Linggo, Mayo 11, 2025

HINDI MAGPAPATINAG ANG MGA TUNAY NA UMAAASA SA DIYOS

18 Mayo 2025 
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Mga Gawa 14, 21b-27/Salmo 144/Pahayag 21, 1-5a/Juan 13, 31-33a. 34-35 


"Kung paanong iniibig Ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo'y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad Ko" (Juan 13, 34-35). Ang pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito ay nakasentro sa mga salitang ito ay nakatuon sa mga salitang ito na binigkas ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Kaniyang mga alagad sa wakas ng tampok na salaysay sa Mabuting Balita. Ang mga salitang ito ay bahagi ng pamamaalam ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Kaniyang mga alagad bago Niya maisakatuparan ang Kaniyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos na ipinangako - ang Kaniyang pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay na alam rin nating lahat sa tawag na Misteryo Paskwal. 

Sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno, ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos ay nahayag sa lahat ng tao. Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos, ipinasiya Niyang idulot ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa lahat ng tao sa mundo. Hindi Siya napilitang gawin ito. Kusang-loob Niya itong ginawa. 

Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan na hindi napilitang dumating sa daigdig na ito ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kusang-loob Niyang ipinasiyang dumating sa daigdig na ito upang idulot sa bawat isa sa atin ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal. Ang dahilan kung bakit Niya ginawa ito nang kusang-loob ay dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa. 

Buong linaw na inilarawan sa mga Pagbasa kung ano ang dapat gawin bilang tugon sa kusang-loob na pagpapakita ng Panginoong Diyos ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa atin sa pamamagitan ng pagdulot ng biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Sa Unang Pagbasa, inihayag nina Apostol San Pablo at San Bernabe na bahagi ng paglalakbay ng Simbahan sa daigdig na ito ang kapighatian at pag-uusig. Hindi magiging ligtas mula sa mga kapighatian, hirap, sakit, at pag-uusig ang lahat ng mga bumubuo sa Simbahang naglalakbay sa daigdig. Ngunit, hindi magtatagal ang mga ito. Pansamantala lamang ang mga pag-uusig, hirap, sakit, at kapighatian sa daigdig na ito. Matatamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoong Diyos sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit kung ipapasiya nating manalig at umasa sa Kaniya nang may taos-pusong katapatan hanggang sa huli. Ito ang katotohanang isinalungguhit nang buong linaw sa pangitain ni Apostol San Juan, ang minamahal na alagad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, habang nakatapon sa Patmos na inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Sa tulong ng pangitaing ito, lalong pang lumakas ang loobin at puso ni Apostol San Juan na panindigan ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Panginoon hanggang sa huli, sa gitna ng mga hirap, sakit, pag-uusig, at kapighatian sa daigdig. 

Gaya ng sabi ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Diyos ko at aking Hari, pupurihin Kitang lagi" (Salmo 144, 1). Inilarawan rin niya sa mga taludtod ng kaniyang awit ng papuri na itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan ang ilan sa mga dahilan kung bakit niya ito ipinasiyang gawin. Sa pamamagitan ng nasabing awit ng papuri, inihayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, kusang-loob na ipinasiya ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno na idulot sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Hindi Siya nagpatinag sa mga hirap, sakit, pag-uusig, kapighatian, at pagdurusa sa daigdig, lalung-lalo na sa mga sandali ng Kaniyang Pasyon. Kaya naman, huwag rin tayong magpatinag sa mga hirap, sakit, pag-uusig, kapighatian, at pagdurusa sa daigdig na ito. Ang lahat ng mga tunay na nananalig at umaaasa sa Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ay hinding-hindi magpapatinag at magpapansindak sa lahat ng mga hirap, sakit, pag-uusig, kapighatian, at pagdurusa sa daigdig na ito kailanman. Bagkus, mananatili pa rin silang matapat hanggang sa huli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento