Biyernes, Mayo 9, 2025

TUNAY NA PAG-ASA MULA SA TUNAY NA DIYOS NA NAGING TUNAY NA TAO

13 Mayo 2025 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima 
Martes sa Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay 
Mga Gawa 11, 19-26/Salmo 86/Juan 10, 22-30 



"Ako at ang Ama ay iisa" (Juan 10, 30). Sa mga salitang ito na buong linaw na binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga tao sa wakas ng salaysay na tampok sa Ebanghelyo nakatuon ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Nagpakilala Siya sa pamamagitan ng paglalarawan ng Kaniyang ugnayan sa Amang nasa langit. Diyos rin katulad ng Amang nasa langit at ng Espiritu Santo ang Poong Jesus Nazareno. Hindi itinanggi, inilihim, o ipinagkaila ng Panginoong Jesus Nazareno ang katotohanang ito tungkol sa sarili bilang tunay na Diyos at tunay na tao. 

Bagamat hindi kabilang sa salaysay na itinampok sa Ebanghelyo, inilarawan sa mga kasunod na talata na binalak ng mga Hudyo na batuhin si Jesus Nazareno hanggang sa Siya'y mamatay dahil sa mga salitang ito na buong linaw Niyang binigkas. Hindi nila matanggap na ang taong kanilang kilala bilang si Hesus na taga-Nazaret ay ang tunay na Diyos. Sa kanilang paningin, ang Nazarenong ito na nangangalang Hesus ay isang tao lamang. Para sa kanila, isa Siyang kapwa-Hudyo na nagmula sa Nazaret sa Galilea. Walang espesyal na bagay tungkol sa Kaniya. Dahil diyan, isang napakalaking eskandalo at kalapastanganan ang mga salitang buong linaw na binigkas ng Poong Jesus Nazareno tungkol sa Kaniyang sarili. 

Hindi matanggap ng mga Hudyo sa Ebanghelyo na si Jesus Nazareno mismo ay ang tinutukoy ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Kaya, binalak nila Siyang batuhin hanggang sa malagutan Siya ng hininga. Subalit, ang dakilang katotohanang ito tungkol sa tunay na pagkakilanlan ni Jesus Nazareno ay taos-pusong tinanggap at sinampalatayanan ng Simbahan, gaya na lamang ng inilarawan sa Unang Pagbasa. Mula noon hanggang ngayon, ang Simbahan ay sumasaksi at sumasampalataya sa pagiging tunay na Diyos at tunay na tao ni Kristo Hesus. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay tunay na Diyos at tunay na tao. 

Pinatunayan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang lahat ng Kaniyang mga sinabi tungkol sa Kaniyang sarili. Sa pamamagitan nito, ang buong sangkatauhan ay dinulutan Niya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Nagmula sa tunay na Diyos na nagpasiyang maging tunay na tao rin nang ang takdang panahon ay sumapit na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento