13 Hunyo 2025
Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan
2 Corinto 4, 7-15/Salmo 115/Mateo 5, 27-32
Larawan: Saint Anthony with the Infant Jesus, surrounded by Cherubs (c. 18th century). Public Domain.
"Maghahandog ako sa D'yos ng pagpupuring malugod" (Salmo 115, 17a). Nakasentro sa mga katagang ito na binigkas ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Buong linaw na ipinahayag ng nasabing mang-aawit ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Hindi lamang niya gagamitin ang kaniyang salita. Pati na rin ang kaniyang mga gawa ay magpapatunay na taos-puso ang kaniyang pasiya. Isasabuhay ng mang-aawit na ito ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos.
Ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay nakasentro sa pakikiapid at pakikipag-isang-dibdib. Sa nasabing pangaral, inihayag ng Poong Jesus Nazareno na napakahalaga sa paningin ng Diyos ang ugnayan ng mga magkabiyak ng puso. Dahil dito, ang Diyos ay lubos na nasusuklam sa diborsyo, pakikiapid, at kahalayan. Labag sa puso at loobin ng Panginoong Diyos ang pagbabalewala ng tao sa kahalagahan at kasagraduhan ng pakikipag-isang-dibdib. Noon pa man, niloob at hinangad Niyang mamulat ang tao sa kasagraduhan ng pakikipag-isang-dibdib. Sagrado ito para sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos.
Inihayag sa Unang Pagbasa ang dahilan kung bakit nating dapat sundin ang lahat ng mga utos at loobin ng Diyos. Matatamasa ng lahat ng mga tapat na susunod sa mga utos at loobin ng Diyos ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. Sa pamamagitan ng kanilang taos-pusong pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos, ang kanilang pasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso ay ipinapahayag nila. Dahil ang Diyos ay ipinagmalaki nila sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa, magiging maluwalhati katulad ng Katawan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang kanilang mga katawan at kaluluwa sa Kaniyang piling sa langit.
Kung tunay ngang taos-puso ang ating pasiyang manalig at umasa sa Diyos, dapat nating sundin ang Kaniyang mga utos at loobin. Ito ang handog na nararapat na ialay sa Kaniya. Lubos Niya itong kalulugdan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento