Martes, Hulyo 29, 2025

DAPAT NATING PAKINGGAN AT SUNDAN ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

6 Agosto 2025 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (K) 
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Lucas 9, 28b-36 

Ang Pagbabagong-Anyo ng Poong Jesus Nazareno ay isang napakahalagang sandali sa Kaniyang buhay sa lupa. Sa sandaling ito, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagpakilala sa tatlong alagad na Kaniyang isinama sa banal na bundok na walang iba kundi ang alagad na hinirang at itinalaga bilang unang Santo Papa ng tunay at nag-iisang Simbahang Kaniyang itinatag na si Apostol San Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo na sina Apostol Santo Santiago Mayor at Apostol San Juan. Ipinasilip Niya sa tatlong alagad Niyang ito sa bundok na ito ang kadakilaang Kaniyang makakamit sa pamamagitan ng Kaniyang Muling Pagkabuhay na magaganap sa ikatlong araw.

Layunin ng Panginoong Jesus Nazareno ay palakasin at ipanatag ang mga loobin ng mga alagad, lalung-lalo na ng tatlong alagad na isinama Niya sa banal na bundok na kung saan naganap ang Kaniyang Pagbabagong-Anyo. Isa lamang ang nais iparating ng Poong Jesus Nazareno sa kanila sa pamamagitan ng Kaniyang kahanga-hangang Pagbabagong-Anyo - ang lahat ay hindi magtatapos sa pagkamatay Niya sa Krus sa bundok ng Kalbaryo. Muli Siyang mabubuhay sa ikatlong araw. 

Subalit, bukod sa pagpapakilala ng sarili ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, muling nagsalita mula sa langit ang Ama upang ipakilala Siya sa mga alagad nang maganap ang Kaniyang Pagbabagong-Anyo. Una Siyang ipinakilala ng Amang mapagmahal sa langit matapos ang pagbibinyag sa Kaniya sa Ilog Jordan. Matapos binyagan sa Ilog Jordan, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ipinakilala ng Amang nasa langit nang buong linaw bilang Kaniyang Bugtong na Anak na lubos Niyang kinalulugdan. Noong magbagong-anyo ang Kaniyang Bugtong na Anak sa bundok, nagsalita muli ang Ama upang ipakilala muli ang Kaniyang Anak. 

Bukod sa muling pagpapakilala sa Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Kaniyang minamahal na Anak na Kaniyang hinirang at itinalaga bilang Mesiyas at Manunubos na ipinangako sa tatlong alagad na naroon sa bundok sa sandaling yaon, mayroong idinagdag na bilin at utos ang makapangyarihang Amang nasa langit para sa lahat ng Kaniyang mga alagad. Nasasaad sa salaysay ng napakahalagang kaganapang ito sa buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito na inilaan ng Inang Simbahan upang ang kaganapang ito ay ating ipagdiwang at pagnilayan ang bilin at utos ng Amang nasa langit. Hindi lamang para sa mga alagad ang bilin at utos na ito ng Amang nasa langit kundi para rin ito sa ating lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag ng Kaniyang Bugtong na Anak. Sabi ng Amang nasa langit: "Pakinggan ninyo Siya!" (Lucas 9, 35). 

Tampok sa Ikalawang Pagbasa ang patotoo ng isa sa tatlong alagad na nakasaksi sa kahanga-hangang Pagbabagong-Anyo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa banal na bundok na walang iba kundi ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro. Si Apostol San Pedro ay nagpatotoo tungkol sa kahanga-hangang kadakilaan at kaningningang talgay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga sandaling yaon. Katulad ni Propeta Daniel na nakakita sa isang nabubuhay magpakailanman sa isang pangitain sa Unang Pagbasa, nakita nina Apostol San Pedro, Santo Santiago, at San Juan ang kadakilaan at kaningningan ng tunay na Diyos na nahayag nang buong linaw sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na dumating nang sumapit ang takdang panahon na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Bugtong na Anak ng Diyos.

Ipinapaalala muli sa ating lahat sa araw na ito kung sino ang dapat nating pakinggan at sundin nang taos-puso - ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng taos-pusong pakikinig at pagtalima sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, ang Anak ng Diyos at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na kusang-loob na dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan nang sumapit ang takdang panahon, buong linaw nating ipinapahayag at pinatutunayang nananalig at umaaasa tayo sa Kaniya nang taos-puso. 

Gaya nga ng inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Panginoo'y maghahari, lakas N'ya'y mananatili" (Salmo 96, 1a at 9a). Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay dapat nating pakinggan at sundin nang taos-puso. Siya ang bukal ng tunay na pag-asa. Bilang patunay ng ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya na Siyang tunay na Diyos na laging nagdudulot ng tunay na pag-asa nang kusang-loob, pakinggan at sundin natin Siya nang taos-puso. 

Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dapat makinig at sumunod sa Kaniya nang taos-puso sa bawat oras at sandali ng ating buhay. Sa pamamagitan nito, napapatunayan nating nananalig at umaaasa tayo sa Kaniya nang taos-puso. Labis Siyang masisiyahan sa atin kapag ito ang ating magiging taos-pusong pasiya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento