Sabado, Mayo 3, 2025

DAHILAN KUNG BAKIT SIYA NAGDUDULOT NG PAG-ASA

9 Mayo 2025 
Biyernes sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay 
Mga Gawa 9, 1-20/Salmo 116/Juan 6, 52-59 


Tampok sa Ebanghelyo ang paliwanag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno tungkol sa nagaganap sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Ipinapaliwanag Niya sa mga tao kung bakit ang pinakamahalagang Sakramento ng Simbahang Kaniyang itinatag ay walang iba kundi ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Sa tuwing idinadaos ang pagdiriwang ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya, dumarating sa piling ng tao ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa anyo ng tinapay at alak upang kusang-loob na ibigay ang Kaniyang sarili bilang espirituwal na pagkain at inumin para sa lahat. Hindi sinasagisag ng Katawan at Dugo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tinapay at alak sa Eukaristiya. Bagkus, Siya mismo iyon. 

Isa lamang ang dahilan kung bakit kusang-loob itong ginagawa ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Kung paanong ang sangkatauhan ay Kaniyang binigyan ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng pagligtas sa kanila na Kaniyang isinagawa sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay, gayon din naman, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumarating sa ating piling sa tuwing idinadaos ang pagdiriwang ng Banal na Misa upang idulot sa atin ang dakilang biyayang ito sa pamamagitan ng pagbigay ng Kaniyang Katawan at Dugo bilang espirituwal na pagkain at inumin.

Sa salaysay na itinampok sa Unang Pagbasa, nagpakita kay Saulo na kilala natin sa kasalukuyan bilang si Apostol San Pablo ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa daan patungong Damasco. Dahil sa nasabing tagpo na naganap sa daan patungong Damasco, nagbago ang buhay ni Saulo na kilala ng lahat sa kasalukuyan bilang si Apostol San Pablo. Mula sa pagiging isang masugid at masigasig na taga-usig ng mga sinaunang Kristiyano, si Saulo na kilala ng marami sa Simbahan bilang si Apostol San Pablo ay naging isang masugid, masigasig, at magiting na tagasunod, misyonero, apostol, at saksi ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Hindi nahiya o natakot si Apostol San Pablo na sumaksi sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno, kahit na sariling buhay ang naging kapalit nito. Ipinaliwanag ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno kung bakit Niya ito niloob noong magpakita Siya sa Kaniyang lingkod na si Ananias sa ikalawang bahagi ng salaysay sa Unang Pagbasa. Nais ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno na lalo pang lumaganap sa bawat panig, sulok, at bahagi ng daigdig na ito ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ni Apostol San Pablo. 

Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay hango mula sa wakas ng Ebanghelyo ni San Marcos kung saan isinugo ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang mga apostol sa bawat panig at sulok ng daigdig na ito. Ipinagpapatuloy ng Inang Simbahan ang misyong ito na sinimulan ng mga apostol. Hindi titigil at hihinto sa pagpapalaganap ng biyaya ng tunay na pag-asang sa Panginoong Jesus Nazareno lamang nagmumula ang Simbahan. Laging ipapalaganap ng Simbahan ang dakilang biyayang ito sa pamamagitan ng magiting na pagsaksi kay Jesus Nazareno. 

Walang ibang nais at hangad ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kundi ang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso ang tanan. Kaya naman, hindi Siya titigil sa pagdudulot ng dakilang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa tuwing idinadaos ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento