Biyernes, Mayo 23, 2025

PAG-ASANG KALOOB NG MULING NABUHAY NA PANGINOON

6 Hunyo 2025 
Biyernes sa Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay 
Mga Gawa 25, 13b-21/Salmo 102/Juan 21, 15-19 


Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno lamang ang nagdudulot ng tunay na pag-asa. Ito ang aral na pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Laging puspos ng galak ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahang Kaniyang tatag dahil lagi Niya tayong dinudulutan ng tunay na pag-asa. 

Sa Unang Pagbasa, si Festo ay nagsalita kay Haring Agripa tungkol kay Apostol San Pablo na nakabilanggo sa mga sandaling yaon. Inilarawan ni Festo kay Haring Agripa kung paanong si Apostol San Pablo ay puspos ng galak. Bagamat nagbabata siya ng mga matitinding pag-uusig dahil sa kaniyang masigasig at magiting na pagsaksi sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, ang kaniyang puso ay puspos pa rin ng tunay na galak. Ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno mismo ay ang dahilan kung bakit puspos pa rin ng galak si Apostol San Pablo sa gitna ng mga pag-uusig na kaniyang binabata.

Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng tatlong ulit na pagpapahayag ng pag-ibig at katapatan ni Apostol San Pedro sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na pagkalooban ang apostol na Kaniyang hinirang at itinalaga bilang unang Santo Papa ng tunay at nag-iisang Simbahang tanging Siya mismo ang nagtatag na si Apostol San Pedro ng pagkakataong ipahayag nang buong puso ang kaniyang pag-ibig at katapatan upang magkaroon siya ng lakas ng loob na gampanan ang pananagutang inatasan sa kaniya. Ito ang nagagawa ng dakilang biyaya ng tunay na pag-asang kaloob lamang ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Nagdudulot ito ng galak at katatagan sa lahat. 

Buong linaw na ipinakilala ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan kung sino ang nagbibigay ng galak at katatagan sa kaniya. Ang dahilan kung bakit palagi siyang puspos ng galak at katatagan ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Lagi siyang dinudulutan ng Panginoong Diyos ng tunay na pag-asa. Sa pamamagitan ng pagdulot ng tunay na pag-asa sa mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan, nagdudulot ng tunay na galak at lakas ng loob ang Panginoong Diyos. 

Dahil sa Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang Siya mismo ang nagtatag ay puspos ng tunay na galak at katatagan ng loob. Ito ay bunga ng dakilang biyayang kaloob Niya sa atin na walang iba kundi ang tunay na pag-asa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento