2 Mayo 2025
Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 5, 34-42/Salmo 26/Juan 6, 1-15
Larawan: Lodewijk de Deyster (–1711), Resurrection of Christ (c. 1694). St. James Church, Bruges, Belgium. Public Domain.
Tampok sa salaysay sa Unang Pagbasa ang pagtatanggol ng Pariseong si Gamaliel na lubos na ginagalang ng lahat bilang isang tagapagturo ng Kautusan ni Moises sa mga apostol laban sa mga pag-uusig ng Sanedrin. Sa halip na makiisa sa pag-uusig at pagpapatahimik sa mga tagasunod ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, si Gamaliel ay nagpasiyang tumindig para sa kanila. Ang kaniyang pahayag ay mabibigo rin ang mga tagasunod ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kung hindi sa Diyos nagmumula ang kanilang ipinangangaral at pinatotohanan sa lahat ng mga tao sa Israel at pati na rin sa iba't ibang mga lugar. Sa pamamagitan ng pahayag niyang ito, hindi lamang kapakanan ng mga apostol ang kaniyang inisip kundi na rin ng mga bumubuo sa Sanedrin - mga Pariseo at Saduseo.
Gaya ng ipinahiwatig sa wakas ng salaysay na tampok sa Unang Pagbasa, ang mga apostol ay hindi tumigil sa pagpapatotoo at pagsaksi sa Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kahit na ipinahagupit sila ng Sanedrin at binalaan nang buong higpit na huwag nang mangaral, magpatotoo, at sumasaksi sa Kaniya, ipinasiya pa rin ng mga apostol na ipagpatuloy ang kanilang misyon bilang mga apostol at saksi ni Kristong Muling Nabuhay. Patuloy nilang ipinalaganap sa tanan ang biyaya ng tunay na pag-asang dulot ng Muling Nabuhay na Jesus Nazareno sa pamamagitan nito.
Isang himala ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo. Pinakain ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang limanlibong katao sa pamamagitan ng pagpaparami sa limang tinapay at dalawang isda. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang habag at awa para sa kanila. Ito rin ang dahilan kung bakit Niya ipinasiyang idulot sa buong sangkatauhan ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Dahil sa Kaniyang habag at awa, ipinasiya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na idulot sa bawat tao ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Sa kabila ng mga kasalanang nagawa ng sangkatauhan na hindi na mabilang, ang biyayang ito ay ipinasiya pa rin Niyang ipagkaloob sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay.
Ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay mga salita ng mga tunay na umaasa sa Panginoong Diyos. Matapos tanggapin ang biyayang ito mula sa Diyos, ang biyayang ito na ipinagkaloob sa kanila ay buong galak nilang ibinabahagi sa tanan. Sa halip na sarilinin ang biyayang ito, ipinapalaganap nila ito. Itinuturo nila kung saan nagmumula ang kanilang galak at pag-asa - ang Panginoon.
Puspos ng tunay na galak at tunay na pag-asa ang puso at loobin ng lahat ng mga sumasaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno nang buong katapatan. Isa lamang ang dahilan kung bakit. Ang nagkaloob ng galak at pag-asa sa kanila ay ang bukal ng tunay na galak at tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno na Muling Nabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento