17 Disyembre 2024
Ikalawang Araw ng Simbang Gabi
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17
Larawan: Hugo van der Goes (circa 1440–1482), Portinari Triptych (c. 1475). Galleria degli Uffizi, Florence, Italy. Public Domain.
Tampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang talaan ng angkang pinagmulan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang pangunahing aral ng nasabing talaan ay ipinasiya ng Diyos na maging bahagi ng kasaysayan ng tao. Kahit na Siya mismo ang may likha ng lahat ng bagay, pati na rin ang oras at panahon, ipinasiya pa rin ng Diyos na magpasakop sa panahon at maging bahagi ng kasaysayan ng tao sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Hindi napilitan ang Diyos na gawin ito. Kusang-loob Niya itong ginawa.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Jacob sa kaniyang mga anak na magmumula sa lahi ni Juda ang tunay na Hari. Hindi lamang basta dakilang hari kundi ang tunay na Hari. Isa itong napakahalagang detalye mula sa pahayag ni Jacob sa Unang Pagbasa na dapat bigyan ng pansin. Ang tunay na Hari ay magmumula sa lahi ni Juda. Magkakaroon ng maraming hari sa lahi ni Juda. Ipinahiwatig ito ni Jacob nang buong linaw sa kaniyang pahayag sa kaniyang mga anak sa Unang Pagbasa. Subalit, sa lahat ng mga magiging hari sa lahi ni Juda, isa lamang ang tunay.
Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay isang panalangin para sa mga hari sa Israel. Ipinahiwatig nang buong linaw ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan na maraming magiging hari sa Israel. Dahil dito, taimtim na nananalangin sa Diyos ang tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa lahat ng mga mamumuno sa bayang hinirang at itinalaga ng Diyos na walang iba kundi ang Israel. Nananalangin siya na maging bukas sa kalooban ng Diyos ang mga magiging hari ng Israel. Isa itong napakalinaw na pahiwatig na hindi perpekto ang mga haring ito. Ang masaklap, hindi lahat ng mga namuno sa Israel bilang hari ay naging mabuti.
Batid naman ng Diyos na hindi naman perpekto ang lahing Kaniyang kabibilangan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Katunayan, batid rin ng Diyos na ang lahat ng mga haring hinirang at itinalaga upang mamuno sa Israel ay hindi perpekto. Alam rin Niyang may mga namuno sa Israel bilang hari na naging abusado at mapang-api. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin Niyang maging kabilang ng lahing ito. Ano ba ang dahilan kung bakit ito ipinasiyang gawin ng Diyos?
Kahit na hindi perpekto ang sangkatauhan, ipinasiya pa rin ng Diyos na magpasakop sa oras at panahon sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno upang magdulot ng tunay na pag-asa sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naging bahagi ng isang lipi, lahi, at angkan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno, kahit na hindi perpekto ang lahat ng mga naging ninuno Niya, dahil nais Niyang magdulot ng pag-asa sa lahat.
Hindi kinailangan ng Diyos na maging bahagi ng isang hindi perpektong angkan, lahi, at lipi. Subalit, sa kabila nito, kusang-loob pa rin Niyang ipinasiyang maging bahagi ng isang hindi perpektong angkan, lahi, at lipi sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil nais Niyang magdulot ng tunay na pag-asa sa lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento