31 Hulyo 2025
Paggunita kay San Ignacio de Loyola, pari
Exodo 40, 16-21. 34-38/Salmo 83/Mateo 13, 47-53
Larawan: Cornelis Schut (1597–1655), Het visioen van de heilige Ignatius van Loyola /‘Ego Vobis Romae propitius ero’. The Phoebus Foundation. Public Domain.
"Ad Maiorem Dei Gloriam" (Para sa Higit na Ikadarakila ng Diyos). Ito ang motto ng isa sa mga pinakamasikat na Orden sa Simbahan na walang iba kundi ang Kapisanan ni Hesus na kilala rin bilang mga Heswita na itinatag ng Santong kinikilala, itinatampok, pinararangalan, at ginugunita ng Inang Simbahan sa huling araw ng Hulyo na walang iba kundi si San Ignacio de Loyola. Bilang mga bumubuo sa Simbahang tatag mismo ng Nazarenong si Kristo Hesus, ang mga salitang ito ay kailangan nating isabuhay sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa.
Sa Unang Pagbasa, ipinaliwanag ang dahilan kung bakit ang tabernakulo ay lubos na pinahalagahan ng mga Israelita. Ang tabernakulo ay hindi lamang isang simbolo at lugar. Nananahan ang Diyos sa tabernakulo. Pinabanal ng presensya ng Panginoong Diyos ang tabernakulo. Kaya naman, ang tabernakulo ay lubos na pinahalagahan ng mga Israelita. Gaya ng inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Ang templo Mo'y aking mahal, D'yos na Makapangyarihan" (Salmo 83, 2). Dahil ang Diyos ay nanahan sa tabernakulo matapos itong itayo, pinahalagahan ito ng mga Israelita.
Ipinaliwanag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo kung sino ang mga tatanggapin sa kaharian ng Diyos sa langit sa wakas ng panahon. Ang lahat ng mga nagpasiyang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos lamang ay papapasukin sa langit. Ito ay dahil taos-puso silang nananalig at umasa sa Diyos. Ang kanilang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso ay inihayag nila nang buong linaw sa pamamagitan ng pamumuhay para sa higit na ikadarakila ng Diyos.
Kung tunay ngang nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso ang bawat isa sa atin, kailangan nating mamuhay para sa higit na ikaluluwalhati ng Diyos. Ang lahat ng mga salitang binibigkas natin at ang ating mga gawa ay dapat magbigay ng higit na ikaluluwalhati sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento