Sabado, Mayo 24, 2025

IPALAGANAP ANG BIYAYA NG TUNAY NA PAG-ASA

7 Hunyo 2025 
Linggo ng Pentekostes 
[Pagmimisa sa Sabado ng Hapon] 
Genesis 11, 1-9 (o kaya: Exodo 19, 3-8a. 16-20b; o kaya: Ezekiel 37, 1-14; o kaya: Joel 3, 1-5)/Salmo 103/Roma 8, 22-27/Juan 7, 37-39 

Larawan: Grão Vasco (1475–1542), Pentecost (c. 1534). Monastery of Santa Cruz. Public Domain

Inilaan ng Simbahan ang Bisperas ng Pentekostes para sa mabusising pagtalakay at taimtim na pagninilay sa natatanging dahilan kung bakit dumating at pumanaog sa mga apostol noong dakilang araw ng Pentekostes ang Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Espiritu Santo. Dahil sa pasiya ng Espiritu Santo na kusang-loob na pumanaog sa mga apostol sa silid na kanilang pinagtitipunan noong araw ng Pentekostes, sinimulan ng mga apostol ang pagtupad sa misyong ibinigay ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa kanila bago Siya umakyat sa langit. 

Buong linaw na inihayag sa wakas ng Ebanghelyo na ipagkakaloob sa lahat ng mga taos-pusong nananalig sa Panginoong Jesus Nazareno ang Espiritu Santo matapos ang Kaniyang Misteryo Paskwal o ang Kaniyang pagpapakasakit, pagkamatay, at ang maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay. Ang lahat ng mga nananalig sa Panginoong Jesus Nazareno nang taos-puso ay taos-puso ring umaaasa sa Kaniya. Ipinapahayag nila ito sa pamamagitan ng kanilang taos-pusong pagsunod sa Kaniya. Kaya naman, hinirang, inatasan, at itinalaga sila ng mismong bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno upang ipalaganap sa lahat ng tao sa bawat sulok ng sansinukob ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang ipinagkaloob Niya sa kanila nang kusang-loob. Kung paano nilang tinanggap mula sa Kaniya ang nasabing pagpapala, kailangan rin nila itong ipalaganap. 

Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maipalaganap sa lahat ng tao sa mundo ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Kaya naman, ang Espiritu Santo ay dumating sa piling ng mga apostol noong araw ng Pentekostes.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento