Biyernes, Hulyo 18, 2025

UMAASA DAHIL UMIIBIG NANG TAOS-PUSO

25 Hulyo 2025 
Kapistahan ni Apostol Santiago 
2 Corinto 4, 7-15/Salmo 125/Mateo 20, 20-28 

Larawan: Carlo Maratta (1625–1713), Saint James the Greater (c. 1661). Temple Newsam House, Leeds Museums and Galleries via Art UK. Public Domain


Ang Ebanghelyo ay tungkol sa tunay na dahilan kung bakit lagi tayong dapat umasa sa Diyos bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Matapos ang Kaniyang pasiyang huwag pagbigyan ang hiling ng ina ng dalawang anak ni Zebedeo na tinawag at hinirang Niya upang maging Kaniyang mga alagad na sina Apostol Santo Santiago at Apostol San Juan, ipinaliwanag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kung bakit ang Diyos ay dapat lagi nating asahan. Hindi tayo dapat umasa sa Diyos sapagkat mayroon tayong mga hinihiling na kapalit mula sa Kaniya. Bagkus, dapat lagi tayong umasa sa Diyos dahil tunay nga natin Siyang iniibig, pinananaligan, at sinasamba nang taos-puso. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo ang kaniyang mga dinanas bilang isang apostol at misyonero ng Poong Jesus Nazareno sa mga Hentil. Ang buhay niya bilang isang apostol at misyonero ng Poong Jesus Nazareno sa mga Hentil ay hindi puspos ng rosas, kulay, at ginhawa. Bagkus, marami siyang hinarap, dinanas, at tiniis na hirap, sakit, at pag-uusig sa kamay ng mga may kapangyarihan dahil sa kaniyang tapat at taos-pusong pagsaksi sa Poong Jesus Nazareno. Sa kabila ng lahat ng mga hirap, pagdurusa, sakit, at pag-uusig, ipinasiya pa rin ni Apostol San Pablo na manalig at umasa sa Diyos. Kahit na napakahirap itong gawin, ito pa rin ang kaniyang pasiya. Bagamat hindi madaling manalig at umasa sa Diyos nang tapat at taos-puso dala ng mga hirap, pagdurusa, sakit, at pag-uusig, ginawa pa rin ito ni Apostol San Pablo. Ang lahat ng mga hirap, pagdurusa, sakit, at pag-uusig ay kaniyang tiniis alang-alang sa Diyos. Isinabuhay niya ang mga salitang inihayag sa Salmong Tugunan. 

Hindi tayo dapat manalig at umasa sa Diyos dahil mayroon tayong mga hinihiling at makukuhang kapalit mula sa Kaniya. Bagkus, dapat manalig at umasa tayo sa Diyos dahil tunay nga natin Siyang iniibig at sinasamba. Dalisay at busilak ang mga puso ng lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso dahil sa kanilang tapat at taos-pusong pag-ibig at pagsamba sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento