Sabado, Pebrero 15, 2025

KATANGIAN NG MGA TUNAY NA UMAAASA SA DIYOS

21 Pebrero 2025 
Biyernes ng Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Genesis 11, 1-9/Salmo 32/Marcos 8, 34-9, 1 


Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa pangaral ng Poong Jesus Nazareno tungkol sa pagsunod sa Kaniya. Pinaalalahanan ng Poong Jesus Nazareno ang lahat na hindi madaling maging Kaniyang mga tagasunod. Mayroong mga bagay na dapat isakripisyo ang lahat ng mga naghahangad na maging Kaniyang mga tagasunod. Sa pamamagitan ng mga sakripisyong ito, ipinapahayag ng Kaniyang mga tagasunod na lubos nga silang nananalig at umaaasa sa Kaniya bilang Panginoon. Tampok naman sa Unang Pagbasa ang salaysay ng toreng hindi kinumpleto sa lungsod ng Babel. Ang wika ng mga tao nang sa gayon ay hindi nila maisakatuparan ang kanilang balak na magtayo ng isang napakalaking tore na abot sa langit. 

Tiyak na may mga magtataka kung ano ang ugnayan ng salaysay na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa sa pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno na inilahad sa Ebanghelyo. Ano ang ugnayan ng pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno tungkol sa pagsunod sa Kaniya na inilahad sa Ebanghelyo sa salaysay ng hindi binuong tore sa lungsod ng Babel na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa? 

Isinalungguhit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral tungkol sa pagsunod sa Kaniya na inilahad sa Ebanghelyo ang halaga ng kababaang-loob bilang Kaniyang mga tagasunod. Ang kababaang-loob ay nagpapahayag ng pag-asa. Tunay ngang umaaasa sa Diyos ang mga may kababaang-loob. Dahil sa Panginoong Diyos umaaasang tunay ang mga may kababaang-loob, handa silang talikuran at iwan ang lahat ng bagay upang makasunod sa Panginoong Diyos. Ito ang katangiang hindi makikita sa mga taong nagbalak na magtayo ng isang toreng aabot hanggang langit sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan, "Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D'yos" (Salmo 32, 12b). Ang lahat ng mga taos-pusong sumusunod sa Panginoon ay laging nagpapasiyang manatiling tapat sa Kaniya sapagkat buong kababaang-loob silang nananalig at umaaasa sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. Hindi nila sinasayang at binabalewala ang pagkakataong ipinagkakaloob ng Diyos sa kanila bilang Kaniyang mga hinirang at itinalaga. Wala silang ibang naisin kundi ang maging kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos na lubusan nilang pinananaligan at inaaasahan. Kaya, namumuhay silang may kababaang-loob. 

Walang mapagmataas na nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso. Ang lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ay may kababaang-loob. Ito ay dahil ang kanilang buong sarili ay kanilang binubuksan sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. Dahil dito, handa silang sundin at paglingkuran ang Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento