Biyernes, Mayo 2, 2025

HANGAD NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

4 Mayo 2025 
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Mga Gawa 5, 27b-32. 40b-41/Salmo 29/Pahayag 5, 11-14/Juan 21, 1-19 (o kaya: 21, 1-14) 


"Iniibig Mo ba ako nang higit kaysa mga ito?" (Juan 21, 15). Tatlong ulit na binigyan ng pagkakataon ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang unang Santo Papa ng Simbahang Kaniyang itinatag na si Apostol San Pedro na ipahayag nang buong linaw ang kaniyang pag-ibig, pananalig, at katapatan sa Kaniya sa pamamagitan ng tatlong ulit na paglahad ng tanong na ito sa kaniya, gaya ng itinampok sa mahabang bersyon ng salaysay sa Ebanghelyo. Kahit na tatlong ulit Siyang ipinagkaila ng apostol na ito, hindi Niya ipinagkait ang biyaya ng tunay na pag-asang bunga ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila. 

Hindi lamang para sa unang Santo Papa ng Santa Iglesia na si Apostol San Pedro ang tanong ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa mahabang bersyon ng salaysay na itinampok sa Ebanghelyo. Bagkus, ang tanong na ito ay para rin sa ating lahat. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig, lagi tayong binibigyan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ng pagkakataong hindi mahiya sa pagpapahayag ng ating taos-pusong pagsamba, pagmamahal, pananalig, at pag-asa sa Kaniya. Ninanais ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno na ipagmalaki natin na pinananaligan, sinasamba, iniibig, at inaaasahan natin Siya. 

Buong kagitingang inihayag ni Apostol San Pedro na nananalig at umaasa siya nang lubusan sa kaniyang iniibig at sinasamba nang lubos na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Taglay ang mga biyayang bigay ng Espiritu Santo sa kaniya at sa mga kapwa niyang apostol noong araw ng Pentekostes, sumaksi siya tungkol sa biyaya ng pagligtas ng Diyos sa tanan sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, idinulot ng Diyos sa sangkatauhan ang tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya. Hindi na siya katulad ng dati. Dati, naduwag siyang makilala bilang kasamahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nang matanggap na niya ang mga biyaya ng Espiritu Santo, hindi na puspos ng takot at sindak si Apostol San Pedro. Bagkus, buong lakas at giting niyang ipinagmalaki sa lahat na nananalig at umaaasa siya sa Poong Jesus Nazareno. 

Ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay sumasalamin sa kaniyang taos-pusong pananalig, pagsamba, pag-ibig, at pag-asa sa Diyos. Walang ibang pinananaligan, sinasamba, minamahal, at inaaasahan nang lubos ang nasabing mang-aawit kundi ang Panginoon. Hindi niya ikinahiyang nananalig at umaaasa siya sa Panginoong Diyos. Bagkus, buong puso niyang ipinagmalaki ito. Ito rin ang dapat gawin ng bawat isa sa atin bilang mga bumubuo sa Simbahang itinatag ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Dapat nating tuparin ang ating misyon at tungkulin bilang mga tapat at magigiting na saksi ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng ating tapat at magiting na pagsaksi sa Kaniya sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa, ipinapalaganap natin ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Juan ang kaniyang mga nakita sa isang pangitain habang nakatapon sa Isla ng Patmos. Nakita ni Apostol San Juan sa nasabing pangitain ang paghahandog ng mga anghel ng walang hanggang papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Kordero ng Diyos na pinaslang na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa. Dahil sa kaniyang mga nakita sa nasabing pangitain, lalong napuspos ng kagitingan ang puso at loobin ni Apostol San Juan, kahit na nakatapon siya sa Patmos sa mga sandaling yaon. Hindi nahiya si Apostol San Juan na ipagmalaking nananalig at umaaasa siya sa bukal ng tunay na pag-asa - ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. 

Nais ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, na ipagmalaki natin Siya nang buong kagitingan at katapatan bilang ating Hari, Panginoon, at Manunubos. Sa pamamagitan nito, ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahang Kaniyang itinatag ay sumasaksi sa Kaniya nang buong kagitingan. Ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya ay ating ibinabahagi at ipinapalaganap sa pamamagitan ng tapat at magiting na pagsaksi sa Kaniya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento