3 Agosto 2025
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Mangangaral 1, 2.2, 21-23/Salmo 89/Colosas 3,1-5. 9-11/Lucas 12, 13-21
Larawan: Rembrandt (1606–1669), The Parable of the Rich Fool (c. 1627). Gemäldegalerie. Public Domain.
Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ang dahilan kung bakit kailangan nating manalig at umasa sa Panginoong Diyos nang taos-puso. Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, nararapat lamang na manalig at umasa tayo sa Kaniya nang buong puso. Ito ang bukod tanging hangarin ng Panginoon - manalig at umasa tayo sa Kaniya nang taos-puso. Mayroong dahilan kung bakit.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Mangangaral nang buong linaw na walang kabuluhan ang lahat ng bagay sa daigdig. Tila nakakalito at mahirap unawain ang mga salitang buong linaw na binigkas ng Mangangaral sa Unang Pagbasa. Halos lahat na lamang ng bahagi o aspeto ng buhay ng bawat tao sa daigdig ay walang kabuluhan o saysay. Walang kabuluhan o saysay ang pinamumuhanan ng bawat tao sa lupa, ang lahat ng kanilang mga ginagawa, at pati na rin ang kanilang mga iniisip. Mas mabuti pa yatang tumunganga ang bawat tao dahil walang kabuluhan at saysay ang buhay sa mundo.
Kung wala namang kabuluhan at saysay ang buhay sa lupa, bakit ba tayo binigyan ng pahintulot ng Diyos na makapamuhay sa lupa? Bakit namang ipahihintulot ng Diyos na makapamuhay ang bawat isa sa atin sa lupa yaman din lamang na wala namang saysay at kabuluhan ang buhay sa lupa?
Buong linaw na inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa talinghagang isinaysay Niya sa Kaniyang mga tagapakinig na inilahad sa Ebanghelyo ang mga hindi nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso. Ang lahat ng mga hindi nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso ay katulad ng mayamang hangal na nagpadala sa kasakimang napakatindi sa talinghagang isinalaysay ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Sa halip na manalig at umasa sa bukal ng lahat ng mga pagpapala na walang iba kundi ang Diyos, ipinasiya nila Siyang limutin, talikuran, at itakwil. Tuluyan nilang isinara at ipininid ang pintuan ng kanilang mga puso. Wala nang puwang ang Diyos. Dahil rin sa tindi ng pagkasilaw nila sa salapi, naudyok silang maging sakim at gahaman.
Wala namang sinabi ang Poong Jesus Nazareno na masama ang maging mayaman o kaya magkaroon ng maraming pera. Binyayaan naman tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ng mga talento upang mapabuti natin ang ating buhay sa lupa. Kapag ang bawat isa sa atin ay nasilaw sa salapi, saka pa lamang magkakaproblema ang bawat isa sa atin. Iyan ay dahil ang pagkasilaw sa salapi ay ang unang hakbang patungo sa kasakiman at pagkagahaman. Habang tumatagal, lalong lalala ang pagiging sakim at gahaman. Ang mga sakim at gahaman ay nagpapaalipin sa salapi. Nasusuklam nang lubos ang Diyos sa mga sakim at gahaman.
Gaya ng isinalungguhit ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan, mayroong hangganan ang buhay sa lupa. Hindi matatagpuan ang walang hanggan na kilala rin bilang magpakailanman sa lupa. Ang bawat isa sa atin ay hindi mamumuhay sa lupa magpakailanman. Pansamantala lamang ang ating buhay dito sa lupa. Darating ang panahong kung kailan kakailanganin nating lisanin ang lupa.
Kaya naman, bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Jesus Nazareno na naglalakbay sa lupa, dapat nating asamin at paghandaan ang langit. Ang buhay na walang hanggan sa piling ni Jesus Nazareno sa Kaniyang kaharian sa langit ay dapat paghandaan. Ito ang puntong isinalungguhit ni Apostol San Pablo nang buong linaw sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Magkakaroon lamang ng kabuluhan at saysay ang ating buhay sa lupa kung ito ay gagamitin natin upang paghandaan ang buhay na walang hanggan sa langit kasama si Kristo.
Nais ba nating magkaroon ng saysay at kabuluhan ang ating buhay sa lupa? Manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Isabuhay ang pasiyang ito araw-araw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento