2 Pebrero 2025
Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32)
Sabi sa Antipona sa Prusisyon patungong Simbahan sa Kapistahang buong ringal na ipinagdiriwang ng Simbahan sa espesyal na araw na ito: "Si Hesukristo ang Ilaw na sa lahat ay tatanglaw. Nagbibigay karangalan sa unang bayang hinirang ng Poon nating Maykapal." Nakasentro sa mga salitang ito na hango mula sa Awit-Papuri ni Simeon na inilahad sa salaysay ng Pagdadala sa Sanggol na si Jesus Nazareno sa Templo sa Ebanghelyo ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Inang Simbahan sa araw na ito. Ang tunay na liwanag ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Inilaan ng Simbahan ang ikalawang araw ng Pebrero para sa taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo. Ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay dinala ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose sa Templo upang ihandog Siya sa Diyos. Bagamat si Jesus Nazareno ay tunay na Diyos, buong kababaang-loob pa rin Niyang sinunod ang kalooban ng Ama. Niloob ng Amang nasa langit na dalhin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa Templo 40 araw makalipas ang Kaniyang Pagsilang alinsunod sa Kautusan.
Ang buong salaysay ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Buong linaw na isinalungguhit sa kabuuan ng salaysay ng nasabing kaganapan na itinatampok at inilahad sa Ebanghelyo ang tunay na dahilan kung bakit Siya dumating sa mundo. Dumating Siya upang ipalaganap ang Kaniyang liwanag. Katunayan, ang Nazareno mismo ay ang tunay na ilaw. Papawiin mismo ni Jesus Nazareno ang kadilimang bunga ng mga puwersa ng kasalanan. Sa pamamagitan nito, si Jesus Nazareno ay magdudulot ng tunay na pag-asa.
Buong linaw na isinalungguhit ng mga Pagbasa para sa Kapistahang buong ringal na ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito na dumating ang tunay na liwanag na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno upang maghatid ng tunay na pag-asa sa lahat. Sa Unang Pagbasa, inilahad ang pangako ng Panginoong Diyos. Darating Siya sa itinakdang panahon alang-alang sa Kaniyang bayan. Isinalungguhit ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang katotohanang walang ibang hari kundi ang Panginoon. Nakasentro naman sa misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ang pangaral ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa para sa Kapistahang ito. Ang tunay na liwanag na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno ay dumating upang iligtas ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, naghatid Siya ng tunay na pag-asa sa lahat.
Mayroong ilaw na maaasahan. Ang maaasahang ilaw ay walang iba kundi ang tunay na liwanag na si Jesus Nazareno. Bilang tunay na liwanag, tayong lahat ay Kaniyang iniligtas. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay dinulutan Niya ng tunay na pag-asa.