Linggo, Hulyo 20, 2025

PAKIKIPAG-UGNAYAN SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

27 Hulyo 2025 
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Genesis 18, 20-32/Salmo 137/Colosas 2, 12-14/Lucas 11, 1-13 


Mayroong dalawang bahagi ang Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng tampok na salaysay sa Ebanghelyo, itinuro ng Poong Jesus Nazareno ang panalanging kilala nating lahat bilang "Ama namin." Bilang tugon sa hiling ng isa sa Kaniyang mga alagad, itinuro ng Poong Jesus Nazareno ang panalanging kilala natin sa tawag na "Ama namin." Iyon nga lamang, ang bersyong matatagpuan sa Ebanghelyo ni San Lucas ay mas maiksi kung ikukumpara ito sa bersyong ating matatagpuan sa Ebanghelyo ni San Mateo. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nangaral tungkol sa taos-pusong pag-asa sa Diyos. Iyan ang diwa ng pananalangin sa Diyos araw-araw. Lagi tayong nananalangin sa Diyos dahil taos-puso tayong umaaasa sa Kaniya. Dahil dito, hindi tayo natatakot makipag-usap at makipag-ugnayan sa Kaniya nang tapat at taos-puso. Binubuksan natin sa Diyos ang ating mga puso dahil dito. 

Buong linaw na ipinahayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Noong ako ay tumawag, tugon Mo'y aking tinanggap" (Salmo 137, 3a). Ang Diyos ay laging maaasahan. Nararapat lamang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso. Ito ang puntong isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno noong itinuro Niya ang panalanging kilala sa tawag na "Ama namin" sa unang bahagi ng Ebanghelyo at noong nangaral Siya tungkol sa diwa ng panalangin sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo. 

Hindi natakot ang ama ng pananampalataya na si Abraham na manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso sa salaysay na tampok sa Unang Pagbasa. Ipinakita niya ito sa pamamagitan ng pananalangin para sa Sodoma at Gomorra, lalung-lalo na para sa kaniyang pamangkin na si Lot na nakatira roon kasama ang kaniyang pamilya. Dahil taos-puso siyang nanalig at umasa sa Diyos, hindi natakot si Abraham na dumulog sa Kaniya para sa ikaliligtas nina Lot at ng kaniyang pamilya. 

Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa kung bakit ipinagkaloob ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas. Dahil sa hangad ng Diyos na magkaroon tayo ng ugnayan sa Kaniya, ipinasiya Niyang iligtas tayo sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Ang Diyos ay ang unang naghangad na mapalapit tayo sa Kaniya. Hinangad Niyang maka-ugnay tayo. 

Nais ng Diyos na magkaroon tayo ng ugnayan sa Kaniya. Hinahanap Niya ang mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya. Ito rin nawa ang maging hangad natin bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento