Linggo, Mayo 25, 2025

INIBIG NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

8 Hunyo 2025 
Linggo ng Pentekostes (K) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Roma 8, 8-17)/Juan 20, 19-23 (o kaya: 14, 15-16. 23b-26) 


Ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga apostol noong araw ng Pentekostes dahil niloob ng Diyos na mangyari. Kung paanong inibig at niloob ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao sa daigdig sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, gayon din naman, inibig at niloob rin Niyang pumanaog sa mga apostol noong Pentekostes, isang araw na tunay na napakahalaga at dakila para sa lahat ng mga Hudyo gaya nila, sa pamamagitan ng Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Espiritu Santo. Niloob ng Diyos na maging kaarawan ng tunay na Simbahang tatag mismo ng Poong Jesus Nazareno ang Pentekostes. Ito ang dahilan kung bakit buong galak nating ipinagdiriwang bilang Simbahan ang Pentekostes. Para sa ating lahat na bumubuo sa Simbahan, ang Pentekostes ay isang napakahalagang araw. 

Itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa ang salaysay ng kaganapang ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong galak sa Linggong ito. Ang Espiritu Santo ay pumanaog sa mga apostol. Nang pumanaog ang Espiritu Santo sa mga apostol, ipinagkaloob Niya sa kanila ang Kaniyang mga biyaya na nagdulot sa kanila ng lakas ng puso at loobin upang ang misyong ibinigay sa kanila ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno bago Siya umakyat sa langit na taglay ang buo Niyang kaluwalhatian bilang tunay na Diyos ay kanilang magampanan. Dahil dito, nagbago ang mga apostol. Buong giting at sigla nilang ipinalaganap ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos sa pamamagitan ng pagsaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na kusang-loob na naghatid ng kapayapaan sa kanila sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. 

Gaya nga ng sabi sa panalangin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Espiritu Mo'y suguin, Poon, tana'y 'Yong baguhin" (Salmo 103, 30). Ito nga ang naranasan ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, gaya ng buong linaw na inilarawan sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Ang lahat ng mga biyayang tinanggap nila mula sa Espiritu Santo ay sari-sari, gaya ng buong linaw na inilarawan ng dakilang apostol at misyonerong si Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. 

Sa alternatibong Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na dapat maging bukas tayo sa pamamatnubay at paggabay ng Espiritu Santo. Ito ang magpapatunay na tunay nga tayong nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Espiritu Santo bilang Patnubay na kaloob Niya at ng Amang nasa langit. Darating Siya upang maging Patnubay ng tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.  

Ninanais ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos na ipalaganap natin ang biyayang ito sa lahat. Tanggapin natin nang taos-puso ang mga biyayang Kaniyang kaloob upang matupad Niya sa pamamagitan natin ang Kaniyang hangarin at naisin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento