1 Hunyo 2025
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (K)
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23 (o kaya: Hebreo 9, 24-28; 10, 19-23)/Lucas 24, 46-53
Larawan: Artus Wolffort (1581–1641), Ascension of Jesus Christ (c. 1617). St. Paul's Church in Antwerp, Belgium. Belgian Art Links and Tools. Public Domain.
Tampok sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang salaysay ng maluwalhating Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa salaysay ng kaganapang ito sa buhay ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno na inilahad sa Unang Pagbasa, inihayag na naganap ito 40 araw makalipas ang Kaniyang Muling Pagkabuhay. Sa salaysay ng kaganapang ito na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, buong linaw na inihayag na binasbasan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang Kaniyang mga apostoles habang umaakyat sa langit taglay ang buo Niyang kadakilaan.
Inilarawan sa Salmong Tugunan ang galak at tuwa ng lahat ng mga anghel sa langit habang ang Panginoong Diyos ay umaakyat sa Kaniyang tronong maringal sa langit. Ang pag-akyat ng Diyos sa Kaniyang maringal na trono sa langit ay ikinagagalak nang lubos ng mga anghel. Kinikilala, pinararangalan, at sinasamba ng lahat ng mga anghel sa kalangitan ang Mahal na Poon bilang tunay na walang hanggan at dakilang Hari. Walang humpay ang kanilang pagpaparangal at pagsamba sa Panginoon.
Buong linaw na isinalungguhit sa Ikalawang Pagbasa na dumating sa daigdig na ito ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno bilang pinakadakilang biyayang kaloob ng Amang nasa langit. Sa Ikalawang Pagbasa, buong linaw na inihayag na ang Panginoong Jesus Nazareno ay nakaluklok sa kanan ng Ama. Ang pagiging walang hanggan at dakilang saserdote ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ay inilarawan sa alternatibong Ikalawang Pagbasa. Nang matapos ang Kaniyang misyon sa sanlibutan bilang ipinangakong Mesiyas, bumalik Siya sa Kaniyang pinagmulan na walang iba kundi ang langit.
Mayroong nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Ang tunay na pag-asa ay isang biyayang mula sa langit. Dumating ang dakilang biyayang ito na sa langit lamang nagmula sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kahit na nakaluklok na Siya sa kanan ng Ama sa langit, patuloy pa rin Niyang ipinagkakaloob ang biyayang ito sa atin.
Hindi natin matatagpuan ang tunay na pag-asa dito sa daigdig. Bagkus, matatagpuan lamang natin ang biyayang ito sa nakaluklok sa kanan ng Ama na walang iba kundi si Jesus Nazareno, ang Muling Nabuhay na Panginoong umakyat sa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento