Huwebes, Hulyo 17, 2025

DAPAT NATING PANABIKAN ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

22 Hulyo 2025 
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 52/Juan 20, 1-2. 11-18 

Larawan: Lelio Orsi (1508–1587), Noli me tangere (c. 1575). Wadsworth Atheneum Museum of Art. Public Domain.

Ipinapaalala sa ating lahat ng Simbahan sa araw na ito na inilaan para sa Kapistahan ni Santa Maria Magdalena na ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos ay dapat nating panabikan sa bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Si Santa Maria Magdalena na kinikilala ng Inang Simbahan bilang Apostol sa mga Apostol (Apostola Apostolorum) ay isang huwaran ng pananabik para sa Diyos. Ang kaniyang palagiang pasiyang panabikan ang Panginoon ay umudyok sa kaniya na laging ipahayag na tunay nga niyang iniibig, sinasamba, pinananaligan, at inaaasahan ang Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang mga salita at gawa. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan, lagi nating dapat kasabikan ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoon sa bawat yugto at sandali ng pansamantala nating paglalakbay dito sa daigdig gaya na lamang ng pinararangalan at kinikilala ng Simbahan bilang Apostol sa mga Apostol na walang iba kundi si Santa Maria Magdalena. 

Sa Ebanghelyo, umiyak si Santa Maria Magdalena dahil inakala niyang ninakaw ang bangkay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hinanap niya ang bangkay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil tunay niyang iniibig ang Panginoon. Kahit na patay ang minamahal niyang Panginoon at Guro na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, nais pa rin niyang ipahayag kung gaano niya kamahal ang Poon. Dahil dito, labis ang kaniyang pagtangis. Ang pagtangis at pagluha ni Santa Maria Magdalena ay tuluyang napawi nang magpakilala ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa huling bahagi ng salaysay na tampok sa Ebanghelyo.

Makikita nang buong linaw kay Santa Maria Magdalena sa salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ang pananabik na buong linaw na inilarawan ng mga salita sa Unang Pagbasa at Salmong Tugunan. Ang kaniyang kinasabikan nang buong puso ay walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Ito ang pumukaw sa kaniya na piliin ang kabanalan araw-araw. Sa pamamagitan nito, ipinahayag ni Santa Maria Magdalena na nananalig at umaaasa siya sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na kaniyang iniibig nang taos-puso. 

Gaya na lamang Apostol San Pablo sa alternatibong Unang Pagbasa, lubusang naakit at napukaw ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ang puso at loobin ni Santa Maria Magdalena. Dahil sa Panginoong unang nagpakita ng tapat at dalisay na pag-ibig para sa Kaniya sa pamamagitan ng kusang-loob na pagdulot ng biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula, naudyok si Santa Maria Magdalena na mamuhay nang banal sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa. 

Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos ay ang dapat nating panabikan sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa. Buong linaw nating ipinapahayag sa pamamagitan ng taos-pusong pananabik sa Diyos sa bawat yugto at sandali ng buhay natin sa lupa ang ating taos-pusong pasiyang mahalin, sambahin, manalig, at umasa sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento