Biyernes, Nobyembre 22, 2024

BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

10 Disyembre 2024 
Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila 
1 Hari 8, 22-23. 27-30/Salmo 83/Juan 2, 13-22 


Ipinapaalala sa atin sa araw na ito kung bakit pinahahalagahan natin ang mga bahay-dalanginan o mga gusaling Simbahan gaya ng makasaysayang Katedral ng Maynila. Ang Simbahan ay binubuo ng mga mananampalataya. Tayo ang Simbahan. Subalit, sa kabila nito, pinahahalagahan pa rin natin ang mga gusaling Simbahang itinayo bilang mga bahay-dalanginan gaya na lamang ng makasaysayang Katedral ng Maynila dahil sa sinasagisag ng mga ito. 

Hindi mga gusali lamang ang lahat ng mga gusaling Simbahang itinayo bilang bahay-dalanginan. Ang mga gusaling ito ay sagrado. Sagrado ang mga gusaling Simbahang itinayo bilang mga bahay-dalanginan dahil sa presensya ng Diyos. Pinababanal ng presensya ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, ang mga gusaling itinayo bilang mga bahay-dalanginan. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang dalangin ni Haring Solomon. Ang pasiya ng Diyos na manahan sa Templo, bagamat ang Kaniyang trono ay nasa langit, ay buong linaw na binigyan ng pansin ni Haring Solomon sa kaniyang panalangin na inilahad sa Unang Pagbasa. Kahit na hindi kinailangan itong gawin ng Diyos, ipinasiya pa rin Niya itong gawin. Ito ang dahilan kung bakit buong lakas at linaw na inihayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang pagmamahal at pagpapahalaga para sa Templo. Ang presensya ng Diyos ay ang dahilan kung bakit ang Templo ay banal. Ito rin ang puntong isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Ang Templo ay nilinis ng Poong Jesus Nazareno dahil nais Niyang isalungguhit na pinababanal ng Diyos ang Templo sa pamamagitan ng Kaniyang presensya. 

Ang mga gusaling Simbahang itinayo bilang mga bahay-dalanginan ay banal dahil sa presensya ng Panginoong Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. Dahil dito, ang ordinaryo ay nagiging banal. Mula sa pagiging mga karaniwang gusali, ang mga ito ay nagiging mga daluyan ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Mahal na Poon. Ginagawa rin ito ng Panginoong Diyos sa atin sa pamamagitan ng pagtatalaga sa atin bilang Kaniyang mga Templo. Ipinasiya Niyang manahan sa atin upang ang bawat isa sa atin gawing banal at daluyan ng tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento