7 Pebrero 2025
Biyernes ng Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Hebreo 13, 1-8/Salmo 26/Marcos 6, 14-29
Larawan: John Rogers Herbert (1810–1890), John the Baptist reproving Herod (c. 1848). National Trust for Places of Historic Interest or Natural Beauty via Art UK. Public Domain.
Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa pagpapakasakit at pagkamatay ng tagapaghanda ng daraanan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na walang iba kundi si San Juan Bautista sa kamay ni Herodes Antipas. Buong linaw na isinalungguhit ang kagitingan at katapatan ni San Juan Bautista hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay sa lupa sa kabuuan ng salaysay ng nasabing kaganapan sa Ebanghelyo. Kahit na sarili niyang buhay ang kapalit ng kaniyang taos-pusong paglilingkod sa Diyos, sa Diyos pa rin niyang ipinasiyang ialay ang kaniyang pananalig at katapatan. Ipinasiya pa rin niyang manindigan para sa Diyos nang buong kagitingan hanggang sa huli.
Maaari namang bawiin ni San Juan Bautista ang lahat ng kaniyang mga sinabi laban kina Herodes Antipas at Herodias. Alam ni San Juan Bautista na sina Herodes Antipas at Herodias ay mga makapangyarihang tao dahil sa kanilang mga posisyon. Batid rin niyang manganganib ang kaniyang buhay kapag nasaktan ang mga damdamin nina Herodes Antipas at Herodias dahil sa mga maaanghang na salitang binibigkas niya.
Sa halip na bawiin ang lahat ng mga maaanghang at masasakit na salitang kaniyang binigkas tungkol sa imoral na pagsasama nina Herodes Antipas at Herodias, ipinasiya pa rin ni San Juan Bautista na manindigan para sa katotohanan. Hindi natakot si San Juan Bautista na ialay ang kaniyang buhay para sa katotohanan. Inihayag ng pasiyang ito ni San Juan Bautista na umaaasa siya sa Diyos. Mas pinili ni San Juan Bautista na manindigan para sa katotohanan dahil ang katotohanan ay nagmumula sa Diyos na kaniyang pinananaligan at inaaasahan.
Pinaalalahanan tayo ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa na dapat tayong umasa sa Diyos. Ang pag-asa sa Diyos ay mapapatunayan natin sa pamamagitan ng mga kilos at salita. Dapat nating isabuhay ang ating pananalig at pag-asa sa Diyos. Inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan na wala siyang takot mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Diyos dahil sa Kaniya siya nananalig at umaaasa nang taos-puso.
Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan, hindi tayo dapat matakot mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Hindi dapat maging hadlang ang lahat ng mga tukso at pagsubok sa buhay sa mundong ito sa pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos ay magpapatunay na tunay nga tayong nananalig at umaaasa sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento