noong bisperas ng Kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo na tinatawag ring Golgota, itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang dakilang Sakramento ng Banal na Eukaristiya o ang Misa. Sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, ang Misa, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay laging dumarating sa piling natin sa anyo ng tinapay at alak upang ibigay ang Kaniyang sarili sa atin bilang ating pagkain at inuming espirituwal. Ang kasaysayan ng pagkakatatag sa nasabing Sakramento ay inilahad sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. 

Bukod sa pagtatag sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa Huling Hapunan, ang paa ng mga apostol ay hinugasan ng Poong Jesus Nazareno. Sa halip na itampok ang salaysay ng pagkatatag sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa Ebanghelyo, ang kaganapang itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo ay ang paghuhugas ng paa ng mga apostol. Buong linaw na isinalungguhit na hindi sapilitan ang paghuhugas sa paa ng mga apostol. Ang Poong Jesus Nazareno ay hindi napilitang gawin ito. Bagkus, ito ay ginawa Niya nang bukal sa Kaniyang puso at kalooban. Kung paanong kusang-loob na inihandog ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo, kusang-loob rin Niyang hinugasan ang paa ng mga apostol na iniibig Niyang tunay. Sa pamamagitan ng Kaniyang gawang ito, ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula ay idinulot Niya sa kanila. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan na hango mula sa isa sa mga pangaral ng dakilang apostol at misyonerong si Apostol San Pablo: "Sa kalis ng pagbabasbas, si Kristo ay tinatanggap" (1 Corinto 10, 16). Ang bukal ng tunay na pag-asang si Kristo ay laging dumarating sa anyo ng tinapay at alak sa tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya upang ibigay ang buo Niyang sarili sa tanan. Patunay lamang ito ng Kaniyang kabutihan, pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ito ang puntong isinalungguhit nang buong linaw ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan sa mga taludtod ng kaniyang papuring awit na itinampok sa Salmong Tugunan. Dahil sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Mahal na Poon para sa atin, kusang-loob Niyang inihandog ang buo Niyang sarili upang tayong lahat ay mailigtas Niya. 

Minarapat ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na idulot sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagligtas sa atin. Sa Huling Hapunan, itinatag Niya ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Hinugasan rin Niya ang paa ng mga apostol. Ang Kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay sa isang kahoy na Krus sa bundok ng Kalbaryo ay hindi Niya tinakasan. Bagkus, kusang-loob Niyang hinarap, tinanggap, at binata ang lahat ng mga hirap, sakit, at pagdurusa sa kamay ng Kaniyang mga kaaway hanggang sa mamatay Siya sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo. Wala ni isa sa mga ito ay naganap dahil napilitan lamang Siya. Pinahintulutan Niyang mangyari ang lahat ng mga ito dahil mahalaga tayo sa Kaniya. 

Kung paanong kusang-loob na hinugasan ng Poong Jesus Nazareno ang mga paa ng mga apostol, at kung paanong kusang-loob Niyang inihandog ang buo Niyang sarili sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo upang tayong lahat ay mailigtas Niya, gayon din naman, kusang-loob na dumarating sa ating piling ang Poong Jesus Nazareno sa bawat pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya upang idulot sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Patunay lamang ito na tayong lahat ay tunay nga Niyang pinahahalagahan nang lubos. 

Inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Banal na Eukaristiya na tayong lahat ay lubos Niyang pinahahalagahan. Bukal sa Kaniyang puso at kalooban ang Kaniyang palagiang pagdating sa piling natin sa tuwing ipinagdiriwang ng Inang Simbahan ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya na Kaniyang itinatag sa Huling Hapunan upang maidulot Niya sa ating lahat ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, katulad ng Kaniyang ginawa sa Krus na Banal. Kung paanong hindi napilitan lamang ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na hugasan ang mga paa ng Kaniyang mga apostol, at kung paanong hindi Siya napilitang maghain ng Kaniyang buong sarili sa Krus noong unang Biyernes Santo, gayon din naman, hindi napilitang dumating sa ating piling ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tuwing ang Banal na Eukaristiya o Misa ay ipinagdiriwang ng Inang Simbahan. 

Huwebes, Abril 3, 2025

LAGING MAAASAHAN ANG DIYOS

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAPITONG HULING WIKA (Lucas 23, 46): 
"Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu." 


Habang naghihingalo sa Krus na Banal, nag-iwan ng isang napakahalagang aral para sa Simbahan ang Poong Jesus Nazareno. Ipinahayag ng Poong Jesus Nazareno kung gaano kahalaga para sa Kaniya ang Kaniyang Simbahan. Kahit na nakapako sa Banal na Krus, tinuruan pa rin ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang Simbahan. Bagamat labis Siyang nagdurusa, nahihirapan, at nag-aagaw-buhay sa mga oras na iyon, ang Poong Jesus Nazareno ay nag-iwan  ng isang napakahalagang aral para sa Kaniyang tunay na Simbahan. Ang aral na ito ay walang iba kundi ang pagiging maaaasahan ng Diyos. Lagi nating maaasahan ang Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Ang pagiging maaasahan ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig ay buong linaw na isinalungguhit ng Ikapito at Huling Wika ng Poong Jesus Nazareno sa Krus. Bago Siya tuluyang malagutan ng hininga habang nakapako sa Krus na Banal, ipinagkatiwala ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kaluluwa sa Ama. Katunayan, hango mula sa ika-31 kabanata ng aklat ng mga Salmo ang Ikapito at Huling Wika ng Poong Jesus Nazareno habang nakabayubay sa Krus na Banal. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagbigkas sa mga salitang ito kung saan ipinagktiwala Niya sa Amang nasa langit ang Kaniyang Espiritu (o kaluluwa sa ibang mga salin), itinuro sa atin ng Poong Jesus Nazareno na mayroon tayong magpagkakatiwalaan sa bawat sandali at yugto ng ating buhay sa lupa - ang Diyos.

Walang taong binigo ang Panginoong Diyos kailanman. Sa bawat yugto at kabanata ng kasaysayan ng mundong ito, paulit-ulit na inihayag at pinatunayan ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pagiging maaasahan at mapagkakatiwalaan. Ang Diyos ay ang bukal ng tunay na pag-asa. Hindi nambibigo ang Diyos kailanman. Pinatunayan ito ng lahat ng mga kabilang sa kasamahan ng mga banal sa langit. Laging maaasahan at mapagkakatiwalaan ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. 

Bagamat naghihingalo at nag-aagaw-buhay sa Krus na Banal sa mga sandaling ang wikang ito ay Kaniyang binigkas, iminumulat tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pagiging maaasahan at mapagkakatiwalaan ng Diyos. Sa Kaniya tayo manalig at umasa. Lagi natin Siya mapagkakatiwalaan at maaasahan. Hindi Niya tayo bibiguin kailanman. Ganyan tayo kahalaga sa bukal ng tunay na pag-asa. 

Miyerkules, Abril 2, 2025

KUSANG-LOOB ANG KANIYANG PAGDUDULOT NG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30): 
"Naganap na!" 


Walang obligasyon ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa buong sangkatauhan. Hindi naman Niya kinailangang magpakasakit at mag-alay ng Kaniyang buong sarili sa Krus alang-alang sa sangkatauhan. Kung niloob lamang Niya, nanatili na lamang Siya sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit kung saan maaari Siyang magpakasarap. Ang kapahamakan ng lahat ng tao ay maaari na lamang Niya pagmasdan habang buong ginhawa Siyang nakaluklok sa Kaniyang maringal na trono sa langit. 

Subalit, kahit na hindi tayo dapat pahalagahan dahil sa ating pagiging makasalanan, tayong lahat ay pinahalagahan pa rin ng Poong Jesus Nazareno. Bagamat hindi Niya kailangang gawin iyon, kusang-loob pa rin Niya itong ipinasiyang gawin. Inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang gawin ito, kahit hindi naman Siya obligadong isagawa iyon, ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Niloob Niyang pahalagahan tayo. 

Ang Ikaanim na Wika ni Jesus Nazareno mula sa Krus na Banal ay isang malinaw na pahayag ng Kaniyang taos-pusong pasiya. Pinahahalagahan tayo ni Jesus Nazareno. Bagamat mga makasalanan tayo, lubos pa rin Niya tayong pinahahalagahan. Ito ang dahilan kung bakit kusang-loob Siyang nagpakasakit at namatay sa Krus na Banal upang tayong lahat ay maligtas. Sa pamamagitan nito, dinulutan Niya tayo ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula.

Pinahalagahan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa. Huwag natin itong balewalain. 

Martes, Abril 1, 2025

ANG UHAW NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28): 
"Nauuhaw Ako." 


Marahil ay nasanay na tayo sa larawan ni Jesus Nazareno bilang tagapagbigay. Kung tutuusin, ito ang dahilan kung bakit naparito sa mundong ito si Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Si Jesus Nazareno ay kusang-loob na naparito sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang magbigay. Ang bigay o kaloob ni Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ibinigay Niya sa lahat ng mga tao ang dakilang biyayang ito sa pamamagitan ng pagtubos sa kanila. 

Subalit, mayroon ring larawan ang Panginoong Jesus Nazareno na madalas na hindi napapansin. Katunayan, Siya mismo ang gumuhit sa larawang ito ng Kaniyang sarili. Ang larawang ito ay ang larawan ng Panginoong Jesus Nazareno na mayroong mga hiling. Iginuhit ng Panginoong Jesus Nazareno ang larawang ito ng Kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbigkas ng Kaniyang Ikalimang Wika mula sa Krus. Buong linaw na inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno ang Kaniyang pagkauhaw. 

Hindi lamang pisikal na pagkauhaw ang tinutukoy ng Poong Jesus Nazareno. Bukod sa pisikal na pagkauhaw dulot ng anim na oras na pagkabayubay sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo, ang pagkauhaw na buong linaw na tinutukoy ng tunay na Diyos na naging tunay na tao na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay ang taos-pusong pagtanggap sa biyaya ng tunay na pag-asang idinudulot Niya sa tanan nang kusang-loob. Sa pamamagitan ng Kaniyang Ikalimang Wika mula sa Krus, ang Poong Jesus Nazareno ay nakikiusap sa atin. Ang Kaniyang pakiusap sa atin ay tanggapin ang dakilang biyayang ito. Nais Niya tayong iligtas. Ito ang dahilan kung bakit Siya pumarito sa lupa. 

Walang mag-aakalang makikiusap sa sangkatauhan ang isang bathala na tanggapin nang taos-puso ang isang biyayang kusang-loob Niyang idinudulot 'pagkat hindi iyan ginagawa ng sinumang bathala, sa pananaw ng sanlibutan. Pinatunayan ng tunay na Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na mali ang pananaw at lohika ng sanlibutan. Kahit na walang kailangang hilingin ang Mahal na Poon sa mga tao dahil mayroon naman Siyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos na gawin ang anumang Kaniyang naisin, ipinasiya pa rin Niyang makiusap sa atin. Subalit, ipinasiya pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na makiusap sa atin dahil hangad Niyang mapabilang tayo sa Kaniyang mga makakapiling sa Kaniyang kaharian sa langit. 

Isa lamang ang pakiusap ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa atin - tanggapin ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya nang taos-puso. Hayaan nating magdulot ito ng pagbabago sa ating buhay. Sa gayon, makakapamuhay ang bawat isa sa atin nang naayon sa mga utos at loobin ng Diyos.