Linggo, Nobyembre 24, 2024

MAKINIG AT SUMUNOD SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

13 Disyembre 2024 
Paggunita kay Santa Lucia, dalaga at martir 
Isaias 48, 17-19/Salmo 1/Mateo 11, 16-19

SCREENSHOT: #PABIHIS sa Mahal na Poong Jesus Nazareno | 19 November 2024 (Martes) - Quiapo Church Facebook and YouTube


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa dapat nating pakinggan at sundin. Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa para sa araw na ito na mayroon tayong dapat pakinggan at sundin bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahan. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahan, ang Poong Jesus Nazareno lamang ang dapat nating pakinggan at sundin nang taos-puso. Dahil Siya lamang ang tunay na maaasahan sa lahat ng oras, marapat lamang na pakinggan at sundin Siya. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Isaias ang pakiusap ng Panginoong Diyos. Isa lamang ang pakiusap ng Panginoong Diyos para sa bayang Kaniyang hirang - makinig at sumunod sa Kaniya. Nagbitiw rin ng pangako ang Panginoong Diyos para sa mga magpapasiyang makinig at sumunod sa Kaniya. Hindi Niya sila pababayaan. Lagi Niya silang tutulungan at papatnubayan. Nakatuon sa pangakong ito ng Panginoong Diyos ang mga salitang binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ipinasiya ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na maging taos-puso sa kaniyang pasiyang makinig at sumunod sa Diyos. Sa Ebanghelyo, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pagkadismaya sa katigasan ng ulo at puso ng mga tao. Bagamat si Jesus Nazareno ay ang Diyos na nagkatawang-tao dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, hindi pa rin Siya tinanggap ng nakararami dahil sa katigasan ng kanilang mga ulo at puso. Dahil dito, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay labis na nasaktan, nalungkot, at nadismaya. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagpakita ng pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob sa lahat. Subalit, ang naging kapalit nito ay ang hindi pagtanggap sa Kaniya. 

Tayong lahat ay pinakikiusapan ng Inang Simbahan na makinig at sumunod sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Sa Kaniya lamang natin matatagpuan ang tunay na liwanag at pag-asa. Huwag nating patigasin ang ating mga puso at isipan. Bagkus, buksan natin ang ating mga puso at isipan sa pag-asang Kaniyang kaloob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento