8 Agosto 2025
Paggunita kay Santo Domingo, pari
Deuteronomio 4, 32-40/Salmo 76/Mateo 16, 24-28
Larawan: El Greco (1541–1614), Saint Dominic in Prayer (c. Between 1600 and 1610). Private Collection via Sotheby's. Public Domain.
Muling tinatalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang halaga ng tapat at taos-pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Lagi itong ginawa ng lahat ng mga banal na tao katulad ng Santong ginugunita ng Simbahan sa araw na ito na si Santo Domingo de Guzman. Ang mga utos at loobin ng Diyos ay lagi nilang pinagsikapang isaisip at isabuhay sa bawat sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa mundo. Kaya naman, lagi silang itinatampok at pinararangalan ng Simbahan. Bilang mga bumubuo sa Simbahan, ito rin ang dapat nating gawin sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa mundo. Sa pamamagitan ng tapat at taos-pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos, ipinapahayag nating nananalig at umaaasa tayo sa Kaniya nang taos-puso. Dahil sa tapat at taos-puso nating pasiyang manalig at umasa sa Diyos, tinatahak natin ang landas ng kabanalan. Ito ang laging hinahanap ng Diyos sa ating mga puso.
Sa Unang Pagbasa, ipinaalala ni Moises ang mga Israelita na huwag limutin ang mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos para sa kanila. Hindi nila dapat limutin ang mga bagay na ito kailanman, lalung-lalo na't hinirang at itinalaga sila ng Diyos sa lahat ng mga lipi, bayan, at bansa upang maging Kaniya. Ito ang ginawa ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Lagi niyang ginugunita at pinagnilayan ang mga ginawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga upang makatulong ito sa kaniyang palagiang pagsisikap na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Buong linaw niyang inihayag sa pamamagitan nito ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos. Sa Ebanghelyo, ipinaalala ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na hindi madaling sumunod sa mga utos at loobin ng Diyos. Isa lamang ang dahilan nito - may mga sakripisyong kaakibat nito.
Nais ng Diyos na manalig at umasa tayo sa Kaniya nang taos-puso. Mananalig at aasa ba tayo sa Kaniya nang taos-puso?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento