18 Hulyo 2025
Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Exodo 11, 10-12,14/Salmo 115/Mateo 12, 1-8
Larawan: Book of Exodus Chapter 13-2 (Bible Illustrations by Sweet Media). Biblical illustrations by Jim Padgett, courtesy of Sweet Publishing, Ft. Worth, TX, and Gospel Light, Ventura, CA. Copyright 1984. Licensed under CC BY-SA 3.0 license.
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na dulutan tayo ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Lagi tayong dinudulutan ng Diyos ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa. Hindi Siya napipilitan gawin ito. Bagkus, ang Kaniyang pasiyang idulot sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya ay bukal sa Kaniyang kalooban. Isa lamang ang dahilan kung bakit lagi Niyang ginagawa ito. Tunay nga Siyang maawain at mahabagin.
Sa Unang Pagbasa, itinampok ang kasaysayan ng pagdiriwang ng Paskuwa. Dahil sa habag at awa ng Diyos, ipinasiya Niyang idulot sa bayang Israel ang biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagligtas at pagpapalaya sa kanila mula sa pagkaalipin sa ilalim ng Faraon sa bansang Ehipto. Ito ang dahilan kung bakit ang Paskuwa ay isang pagdiriwang ng pag-asa. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos ay nagpasiyang palayain ang bayang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto.
Nagpatotoo tungkol sa habag at awa ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, ang mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Sa bawat taludtod ng awit ng papuri na itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan, ipinahayag nang buong linaw ng mang-aawit na tampok na tunay ngang mahabagin at maawain ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ang tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ay nanalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Bilang tugon sa pasiya ng Diyos na ipagkaloob ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, ang mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay nagpasiyang manalig at umasa sa Diyos.
Ipinakita ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang Kaniyang habag at awa sa mga apostol. Bilang tunay na Diyos, ang mga apostol ay Kaniyang pinahintulutang mangitil ng uhay at kainin ang mga butil sa isang triguhan. Ang mga apostol ay hindi pinagkaitan ng Panginoong Jesus Nazareno ng habag at awa. Katunayan, ipinakilala nang buong linaw ng Panginoong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili bilang tunay na Diyos na mahabagin at maawain nang sabihin Niya sa mga Pariseo na nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao ang Araw ng Pamamahinga (Mateo 12, 8).
Tunay ngang mahabagin at maawain ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit lagi Niyang idinudulot sa ating lahat ang biyayang ito. Bilang tugon, manalig at umasa tayo sa Kaniya nang taos-puso. Ang pasiyang ito ay kailangan rin nating isabuhay sa bawat sandali ng ating buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento