15 Agosto 2025
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
[Pagmimisa sa Araw ng Dakilang Kapistahan]
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56
Noong sumapit ang huling sandali ng kaniyang pansamantalang paglalakbay sa lupa, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nakatanggap ng isang bukod tanging biyaya mula sa Diyos. Iniakyat ng Diyos ang kaniyang katawan at kaluluwa sa langit. Hindi hinayaan ng Diyos na maagnas ang katawan ng babaeng kusang-loob na tumanggap sa pasiya ng Diyos na hirangin at italaga siya bilang Kaban ng Bagong Tipan. Bagkus, katulad ng Kaniyang ipinasiyang gawin bago isilang ang babaeng ito na bukod Niyang pinagpala sa lahat ng kababaihan, ipinasiya ng Diyos na iligtas ang kaniyang tapat na lingkod, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, mula sa pagkaagnas.
Inilaan ng Simbahan ang ika-15 ng Agosto para sa taunang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Ang 'di paglimot ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod ay buong linaw na isinalungguhit ng kaganapang ito sa buhay ng Mahal na Birheng Maria na pinagninilayan at ipinagdiriwang nang buong ringal at galak ng Simbahan sa Kapistahang ito. Hindi nilimot ng Diyos ang Kaniyang pasiyang iligtas ang Mahal na Birheng Maria mula sa bahid at dungis ng kasalanang mana nang ipaglihi siya sa sinapupunan ni Santa Ana na kaniyang ina. Gayon din ang taos-pusong pagtanggap at pagtalima ng Mahal na Birheng Maria sa Kaniyang plano at loobin. Naalala ng Diyos ang lahat ng ito. Kaya naman, bilang tanda ng Kaniyang hindi paglimot, iniakyat Niya sa langit ang katawan at kaluluwa ng Kaniyang tapat na lingkod na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria.
Sa Simbahan ng Quiapo, inilaan ang Araw ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria para sa maringal na pagdiriwang ng Kapistahan ng Patrona ng nasabing Simbahan na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria sa ilalim ng kaniyang titulo bilang Nuestra Senora de la Buena Hora (Birhen ng Mabuting Oras). Ang titulong ito ng Mahal na Birheng Maria ay nakatuon sa maringal na Pag-Aakyat sa kaniya sa Langit. Iniakyat ng Diyos ang kaniyang katawan at kaluluwa nang dumating ang takdang oras o panahon - ang huling sandali ng kaniyang buhay dito sa mundo. Nang sumapit ang takdang oras o panahon, iniakyat siya ng Diyos sa langit. Wala ni isa mang bahagi ng kaniyang katawan na nakatakim ng pagkaagnas.
Buong linaw na isinalungguhit sa mga Pagbasa ang pagiging maaasahan ng Diyos sa lahat ng oras. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Apostol San Juan ang mga nakita niya sa isang pangitain tungkol sa kahanga-hangang tagumpay ng Diyos. Inihayag naman sa Salmong Tugunan ang kaningningan ng isang reyna. Ang Mahal na Birheng Maria ay ang Reyna ng tunay na Haring walang hanggan na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Nakasentro ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa sa kahanga-hangang tagumpay ng Poong Jesus Nazareno at ang biyayang dulot nito na walang iba kundi ang buhay na walang hanggan. Tampok sa Ebanghelyo ang awit ng papuri ng Mahal na Birheng Maria na kilala bilang Magnificat na kaniyang inawit nang dumating siya sa bahay ng kaniyang kamag-anak na si Santa Elisabet. Ang pagiging maaasahan ng Diyos ay buong linaw niyang pinatotohanan sa nasabing awit-papuri.
Ang takdang panahon upang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso ay walang iba kundi ang bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay dito sa lupa, dapat lagi tayong manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso.