Huwebes, Mayo 15, 2025

KAILANGANG ISABUHAY ANG PASIYANG UMASA SA DIYOS

23 Mayo 2025 
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay 
Mga Gawa 15, 22-31/Salmo 56/Juan 15, 12-17 


Nakasentro sa pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa paniningin ng Diyos ang mga Pagbasa. Ito ay ang pinakamahalagang bagay na dapat nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang tatag mismo ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ating isinasabuhay ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, nagpadala ng isang sulat sa mga Kristiyano sa Antioquia ang mga apostol at ang iba pang mga pinuno ng Simbahan. Buong linaw na inihayag ng mga pinuno ng Simbahan sa mga Kristiyano sa Antioquia sa nasabing liham na kailangan lamang nilang ibuhos ang kanilang buong puso at isipan sa pinakamahalagang bagay na walang iba kundi ang pagiging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. Walang gawang hihigit pa sa halaga ng pagsisikap na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Poong Diyos. Ang pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon ay ang pangunahing katangiang dapat isabuhay ng mga nananalig at sumusunod sa Kaniya. Ito ang katangiang magpapatunay na taos-puso nga silang nananalig at umaaasa nga sila sa Diyos. 

Ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay laging isinasabuhay ng lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa, ang Diyos ay kanilang ipinagmamalaki at binibigyan ng higit na kaluwalhatian. Patunay lamang ito na tunay ngang taos-puso ang kanilang pasiyang manalig at umasa sa Diyos. 

Ibinigay ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang mga alagad ang pinakamahalagang utos sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ang nasabing utos ay walang iba kundi ang mag-ibigan katulad Niya na nagpasiyang tubusin ang lahat ng tao sa pamamagitan ng Kabanal-Banalan Niyang Krus at Muling Pagkabuhay dahil sa Kaniyang pag-ibig na dakila para sa kanila. Sa pamamagitan nito, ang ating pasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso ay mapapatunayan. 

Hindi lamang ipinapahayag sa pamamagitan ng ating mga salita ang ating pasiyang manalig at umasa sa Diyos. Ang pasiyang ito ay dapat nating isabuhay.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento