25 Mayo 2025
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Mga Gawa 15, 1-2. 22-29/Salmo 66/Pahayag 21, 10-14. 22-23/Juan 14, 23-29
"Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng mga tao" (Salmo 66, 4). Sa mga salitang ito na binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan nakatuon ang pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Hindi ekslusibo sa isang pangkat o grupo ng mga tao ang pananalig sa Diyos. Ang lahat ng tao ay inaaanyayahang manalig at umasa sa Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa. Lagi tayong inaanyayahan ng Panginoong Diyos na manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso, anuman ang ating lahi. Hindi para sa isang lipi o lahi lamang ang paanyaya ng Panginoong Diyos na manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso.
Isinalungguhit ng mga taludtod ng awit ng papuring tampok sa Salmong Tugunan na ang lahat ay inaaanyayahang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Ang lahat ng mga gawa ng Diyos na tunay ngang dakila at kahanga-hanga ay hindi Niya ginawa para sa isang lipi, pangkat, grupo, lahi, o bansa lamang. Bagkus, ipinasiya ng Diyos na gawin ang mga kahanga-hangang bagay na ito para sa buong sangkatauhan. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ang mga bagay na iyon ay kusang-loob Niyang ginawa. Sa lahat ng mga kahanga-hangang gawang ito, ang pinakadakila sa lahat ay walang iba kundi ang pagligtas sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Sa Unang Pagbasa, ang mga apostol at ang iba pang mga pinuno ng Simbahan noong panahong yaon ay nagpadala ng isang liham sa mga Kristiyano sa Antioquia. Hindi na kailangang magpatuli ayon sa Kautusan ni Moises ang mga Kristiyano sa Antioquia, gaya ng nakasaad sa nasabing liham. Bagkus, ang kailangan lamang nilang gawin ay magsumikap maging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Iyan lamang ang dapat nilang pagbuhusan ng atensyon at lakas. Ang lahi, kultura, pangkat, grupo, at bansang kinabibilangan ay hindi hadlang. Para sa lahat ng tao ang paanyaya ng Diyos na manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso.
Inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo kung paano nating maipapahayag at mapapatunayan ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya. Ang lahat ng mga atas, tuntunin, aral, at utos ng Poong Jesus Nazareno ay dapat nating sundin. Huwag nating sayangin ang mga pagkakataong kaloob Niya sa ating lahat na makinig at sumunod sa Kaniya. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag nating sa Kaniya tayo nananalig at umaaasa nang lubusan. Kapag ito ang ating ginawa, matatamasa natin ang dakilang biyayang inilarawan ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Sa Banal na Lungsod na nakita ni Apostol San Juan sa pangitain sa Ikalawang Pagbasa, walang sandaling ang Diyos ay hindi natin makakapiling. Lagi natin Siya makakapiling roon. Kay sarap makapiling magpakailanman ang bukal ng tunay na pag-asa.
Tayong lahat ay laging inaaanyayahan ng Diyos na manalig at umasa sa Kaniya. Ang lahi, pangkat, grupo, lipi, at bansang kinabibilangan ay hindi hadlang. Kung ang ating pasiyang manalig at umasa sa Kaniya ay bukal sa ating mga puso at kalooban, ito ay Kaniyang tatanggapin nang buong tuwa at galak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento