11 Mayo 2025
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Linggo ng Mabuting Pastol
Mga Gawa 13, 14. 43-52/Salmo 99/Pahayag 7, 9. 14b-17/Juan 10, 27-30
Larawan: Lucas Cranach the Younger (1515–1586), Christ as the good shepherd (c. 1540). Angermuseum. Public Domain.
Tuwing sasapit ang Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa titulo ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno bilang Mabuting Pastol. Bilang Mabuting Pastol, hindi iniiwan, tinatalikdan, o pinababayaan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kawan kailanman. Lagi Niya silang inaaruga, kinakalinga, iniibig, sinasamahan, ginagabayan, inaakay, at kinahahabagan. Mapag-aruga, mapagmahal, maawain, at mahabagin ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno bilang Mabuting Pastol.
Ang mga salita ng Mabuting Pastol na si Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay bahagi ng Kaniyang pangaral tungkol sa Mabuting Pastol. Katunayan, sa pangaral na ito, buong linaw na ipinakilala ni Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili bilang Mabuting Pastol. Sa pamamagitan ng pagpapakilala ng Kaniyang sarili bilang Mabuting Pastol, inilarawan ni Jesus Nazareno ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Walang ibang hangad si Jesus Nazareno kundi ang ikabubuti ng Kaniyang kawan. Lagi Siyang handang gawin ang lahat para sa Kaniyang mga tupa. Hindi Niya sila pababayaang mapahamak kailanman.
Inihayag nang buong linaw ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan: "Lahat tayo'y Kaniyang bayan, kabilang sa Kaniyang kawan" (Salmo 99, 3k). Bilang Kaniyang kawan, dapat lagi tayong makinig sa tinig ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Mabuting Pastol. Sa pamamagitan ng palagiang pakikinig sa Kaniya, buong linaw nating ipinapahayag na lubos na nananalig at umaaasa tayo sa Kaniya. Hindi tayo katulad ng mga Hudyong binanggit nina Apostol San Pablo at San Bernabe sa Unang Pagbasa na nagtakwil sa Kaniya. Bagkus, dapat manalig at umasa tayo sa Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Mabuting Pastol na Siya ring pinagmulan at bukal ng tunay na pag-asa.
Kapag buong katapatan tayong nakinig at sumunod sa tinig ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, ang Mabuting Pastol na bukal ng tunay na pag-asa, na tanda na lubos tayong nananalig at umaaasa sa Kaniya, mapapabilang tayong lahat sa korong nakita ni Apostol San Juan sa isang pangitaing kaniyang inilarawan habang nakatapon sa isla ng Patmos na inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Ang mga papuring inaawit nila nang buong lakas at nang walang humpay ay pagpapahayag ng buong pusong pananalig at pagsamba sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, ang Mabuting Pastol.
Huwag nating patigasin ang ating mga puso at loobin sa Mabuting Pastol na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa. Bagkus, dapat lagi tayong makinig at sumunod sa Kaniya. Ito mismo ang magpapatunay na nananalig at umaasa tayo sa Kaniya nang lubos. Sa Kaniya tayo dapat manalig at umasa sa bawat sandali ng ating buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento