Lunes, Hulyo 28, 2025

HINDI MADALING MAGING SALAMIN NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

4 Agosto 2025 
Paggunita kay San Juan Maria Vianney, pari 
Mga Bilang 11, 4b-15/Salmo 80/Mateo 14, 13-21 

Larawan: Luca Signorelli (1450–1523), Communion of the Apostles (c. 1512). Diocesan Museum in Cortona via Web Gallery of Art. Public Domain. 

Ang ikaapat na araw ng buwan ng Agosto ng bawat taon (maliban na lamang sa mga taon kung kailan tumapat sa araw ng Linggo ang nasabing petsa) ay inilaan ng Inang Simbahan upang ang pintakasi ng lahat ng mga pari, lalo na ng mga paring itinalaga bilang mga Kura-Paroko, na walang iba kundi ang Paring kilala bilang Cure d Ars (Kura ng Ars) na si San Juan Maria Vianney ay gunitain. Hindi naging madali para kay San Juan Maria Vianney na gampanan ang tungkuling ito. Subalit, sa kabila ng mga hirap, pagsubok, tukso, sakit at pagdurusang kaakibat ng tungkuling ito, ginampanan pa rin ito ni San Juan Maria Vianney nang buong katapatan hanggang sa huli. Hindi naging hadlang at sagabal ang mga hirap, pagsubok, tukso, sakit, at pagdurusa sa buhay sa lupa sa kaniyang pagtupad sa tungkuling ito para sa lalong ikadarakila ng Diyos. 

Bilang isang banal na pari, lalung-lalo na bilang butihing Kura ng sambayanan ng Ars, si San Juan Maria Vianney ay naging salamin ng pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoon. Ang Diyos ay ipinakilala ni San Juan Maria Vianney sa lahat ng mga tao, lalung-lalo na sa lahat ng mga taga-Ars, noong kapanahunang yaon ang Diyos bilang bukal ng tunay na pag-asa sa pamamagitan ng kaniyang walang sawang paglingkod bilang pari. Sa pamamagitan nito, ang Ngalan ng Panginoon ay kaniyang dinakila at niluwalhati. 

Inilarawan sa mga Pagbasa kung gaano kahirap maging salamin ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Sa Unang Pagbasa, nanalangin si Moises sa Diyos para sa mga Israelitang nagreklamo nang walang tigil tungkol sa manna. Ang manna na ipinadala ng Diyos mula sa langit araw-araw ay nakakasawa na para sa kanila. Dahil dito, si Moises ay dumalangin sa Diyos nang buong kataimtiman upang humingi ng tulong at gabay mula sa Kaniya dahil hirap na hirap na siya sa mga oras at sandaling yaon. Hindi na alam ni Moises kung ano ang kaniyang gagawin. Sa mga oras na yaon, labis-labis na ang kaniyang kalungkutan, kapaguran, at pagkabalisa. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang himala ng pagpaparami ng limang tinapay at dalawang isda. Subalit, bago ginawa ng Poong Jesus Nazareno ang himalang ito para sa mga tao, tumungo Siya sa ilang na lugar dahil binalak Niyang mapag-isa matapos Niyang mabalitaan ang pagpatay kay San Juan Bautista. Ang balak ng Panginoon ay ipagluksa si San Juan Bautista. Iyon nga lamang, sinundan Siya ng maraming tao sa lugar na Kaniyang pinuntahan. Kaya, kahit na ipagluluksa Niya si San Juan Bautista, kinailangan Niyang isantabi ang Kaniyang kalungkutan upang maglingkod sa lahat ng mga taong sumunod sa Kaniya sa ilang na lugar na yaon. 

Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na hindi madaling maging mga salamin ng bukal ng tunay na pag-asa. Araw-araw itong ginagawa ng mga pari. Kaya naman, lagi natin silang ipagdasal araw-araw. Lagi tayong manalangin para sa lahat ng mga pari upang hindi sila tumigil at magsawa sa pagiging mga tapat na salamin ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento