Biyernes, Agosto 8, 2025

NAKIKINIG AT SUMUSUNOD SA MGA UTOS AT LOOBIN NG DIYOS ANG MGA TAOS-PUSONG NANANALIG AT UMAAASA SA KANIYA

14 Agosto 2025 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2/Salmo 131/1 Corinto 15, 54b-57/Lucas 11, 27-28 


Ipinapaalala ng Simbahan sa atin kung ano ang dapat nating asamin tuwing sasapit ang taunang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Ang lagi nating dapat asamin bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay walang iba kundi ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. 

Sa Unang Pagbasa, isinaysay ang pagpasok ng Kabanal ng Tipan sa toldang handa ng dakilang haring si David. Sa Salmong Tugunan, isinalungguhit ang halaga ng Kaban ng Tipan. Ang Kaban ng Tipan ay hindi lamang basta isang sagisag o simbolo. Ang Kaban ng Tipan ay ang pananahanan ng Diyos. Nananahan ang Diyos sa Kaban ng Tipan. Ito ang Kaniyang ipinasiyang gawing trono sa piling ng Kaniyang bayan. Ito ang dahilan kung bakit ang Kaban ng Tipan ay pinahahalagahan ng mga Israelita nang lubos. Sa Ikalawang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa dakilang tagumpay ng Diyos laban sa kamatayan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Anak. Sa Ebanghelyo, buong linaw na inihayag ng Poong Jesus Nazareno kung paano nating matatamasa ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. Katulad ng Kaban ng Bagong Tipan na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, kailangan nating mamuhay ayon sa mga utos at loobin ng Diyos. Kailangan nating pakinggan at sundin ang mga utos at loobin ng Diyos bilang tanda ng ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya. 

Ang katawan at kaluluwa ng Kaban ng Bagong Tipan na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay iniakyat sa langit sa wakas ng kaniyang buhay sa lupa. Buong linaw na ipinapaalala sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang kahanga-hangang gawang ito na mayroon tayong pag-asang makapasok sa langit. Tandaan, sa pamamagitan ng Kabanal-Banalang Krus at Muling Pagkabuhay ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na dinala ng Kaban ng Bagong Tipan na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, tayong lahat ay nagkaroon ng pag-asang makapiling Siya sa langit. 

Kung nais nating makapiling ang Diyos sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit, dapat nating isabuhay ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya sa pamamagitan ng taos-pusong pakikinig at pagtalima sa Kaniyang kalooban. Palagi itong ginawa ng Kaban ng Bagong Tipan na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento