Sabado, Mayo 17, 2025

NANANALIG AT UMAAASA NANG BUONG GALAK SA GITNA NG KALUPITAN NG BUHAY

30 Mayo 2025 
Biyernes sa Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay 
Mga Gawa 18, 9-18/Salmo 46/Juan 16, 20-23a 


Hindi laging puno ng tuwa, kulay, sarap, at ginhawa ang buhay sa mundong ito. Ang buhay sa mundong ito ay napakalupit. Mayroong mga pagkakataon sa buhay dito sa mundong ito kung kailan dadanas tayo ng kagipitan, kalupitan, at kalungkutan. Iyan ang katotohanan tungkol sa buhay sa mundong ito. Tiyak na alam natin ito dahil ilang ulit na nating narinig ang aral na ito tungkol sa katotohanan ng buhay sa lupa. 

Mayroong mahalagang aral para sa atin ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Oo, hindi na natin maitatanggi ang katotohanan tungkol sa kalupitan ng buhay sa mundo. Subalit, kung taos-puso tayong nananalig at umaaasa sa Diyos, ang ating mga puso at loobin ay mapupuspos ng tunay na galak. Ang galak ng lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ay walang iba kundi tanging Siya mismo. Gaya nga ng buong linaw na sambit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Hari ng sangkalupaan, D'yos na Makapangyarihan" (Salmo 46, 8a). 

Sa Unang Pagbasa, pinalakas ng Panginoon ang puso at loobin ng dakilang apostol at misyonero sa mga Hentil na si Apostol San Pablo. Dahil dito, buong galak at siglang ipinagpatuloy ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangangaral tungkol sa pagtubos ng Diyos sa lahat ng mga tao sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang tunay na galak at pag-asang kaloob ng Diyos sa lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya ay inilarawan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Kahit nararanasan nila ang kalupitan ng buhay dito sa mundong ito, puspos pa rin sila ng galak dahil taos-puso silang nananalig at umaaasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. 

Kung pipiliin nating manalig at umasa sa Diyos sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa, mapupuspos ng tunay na galak at pag-asa ang ating mga puso at loobin, kahit sa mga sandali ng kalupitan. Ang pasiyang ito ay dapat nating isabuhay araw-araw. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento