1 Agosto 2025
Paggunita kay San Alfonso Maria ng Liguori, obispo at pantas ng Simbahan
Levitico 23, 1. 4-11. 15-16. 27. 34b-37/Salmo 81/Mateo 13, 54-58
Larawan: Giuseppe Antonio Lomuscio, S. Alfonso Maria de Liguori - "Evangelizare Pauperibus Misit Me" (1988). Creative Commons Attribution-Share Alike 4.0 International (CC BY-SA 4.0)
Inilahad sa Unang Pagbasa ang mga utos at alituntunin ibinigay ng Panginoong Diyos kay Moises na Kaniyang lingkod na hinirang tungkol sa Araw ng Pamamahinga at pati na rin sa mga mahahalagang kapistahan sa buong taon. Ang layunin ng mga utos at alituntuning ibinigay ng Diyos kay Moises tungkol sa Araw ng Pamamahinga at mga mahahalagang pista sa bawat taon ay tulungan ang mga Israelita na maghandog ng tapat at taos-pusong papuri at pagsamba sa Kaniya bilang isang sambayanang taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya. Bilang isang bayang lubusang nananalig at umaaasa sa Diyos, hinahandugan nila Siya ng mga awit ng papuri, gaya na lamang ng ginawa ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan.
Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi tinanggap ng Kaniyang mga kababayan sa Nazaret. Hindi sila makapaniwala na higit pa sa pagiging anak ng karpinterong si San Jose ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kilala lamang nila Siya bilang anak ng anluwageng si San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Dahil dito, hindi nanalig at umasa sa Kaniya ang Kaniyang mga kababayan. Bagamat nasaktan Siya sa pasiya ng Kaniyang mga kababayan sa Nazaret, walang magawa ang Mahal na Poon kundi tanggapin at igalang na lamang ang pasiya ng Kaniyang mga kababayan.
Walang ibang hinahangad ang Mahal na Poong Jesus Nazareno kundi ang manalig at umasa tayo sa Kaniya nang taos-puso bilang tanda ng ating tapat at dalisay na pag-ibig at pagsamba sa Kaniya. Hinahangad Niyang maging bukal sa ating mga puso at kalooban ang ating pasiyang manalig at umasa sa Kaniya. Ano ang ating tugon sa Kaniya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento