15 Hunyo 2025
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (K)
Kawikaan 8, 22-31/Salmo 8/Roma 5, 1-5/Juan 16, 12-15
Larawan: Hendrick van Balen the Elder (1573–1632), Holy Trinity (c. 1620s). St. James' Church in Antwerp. Web Gallery of Art. Public Domain.
"Maningning ang Iyong Ngalan, Poon, sa sangkalupaan" (Salmo 8, 2a). Ang pagiging isa ng Diyos ay isinalungguhit ng mga salitang ito na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Isa lamang ang Diyos. Walang ibang bathala maliban sa Kaniya. Tanging Siya lamang ang maluwalhati sa lahat. Subalit, ang nag-iisang Diyos na tunay ngang maluwalhati sa lahat ay binubuo ng Tatlong Persona - Ama, Anak, at Espiritu Santo. Lagi nating itong ipinapahayag bilang mga bumubuo sa Simbahan sa tuwing nagsisimula tayong manalangin sa pamamagitan ng Tanda ng Krus.
Ang maringal na pagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito ay nakatuon sa tunay na pagkakilanlan ng Diyos. Ipinapaalala sa atin kung sino ang Diyos. Bagamat ang tunay na Diyos ay isa lamang, hindi Siya nag-iisa. May Tatlong Persona sa isang Diyos. Isa itong napakahalagang katotohanan ng ating pananampalataya bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang tatag mismo ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno. Sa tunay na Diyos na isa lamang, mayroong Tatlong Persona - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Sa Banal na Santatlo rin mismo nagmula ang ating pag-asa. Katunayan, ang bukal ng tunay na pag-asa ay ang Banal na Santatlo. Patunay lamang ito ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Banal na Santatlo. Bukal sa puso at kalooban ang pasiyang ito ng Banal na Santatlo na ipagkaloob sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asa. Ibang-iba ito sa pag-asang mula sa daigdig na ito. Ang pag-asang dulot ng Banal na Santatlo ay walang hanggan.
Buong linaw na inihayag sa Unang Pagbasa na bago pa man nagsimula ang panahon ay naroon na ang Diyos. Ang unang nilikha ng Diyos ay ang Karunungan. Nagpatotoo tungkol sa presensya ng Diyos sa simula pa lamang ang Karunungan. Sa Ikalawang Pagbasa, nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Banal na Santatlo na nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo ay nakasentro sa kaloob ng Banal na Santatlo.
Hindi matatagpuan sa mundo ang tunay na pag-asa. Bagkus, matatagpuan lamang natin ito sa Banal na Santatlo, ang bukal ng tunay na pag-asa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento