29 Hulyo 2025
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42)
Larawan: Claes Corneliszoon Moeyaert (circa 1592–1655), Raising of Lazarus (c. 1654). National Museum in Warsaw. Public Domain.
Ang magkapatid na taga-Betania na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ay kilala bilang mga kaibigang mahal ng Poong Jesus Nazareno. Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin ay lubos na inaanyayahang bumuo ng isang malalim na ugnayan sa Poong Jesus Nazareno. Tinuturan tayo ng magkapatid na taga-Betania na walang iba kundi sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro kung paano natin ito magagawa bilang mga Kristiyanong bahagi ng tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno.
Sa Unang Pagbasa, buong linaw na inihayag ni Apostol San Juan na ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang Diyos ay nagpakita ng pag-ibig sa lahat ng tao sa daigdig na ito sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Pag-ibig ang bukod tanging dahilan kung bakit kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na pumarito sa daigdig sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang ipinakita ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Diyos na nagkatawang-tao, kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro na kusang-loob na nagturing sa magkapatid na ito mula sa Betania bilang mga kaibigang mahal.
Bilang tugon sa pasiya ng Poong Jesus Nazareno na mahalin sila at ituring silang mga kaibigan, ang magkapatid na taga-Betania na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ay taos-pusong nanalig at umasa sa Kaniya. Sa pamamagitan ng pasiyang ito, inihayag ng banal na magkapatid na taga-Betania na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro nang buong linaw ang kanilang tapat at taos-pusong pag-ibig para sa Poong Jesus Nazareno. Isinabuhay ng magkapatid na taga-Betania ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Palagi kong pupurihin ang Dakilang Poon natin" (Salmo 33, 2a). Inihayag nina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ang kanilang tapat at taos-pusong papuri at pag-ibig para sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan nito.
Inihayag ni Santa Marta sa Poong Jesus Nazareno ang kanilang pasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang buong puso sa Ebanghelyo. Sa alternatibong Ebanghelyo, ang pasiya ni Santa Maria na makinig sa Poong Jesus Nazareno ay isang pagpapahayag ng kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Poong Jesus Nazareno. Pati rin ang kanilang kapatid na si San Lazaro ay buong linaw na nagpahayag ng kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Poong Jesus Nazareno nang nagpadala siya at ang kaniyang dalawang kapatid na babae ng isang taga-ulat sa Panginoong Jesus Nazareno upang iparating sa kanilang kaibigan ang balita tungkol sa kaniyang kalagayan (Juan 11, 3).
Nais ba nating maging mga kaibigang mahal ng Poong Jesus Nazareno? Manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso katulad ng magkapatid na taga-Betania na walang iba kundi sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro. Binuksan ng magkapatid na taga-Betania ang kanilang mga puso sa tunay na pag-ibig at pag-asang ipinagkaloob sa kanila ng Poong Jesus Nazareno. Hindi nila Siya pinagsarahan kailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento