Sabado, Abril 26, 2025

IPAGMALAKI ANG ATING PINANANALIGAN AT INAAASAHAN

1 Mayo 2025 
Paggunita kay San Jose, manggagawa 
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58 


Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang muling parangalan si San Jose. Ang araw na ito ay ang ikalawang araw o petsang inilaan ng Simbahan upang parangalan si San Jose (ang unang araw o petsang inilaan ng Simbahan upang magbigay ng parangal sa dakilang Santo at Patriyarkang si San Jose ay ang ika-19 ng Marso). Subalit, iba ang pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito. Kung sa Dakilang Kapistahang buong ringal na ipinagdiriwang tuwing ika-19 ng Marso ay pinagtutuunan ng pansin ang kaniyang pagiging kabiyak ng puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ang kaniyang pagiging ama-amahan ng Poong Jesus Nazareno, sa kaniyang papel bilang manggagawa nakatuon ang pansin ng Simbahan sa araw na ito. 

Matapos mangaral sa sinagoga sa Nazaret ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas, pinagdudahan Siya ng Kaniyang mga kababayan. Sa halip na tanggapin Siya nang buong puso, ipinasiya ng Kaniyang mga kababayan na hindi Siya kilalanin. Itinakwil Siya ng Kaniyang mga kababayan. Ang dahilan ay walang iba kundi ang Kaniyang pagiging anak ng karpinterong si San Jose (Mateo 13, 55). Kilala Siya sa Nazaret bilang anak ng karpinterong si San Jose, gaya ng buong linaw na inilarawan sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. 

Lingid sa kaalaman ng mga kababayan ng Poong Jesus Nazareno sa Nazaret na ang dakilang Gurong hindi nila tinanggap dahil sa Kaniyang pagiging anak ng karpinterong si San Jose ay ang kauna-unahang manggagawa sa kasaysayan. Dahil sa Kaniya, ang bukal ng tunay na pag-asa, mayroon silang buhay. Ang Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na Diyos. Kaisa Niya ang Ama at Espiritu Santo na lumikha sa lahat ng bagay, gaya ng buong linaw na inilarawan sa salaysay sa Unang Pagbasa. Nang ang takdang panahon ay sumapit, ipinasiya Niya tayong iligtas upang sa pamamagitan ng gawang ito ay maidulot Niya ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. 

Ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay isang taimtim na dalangin ng lahat, lalung-lalo na ng mga manggagawa. Taos-puso silang nananalig at umaaasa sa Panginoong Diyos na laging kumakalinga, gumagabay, at umaakay sa kanila. Hindi Niya sila pababayaan kahit kailan dahil Siya mismo ay ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Pinaalalahanan tayong lahat ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa alternatibong Unang Pagbasa na huwag kalimutan ang Diyos. Tayong lahat ay hindi nililimot ng Diyos kailanman. Kaya naman, huwag nating lilimutin ang Diyos. Lagi Niya tayong sinasamahan at ginagabayan. Hindi Niya tayo bibiguin kahit kailan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit kailangan nating ipahayag nananalig at umaaasa tayo sa Kaniya nang buong puso sa pamamagitan ng mga salitang ating binibigkas at ang ating mga ginagawa araw-araw. 

Katulad ni San Jose, ipagmalaki nating taos-puso tayong nananalig at umaaasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoon. Hindi tayo bibiguin ng Diyos kailanman. Bagkus, palagi Niya tayong kinakalinga, sinasamahan, tinutulungan, at ginagabayan sa bawat sandali ng ating buhay. Sa mga oras ng paghahanap-buhay (trabaho) at mga oras ng pahinga, lagi natin Siyang kasama. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento