Huwebes, Agosto 7, 2025

HINIHIRANG AT ITINATALAGA NG DIYOS ANG LAHAT NG MGA NANANALIG AT UMAAASA SA KANIYA

10 Agosto 2025 
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 18, 6-9/Salmo 32/Hebreo 11, 1-2. 8-19 "(o kaya: 11, 1-2. 8-12)/Lucas 12, 32-48 (o kaya: 12, 35-40) 


"Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D'yos" (Salmo 32, 12b). Buong linaw na inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang mga salitang ito. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan kung ano ang ginagawa ng Diyos sa lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya. Ang lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ay Kaniyang hinihirang at itinatalaga upang maging Kaniyang mga lingkod. 

Nakatuon sa paghirang at pagtalaga ng Diyos sa lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso bilang Kaniyang mga lingkod ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilarawan nang buong linaw kung paanong iniligtas ng Diyos ang Kaniyang bayan. Ang pagligtas ng Diyos sa Kaniyang bayan ay isa lamang paalala ng Kaniyang taos-pusong pasiyang hirangin at italaga sila upang maging Kaniya. Buong linaw na itinampok ang ama ng pananampalataya na walang iba kundi si Abraham sa pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Layunin ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa pamamagitan ng kaniyang pagtampok ang ama ng pananampalataya na walang iba kundi si Abraham sa kaniyang pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa ay ilarawan ang dahilan kung bakit dapat manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso ang lahat. Inilahad sa Ebanghelyo ang paalala ng Poong Jesus Nazareno para sa lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Kailangan nilang maging handa sa lahat ng oras. Ang kanilang paghahandaan ay walang iba kundi ang muling pagdating ng Poong Jesus Nazareno. 

Ang mga nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso ay Kaniyang hinihirang at itinatalaga upang maging Kaniyang mga lingkod. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga tapat na lingkod na tanging Siya mismo ang naghirang at nagtalaga, ang kadakilaan ng pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa Niyang hindi nagmamaliw ay buong linaw na nahahayag. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento